Ang babala ng atake sa Capitol Hill para sa mga Pilipino

0
243

Editorial, Jan 18, 2021, Rappler.com

Hindi nagulat ang mga taga-Rappler na nagsasaliksik ng  disinformation sa nangyari sa Capitol Hill sa Washington DC nitong Enero 7.

Totoong nakagigimbal makitang sinusugod ang Capitol Hill, ang tahanan ng US Congress, ang pugad ng demokrasya ng bansang Estado Unidos, na de facto lider naman ng kilusang demokratiko sa buong mundo. Mas nakagigimbal na sinusugod ang kapitolyo ng mga supporter ng nakaupong Presidenteng si Donald Trump.

Tumawid sa tunay na buhay

Pero hindi rin nakagugulat sa isang banda. Ito ang lohikal na patutunguhan ng pagkabiyak ng lipunang America.

Ano ang nangyari sa Capitol Hill at bakit mahalagang maintindihan ito ng mga Pilipino?

Ayon kay Kate Starbird, isang eksperto sa disinformation at propesor sa University of Washington, ito ay “online hate transforming into real-world violence” o ang pagtawid ng poot sa online at pagsalin nito sa karahasan sa tunay na buhay.

Ayon kay Starbird, ito ang pagsasama-sama ng iba’t ibang mga grupo: QAnon, mga aktibistang pro-Trump, right-wing militias, at white nationalists sa ilalim ng bandila ni Trump.

At bihasa si Trump sa pagsasamantala ng sama ng loob ng mga tao at paano ito gagamitin sa kanyang agenda.

Halimbawa na lang ang grupong QAnon. Ito ang grupong naniniwalang may engrandeng conspiracy ang mga umano’y sumasamba kay Satanas at mga pedopilya sa gobyernong US. Naniwala rin ang grupo na si Trump ang sugo na nagsusulong ng sikretong gyera laban sa mga kampon ng kadiliman.

Salamin, salamin

Kaya niyo ‘yun, mga Duterte Diehard Supporters (DDS)? Taob ba kayo sa teorya ng mga supporter ni Trump?

Napag-uusapan na rin lang ang mga DDS, ano ba ang link na nag-uugnay kay Trump at Presidente Rodrigo Duterte?

Pareho silang eksperto sa personality politics, oo, pero ang secret sauce nila ay ang social media.

Ginamit ni Trump at ng Russia ang mga mapanlinlang na balita upang imanipula ang eleksyon ng 2016 at talunin ang llamadong kandidato ng mga Democrats na si Hillary Clinton. Sa conspiracy theory na “pizzagate” na kakatwa sana kung hindi ito nagtagumpay, sangkot daw sa child sex ring si Clinton at mga Democrats at pronta nila ang mga pizza parlor.

Sa Pilipinas naman, social media ang nagpanalo kay Duterte at nagtaob sa partidong incumbent na mas may network at pera noong panahong iyon.

Pero hindi puwedeng simpleng sabihing “will of the people” o kagustuhan ng mga Pilipino ang nanaig sa eleksyon 2016 sa Pilipinas. Bakit napakabilis ng pagsikat ni Duterte simula ng 2015? 

Ayon sa whistleblower ng Cambridge Analytica na si Christopher Wylie, una nitong “petri dish” ang Pilipinas. Ang Cambridge Analytica ang consulting firm na nagmanipula sa sentimyento ng mga Amerikano sa 2016 elections gamit ang Facebook data. 

Pero kahit na wala na sa eksena ang Cambridge Analytica, hindi tumigil ang disinformation. Sa katunayan, hindi ang mga buwitreng tulad ng Cambridge Analytica ang ugat ng problema.

Mismong Facebook ang nagpapanatili ng aparato ng disinformation dahil krusyal ito sa kanilang business model o disenyo ng negosyo.

Eto ang sinasabi ng mismong dating investor sa Facebook at may-akda ng Zucked: Waking Up to the Facebook Catastrophe na si Roger MacNamee.

Sa isang panayam, ipinaliwanag niya ang negosyo ng mga higanteng social media platform tulad ng Twitter, YouTube at lalong-lalo na ang Facebook. “They do that by grabbing the attention of people…using emotionally inflammatory content.” Inaagaw nila ang atensyon ng mga tao gamit ang nakagagalit na content. Sa madaling salita, nanunulsol. Nang-uudyok. Nanggagatong. 

Sabi pa ni MacNamee, ito’y “core” sa negosyo ng Facebook.

Ayon mismo sa isang internal na pag-aaral ng Facebook, 64% ng mga sumali sa mga extremist na organisasyon sa US tulad ng QAnon ay naakit dahil inirekomenda ito ng Facebook.

Sabi ng mga nakakita ng mga slide ng pag-aaral, “Our algorithms exploit the human brain’s attraction to divisiveness.” Sinasamantala daw ng algorithms ng Facebook ang pagkahilig ng utak ng tao sa bangayan.

Pero isinantabi mismo ng Facebook ang sarili nitong pag-aaral na nagsabing pinapalala nito ang tribalismo at pagkakawatak-watak.

Bakit? Dahil oxygen ng Facebook ang pagrerekomenda ng galit at poot dahil ito ang mas madikit, mas mahilab, kaya’t mas nag-aakyat ng dolyar. 

Sabi nga ng CEO ng Rappler na si Maria Ressa, “Lies laced with anger and hate spreads fastest on social media.” Tila virus daw ang bilis makahawa ng kasinungalingan at poot sa social media.

Wala itong pinagkaiba sa isang drug dealer na nagtutulak ng droga.

‘Been there, done that’

Pero sa totoo lang, nauna na sa ganitong karanasan ang mga Pinoy.

Pamilyar sa atin ang pagsugod sa trono ng kapangyarihan. Noong 1986, sinugod ng taumbayan ang Malacañang upang mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos. Nilooban ang Palasyo at maraming nanakaw na gamit at nawasak na kasangkapan. Pero tinawag itong “People Power.” Hindi naging malaking isyu ang panloloob sa Palasyo sa harap ng pagkalasing ng bayang nagpatalsik sa isang diktador.

Matapos ang EDSA Revolution, nagsalin ng kapangyarihan ang bayan mula sa isang grupong elitista papunta sa isa pang grupong elitista.

Nanumbalik lang ang katahimikan pero walang tunay na pagbabagong naganap at hindi rin naibsan ang ‘di-pagkapantay-pantay at kahirapan.

Naulit na naman ito sa EDSA Dos na nagpa-resign kay Presidente Joseph Estrada at EDSA Tres na isinulong naman ng mga supporter ni Estrada. Pero ‘di tulad ng unang EDSA uprising, tinawag ang EDSA Tres na “siege,” “riot,” at “insureksiyon.”

Walang shortcut

Hindi natin sasagutin kung bakit magkaiba ang turing ng kasaysayan sa dalawang pangyayari. Pero ipaaalala naming walang shortcut sa demokrasya.

Maliban diyan, kung meron mang dapat na take-away ang mga Pilipino sa nangyari sa Washington DC, ito’y ang pagpapakita ng kamandag ng disinpormasyon, at kung paano puwedeng tumawid ang poot sa online, papuntang tunay na buhay.

Sa katunayan, ito’y bagay na ipinagdarasal ng mga DDS upang maipakita nila ang kanilang asim. Maari itong mag-translate sa appointments, kontrata sa negosyo, at higit sa lahat, tagumpay sa eleksiyon.

Isang taon at kalahati na lang at nariyan na ang Mayo a-nuebe, 2022. Asahan nating titindi pa ang disinpormasyon. Titindi pa ang pambabaluktot at kasinungalingan.

Natawa ka ba o nanliit nang mabalitaang Pinoy ang may hawak na walis tambo na sumugod sa US Congress?

Ipinapakita ni Walis Tambo Boy at ng iba pang Fil-Am na sumugod kung gaano nakahahawa ang veerus ng disinformation at kung gaano kabulnerable ang mga Pilipino sa lengguwahe ng mga tulad ni Trump.

Ngayon pa lang, kumilos na tayong huwag mangyari sa Pilipinas ang nangyari sa Estados Unidos. Hindi lamang upang maiwasan ang isang riot, kundi upang muling mangibabaw ang katarungan at katotohanan. Rappler.com