Alay sa altar ng tubo

0
452

Walang masama sa pananampalataya, lalo na sa panahon ng krisis, at karaniwan lang mag-alay ng bulaklak at kandila kapalit ng biyaya. Ang masama ay ang pagsamba ng administrasyong Duterte sa negosyo at kapital, at pag-alay niya sa buhay ng mga manggagawang Pilipino kapalit ng suporta ng mga kapitalista sa kanyang pasistang diktadura.

Lumobo na sa lampas 100,000 ang mga kaso ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) sa bansa. Malakihan ang pagtaas ng bilang ng nahawahan ng sakit mula nang magluwag ng kuwarantina. Kalakhan ng mga kaso, sa Metro Manila at mga probinsiyang sentro ng komersiyo at manupaktura gaya ng Laguna, Cavite at Cebu.

Rumururok pa lang ang krisis ng Covid-19 pero itinulak na ng mga tagasulsol ng neoliberal na patakaran sa ekonomiya ni Duterte na payagang magbalik operasyon ang maraming pagawaan. Pinaluwag din ang mga restriksiyon para makabalik-trabaho na ang mga manggagawa.

Matapobreng sinabi pa ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na puwede nang magbalik-trabaho ang mga manggagawa dahil mas sanay naman daw sa sobrang exposure ang mahihirap at may mas malakas na resistensiya kaysa mga nakakariwasa at namumuhay sa ligtas na pamayanan.

Kailangan daw buhayin ang ekonomiya. Pero kapalit nito ang buhay at kalusugan ng mga manggagawa.

Pinagtrabaho ang mga manggagawa kahit walang kaseguruhan sa kalusugan gaya ng mass testing, contact tracing, inspection, at iba pa. Wala ring maayos na sistema ng pampublikong transportasyon para ligtas silang makapasok at makauwi. Sa maraming kaso, wala pang karampatang benepisyo gaya ng hazard at overtime pay.

Nitong katapusan ng Hulyo, ibinalita ng Philippine Economic Zone Authority na 30 sa 140 kompanya sa Laguna Technopark ang nakapagtala ng mga manggagawang nagkasakit. Pinakamarami ang 290 manggagawa mula sa Nidec Philippines Corp. na may mahigit 8,000 empleyado.

Ayon sa provincial health office ng Laguna, ang natukoy nilang ang bungkos ng mga impeksiyon sa buong lalawigan ay nakasentro sa mga sonang industriyal sa mga lungsod ng San Pedro, Biñan at Sta. Rosa.

Sa tala ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) 47 porsiyento ng kabuuang lakas-paggawa ng bansa’y nasa mga rehiyon ng Metro Manila, Central Visayas, Calabarzon at Central Luzon. Nakakabahala na ang mga rehiyong ito na may pinakamatataas na bilang ng kaso ng Covid-19 ay siya ring mga rehiyon na nagtala ng pinakamababang antas ng pagsunod sa mga pamantayan ng occupational health and safety.

Para sa Iohsad, maituturing na itong trahedyang pangkalusugan sa mga lugar-paggawa. Trahedyang bunga ng pagtanggi ng gobyerno na tugunan ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa at mamamayan para sa libreng mass testing sa mga lugar-paggawa. Pinalala pa ang palpak nang mga patakaran sa pagpigil sa paglaganap ng Covid-19 ang matagal na pagbinbin sa mga labor inspection.

Ngayong nabubulunan na ang sistemang pangkalusan ng bansa sa bilis at lawak ng paglaganap ng Covid-19, nanawagan na ang mga doktor at manggagawang pangkalusugan na maghigpit muli ng kwarentina para makapagbuo ng mas maayos na plano ang gobyerno.

Nakakasuklam na muli na namang nagmatigas ang mga neoliberal na sulsulero. Kesyo hindi maaring pahabain ang Modified Enhanced Community Quarantine dahil kailangan daw magtuloy ang ekonomiya. Layunin daw nilang iligtas ang mga trabaho at kabuhayan. Ang tanong, trabaho at kabuhayan nino?

Ang totoo, gusto lang isalba ng gobyerno ang tubo ng malalaking kapitalista kesehodang magkandamatay ang libu-libong mamamayan sa sakit at gutom. Para sa kanila, ang “new normal” ay “business as usual”. Anumang mungkahi at panawagan para sa ligtas na lugar-paggawa, basta makakabawas maski katiting sa tubo ng kapital ay kagyat na isinasantabi, o mas malala pa, sinusupil.

Lampas kalahating taon na nating hinaharap itong pandemya. Pero wala pa ring malinaw na plano ang administrasyong Duterte sa pagtugon sa krisis pangkalusugan. Sa kabilang banda, buung-buo naman ang neoliberal na mga plano nitong isalba ang mga kapitalista sa pamamagitan ng trilyones na utang panlabas na ipangsasalba sa malalaking korporasyon.

Walang ayuda para sa mga mamamayan pero may ayuda para tustusan ang nawalang kita ng malalaking negosyo sa panahon ng pandemya. Walang mass testing labor inspection para hindi maantala ang produksyon sa mga malalantad na paglaganap ng sakit at paglabag sa occupational health and safety.

Lumalabas na ang plano lang ni Duterte, panatilihing bundat sa tubo ang mga oligarkiya sa negosyo para manatili ang suporta ng mga ito sa kanyang administrasyon. Labis na kasi siyang nahihiwalay sa mamamayan dahil sa palpak na pagtugon sa pandemiya at malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Ang pagpapauna ni Duterte sa interes ng kapital kaysa sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa at mamamayan ang tunay na nagpapalala ng pagkalat ng sakit.

Pero hindi mga tupa ang mga manggagawang Pilipino. Hindi sila papayag na patuloy pang isakripisyo ni Duterte ang kanilang buhay at kalusugan sa altar ng tubo. Alam nila na para tunay na masugpo ang Covid-19, kailangan munang nilang sugpuin ang inutil at pasistang gobyernong naglalagay sa peligro sa buhay nila at kanilang mga pamilya.

Si Duterte ang dapat gawing alay na tupa para matiyak ang kaligtasan at kalusugan sa mga lugar-paggawa.