Ang Better Normal for the Workplace Act

0
286

Noong Agosto 10, inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 6863 o ang Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act.

Kailangan na lang ang pagsang-ayon ng Senado bago tuluyang maging ganap na batas ang proposed bill na ito.

Ang panukalang batas na ito’y sanhi ng pandemyang dulot ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) at tumatalakay sa mga bagay na dapat gawin kahit tapos na ang pandemya.

Halimbawa, inuutos ng HB 6863 sa mga mamamayan ang pagsusuot ng face mask kapag nasa pagawaan, pampublikong lugar at sa mga komunidad, pati na pagsunod sa physical distancing.

Inuutos din ang regular na pagkuha ng temperatura sa pampublikong mga lugar at pagawaan.

Ang mga kompanya na nasa food and beverage ang negosyo ay pinapayagang ipagpatuloy ang kanilang take-out at delivery services. Ang dine-in services naman ay unti-unting binabalik pero kailangang may layong dalawang metro sa bawat isa ang bawat mesa.

Tinutulak din nito ang pagsagawa ng mga kompanya ng digital meetings na lang kaysa pisikal na harapan.

Ang pagbubukas ng pampublikong sasakyan ay muling sisimulan pero kailangan maghugas ng kamay ang mga pasahero bago sumakay, magsuot ng face mask, at sumunod sa physical distancing.

Ang pagbabayad ng pamasahe ay hindi na dadaaan sa mga drayber o konduktor kundi gagawing contact-less na lang.

Obligado ring magbigay ang pribadong mga kompanya sa nasyunal at lokal na mga pamahalaan (LGU) ng management plan kung paano nila masusunod ang mga health standards na nakalagay sa ilalim ng batas.

Gagawa naman ang nasyunal na pamahalaaan at ang mga LGU ng isang data base batay sa management plan na kanilang matatanggap.

Ang pamahalaan naman ay obligadong gumamit ng digital platform para lahat ng mga mamamayan ay makaalam sa mga programa nito sa pamagitan ng kompiyuter na lang at hindi na kailangang personal na pumunta pa sa mga tanggapan.

Ayon sa HB 6863, ang paglabag dito’y paparusahan ng pagkakulong na hindi bababa sa isang buwan at hindi lalampas sa dalawang buwan o multa mula P1,000 hanggang P50,000, o pareho.

Kasama rin dito ang pagsuspinde o pagtanggal ng lisensya ng mga kompanya o mga pagawaang mapatunayang lumabag dito.

Sa mga kawani naman ng gobyerno ay mas malaki ang parusa: pagkabilanggo ng dalawa hanggang anim na buwan, o pagbayad ng multang nagkahalaga ng P5,000 hanggang P100,000 o pareho.

Maging epektibo ang HB 6863 sa loob ng tatlong taon simula sa pagsabatas nito.

Sa panahong ito ng new normal ay mukhang kailangan natin ang HB 6863.

Ito ang dahilan kung bakit wala ni isa mang bumoto laban sa HB 6863 at inaprubahan ito ng mga Kongresista.

Sa ngayon ay kailangan na lamang ang pagsang-ayon ng Senado upang maging ganap na batas ang HB 6863.

Subalit ayon sa ibang kritiko, may mga probisyon ang HB 6863 na lumalabag sa ating karapatang pantao at hindi dapat payagan.

Nakalagay kasi sa Section 6 ng HB 6863 na ang mga lokal na pamahalaan o LGU ay may karapatang i-regulate o isaayos ang pagtitipon ng mga mamamayan sa pampublikong lugar.

Binibigyan ng panukalang batas na ito ang mga LGUs ng karapatang pagbawalan ang pagtitipon ng mamamayan sa isang pampublikong lugar sa pamagitan ng hindi nito pagbibigay ng permit kung sa pagtingin ng LGU ay magiging sanhi ito sa paglipat o pagkakalat ng sakit.

Ayon sa mga human rights advocate, lumalabag ito sa Bill of Rights (Article III) ng ating 1987 Saligang Batas.

Ito kasi ang nakalagay sa Bill of Rights ng ating Saligang Batas:

“Seksiyon 4. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.”

Maliwanag sa probisyong ito ng ating Saligang Batas na pinagbabawal sa ating pamahalaan ang gumawa ng batas na nagbabawas sa kalayaan ng mamamayan na mapayapang magtipon – tipon at magpestiyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang karaingan.

Lumalabas na ginagawa lamang na dahilan ng gobyerno ang pandemyang Covid-19 para labagin ang karapatan sa mapayapang pagtipun-tipon ng mga mamamayan.

Sabi pa ng ibang kritiko, malapit na kasi ang eleksiyon at maaaring gamitin ng administrasyong Duterte ang batas na ito pang gipitin ang oposisyon.

Sa maraming kasong dinesisyunan ng ating Korte Suprema, sinabi nito na ang kalayaan ng mga mamamayan na magtipun-tipon upang magpetisyon sa pamahalaan at ilahad ang kanilang mga karaingan ay isa sa karapatang inaalagaan sa ating bansa kung nais nating manatili itong isang demokrasya.

Ang pagtanggal sa kalayaang ito, kasama na ang kalayaan sa pananalita at pamamahayag, ay pagtanggal na rin sa ating demokrasya.

Dapat lang na alagaan at pananatilihin natin ang karapatang ito.

Kaya dapat nating iparating sa Senado ang mahigpit na pagtutol at hindi natin pagsang-ayon sa bahaging ito ng HB No. 6863.

Hindi pa huli ang lahat, mga kasama.