Aktibismo, ‘di terorismo

0
274

Hindi terorista ang aktibista.

Ito ang sagot ng mga grupong progresibo sa listahan ng Department of Justice (DOJ) na nagaakusa sa 656 indibidwal na “terorista”. Idinidikit ang mga pangalan nila sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Bahagi ito ng plano ni Pangulong Duterte na bansagang “terorista” ang naturang mga grupo sa ilalim ng Human Security Act. Naghihintay na lang sila ng desisyon ng RTC Branch 19 upang maging legal ang bansag na ito.

Pero ayon sa mga liderprogresibo na nakakita sa naturang listahan, malinaw na walang terorista sa mga ito. Sa kabilang banda, marami sa mga nasa lista ay mga aktibista, negosyador pangkapayapaan, at tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Isa si dating Rep. Satur Ocampo sa isinama sa listahan. “Hindi ako terorista, at hindi kailanman magiging isa,” aniya. Kasama niya ang ilang negosyador pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines tulad nina Jose Maria Sison, Luis Jalandoni, at Coni Ledesma, at mga konsultant nito tulad nina Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, at iba pa.

Maging ang ilan pang namatay na ay pinangalanan sa listahan tulad ni Camille Manangan, dating lider ng Gabriela-Youth na nasawi sa Batangas noong Nobyembre 2017.

Kasama rin sina Windel Bolinget ng Cordillera People’s Alliance (CPA); Joan Carling, co-convenor ng Indigenous Peoples Major Group for the Sustainable Development Goals; Atty. Jose Molintas, dating kinatawan ng Asya sa UN Expert Mechanism on the Rights of Indigenous Peoples; Janet Ribaya-Cawiding, dating tagapangulo ng CPA; Beverly Longid, kasalukuyang global coordinator ng International Indigenous People’s Movement for Self-Determination and Liberation; Sherwin de Vera ng Safe the Abra River Movement at kolumnista sa Northern Dispatch; at marami pang iba.

Kasama pa sa listahan si Vicky Tauli-Corpuz, UN Special Rapporteur on the Rights of Indigenous People.

Nasa listahan din ang ilang lider-katutubo sa Mindanao. Kaya atake ito sa mga nagtatanggol ng karapatang ng mga katutubo kontra sa malalaking negosyo at panginoong maylupa na umaangkin ng lupa at yaman nito, ayon sa Indigenous People’s Movement for Self-Determination and Liberation.

May malinaw ding implikasyon ang pagbabansag na ito sa usapang pangkapayapaan. Ayon sa NDFP, ibig sabihin ng proscription na ito’y ang mga pangalan sa listahan ay mga terorista, at kung anuman ang kanilang ginagawa’y akto ng terorismo. Ibig sabihin, tuluyan nang tinalikuran ni Duterte ang usapang pangkapayapaan.

Para sa mga lider-progresibo, napakamalisyoso, walang basehan at may intensiyong mangharas ang listahang ito. “Nakakatawa, dahil ang burden of proof ay nasa mga akusado,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Malinaw umanong itinuturing ng rehimeng Duterte na terorismo ang paggiit ng mga mamamayan ng kanilang karapatan. Dahil sa mga atake nito sa karapatan ng mga mamamayan, si Duterte pa umano ang numero unong terorista sa kanyang paglabag ng karapatang pantao.

“Hindi kami natatakot, hindi ngayon, hindi bukas, hindi kailanman,” ani Elisa Tita Lubi, tagapagtanggol ng karapatang pantao. Aniya, magpapatuloy ang paggiit ng karapatan ng mga mamamayan—anuman ang pagbabanta ng rehimeng ito.