Iba’t iba ang tingin ng mga mamamayan kapag may paggunita at pagdiriwang na isinasagawa sa isang petsa sa kalendaryo. Depende sa naging karanasan at kasaysayan ng lipunan, maaaring pagdiriwang o pagluluksa ang pananaw ukol sa isang natatanging araw na ginugunita.
Ang Hulyo kwatro ang isa sa mga petsang natatangi na iba’t iba ang paglalapat ng paggunita. Ang pinakamalawakang pagdiriwang sa petsang ito ang paggunita sa Hulyo 4, 1776 kung kailan nagkaroon ng proklamasyon ng kalayaan ang Amerika mula sa mga Ingles. Sa mga historyador, ito ang isa sa unang karanasan sa pagbubuo ng isang nasyon mula sa isang kolonya. Ang unang labingtatlong estado ang bumuo ng Estados Unidos mula sa mga dating kolonya ng Inglatera buhat sa kilusang nagsimula sa paggiit ng kalayaan sa pagkakaroon ng kinatawan kapalit ng pagbabayad ng buwis. No taxation without representation ang unang sigaw ng kilusang nagbigay daan sa pagtiwalag at pagbubuo ng isang malayang bayan.
Sa naratibo ng kasaysayan ng Amerika, ang Hulyo kwatro ang simula ng pagbubuo ng bayan, ang pagkamit ng kalayaan, at ang pagsisimula ng tinatawag na pagpapalawak sa kanluran o westward expansion na magbubunga ng pagkabuo ng Estados Unidos na may 50 estado sa kasalukuyan. Isang kontinental na kapangyarihan ang itinakda bilang kapalaran ng bayan na magpalawak, ayon sa tinatawag na manifest destiny ng Amerika.
Subalit kaninong pananaw ba ang ganitong naratibo? Kung sa isang katutubong Amerikano (native American, o dating kilala bilang American Indian), hindi ba pagkawala ng kanilang bayan ang nagsimula sa Hulyo kwatro? Sa Afrikanong pinagbili bilang alipin para magtrabaho sa mga plantasyon sa timog ng Estados Unidos, hindi ba indikasyon ng pagkaalipin, ng pagkawala at hindi pagkakamit, ng kalayaan ang Hulyo kwatro? Anong itinakdang kapalaran ang maiisip ng mga Mehikanong nawalan ng kanilang lupain sa pakikidigma sa Amerika? Paanong maisasama sa naratibo ng kalayaan ng estado ang integrasyon ng mga dating malayang teritoryo ng Hawaii at Alaska na naging bahagi ng isang malaking estado ng Estados Unidos sa harap ng pagkawala ng katutubong kultura at wika?
Sa Pilipinas, marami ring kahulugan ang Hulyo kwatro. Hulyo 4, 1901 iprinoklama ni William Howard Taft na opisyal nang nagsimula ang Gobyernong Sibil ng Amerika sa Pilipinas bilang simula ng pormal nilang pananakop matapos ang okupasyong militar. Indikasyon ito na tinitingnan ng nabuong kolonyal na estado na ang lahat ng mga paglaban sa kolonyal na kapangyarihan ng Amerika bilang simpleng kilusan ng mga tulisan at bandido at walang anumang lehitimong katangian.
Ibig sabihin, simula sa petsang ito, hindi na ituturing ng estado na bayani ang mga gaya nina Macario Sakay, Artemio Ricarte, Luciano San Miguel, Felipe Salvador at Dionisio Magbuelas kahit na dati na silang mga Katipunero at nagpapatuloy lamang sila ng paglaban sa mga Amerikano bilang pagpapatuloy ng pakikipaglaban sa dayuhang pananakop.
Ibig ding sabihin din, makakaharap ng mga taong lumalaban sa Amerika ang bibitayan, ang pagkakulong sa Bilibid, o ang pagpapatapon sa malayong lugar bilang mga itinuturing na irreconcables ayon sa naratibo ng Hulyo kwatro. Ito ang nangyari sa pagbitay kina Sakay at Salvador; ng pagpapatapon sa Guam kina Ricarte, Mabini at Tandang Sora; at ang kamatayan sa engkwentrong militar kina San Miguel.
Matapos ang digmaan laban sa mga Hapones sa Pilipinas, magkakaroon na naman ng bagong kahulugan ang Hulyo kwatro. Ayon sa probisyon ng batas Tydings McDuffie, ibinigay ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946 matapos ang sampung taong transisyon sa panahon ng Commonwealth na nagsimula noong 1935. Kahit na nawasak nang husto ang sambayanan bunga ng digmaan at tila naibalik sa dating kalagayan ng kawalan ng kakanyahang magsarili (na siyang nagpawalang bisa sa lohika ng ‘paghahanda’ sa Commonwealth), ang proklamasyon ng ‘kalayaan’ tuloy ang nagsilbing hudyat upang magpatuloy ang kalagayan ng pagiging palaasa ng bayan sa ayuda ng iba.
Magiging kontrobersyal ang mga kasunduang papasukin ng Pilipinas sa Estados Unidos matapos ang digmaan. Sa halip na kalayaan ang nakamit, ang ilang mga kasunduan ang ‘nagtali’ sa dalawang bayan kahit na maibigay na ang kalayaan. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga sumusunod:
1. Treaty of General Relations – nilagdaan noong Hulyo 4, 1946 at kumikilala sa kalayaan ng Pilipinas. Katangi-tangi ang kasunduang ito dahil sa pagkilala na lahat ng obligasyon at pagkakautang sa panahong kolonyal ay isasabalikat na ng mga Amerikano samantalang lahat ng mga karapatan ng mga Amerikano sa pagmamay-ari sa mga ari-arian sa Pilipinas na nakuha sa panahon ng pananakop ay kikilalanin.
2. Mutual Defense Treaty, nilagdaan noong Agosto 30, 1951 at naglalayong magbigay ng proteksyon sa kapwa bayan kung sakaling atakehin ito ng kaaway. Sinasabing titingnan na ang pakikidigma sa isa ay mangangahulugan ng pakikidigma din sa isa pang bayan, ayon sa konstitusyonal na probisyon ng mga bayan sa pakikidigma. Nangangahulugan ito na dahil ang Kongreso ng Amerika lamang ang maaaring magdeklara ng Digmaan, kailangan pa ng pagpayag ng Kongreso ng Amerika kung kasangkot sila sa digmaan sakaling may sumalakay sa Pilipinas.
3. Military Bases Agreement, nilagdaan noong Marso 14, 1947 at sa orihinal na kasunduan ay nagbibigay ng teritoryo ng Pilipinas para gamitin ng Amerika bilang base militar sa loob ng 99 na taon. Noong 1966, binawasan ang taon ng pagtigil ng base militar sa 25 taon kaya ito nagwakas noong 1991. Sinasabing ang pananatili ng base militar ng isang banyagang pwersa sa isang bayan ang isang malaking indikasyon ng kawalan ng kalayaan sa bansa dahil walang kontrol ang pamahalaan sa nagaganap na operasyon sa loob ng mga base, kahit na sinabi noong 1979 na may ‘soberenya’ ang Pilipinas sa mga baseng ito.
4. Military Assistance Agreement nilagdaan noong Marso 1947 na naglalayong magbigay ng pagpapayo, pagsasanay at ayudang militar ang Amerika sa Pilipinas. Kaugnay nito ang pagtatatag ng Joint United States Military Advisory Group (Jusmag) na nagbibigay ng payo sa opisyal ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Kasama rin dito ang pagbibigay ng pagsasanay sa ilang mga nakatapos ng Philippine Military Academy upang magsanay sa mga paaralang pangmilitar ng Amerika. Ang kasunduang ito ang sinasabing nagtiyak na ang patakarang pangseguridad ng Pilipinas ay dapat umayon sa oryentasyon at kaausan sa Amerika.
Sa halip na kalayaan, itinali ng mga kasunduan ang Pilipinas sa kalagayan ng pagiging palaasa at laging nakasandig sa Amerika. Sa larangan ng kabuhayan, sa kamay pa rin ng mga Amerikano ang kontrol sa kabuhayan at ekonomiya. Sa usapin naman ng depensa at militar, itinatayang nabansot ang kakanyahan ng kapuluang magpaunlad ng sariling kakanyahang pangdepensa dahil sa pagpapatuloy ng pagkakataling pangseguridad ng Pilipinas sa Amerika. Bukod dito, ang ilang suliraning panlipunan na iaanak ng mga base militar ang magiging tinik sa ugnayan ng dalawang bayan. Ang suliranin ng prostitusyon, kriminalidad, adiksyon sa droga, at pagkakaroon ng mga grupong gangster ang ilan sa mga naging kalagayang kinakaharap ng mga pamayanan sa gilid ng mga base militar. Sa estratehikal na labanan sa panahon ng Cold War, hindi nakapagpaunlad ng isang malayang patakarang panlabas ang Pilipinas sanhi ng mga ‘nakataling’ kasunduan nito.
Ang higit na seryosong bunga nito ang pagkakaroon ng kolonyal na mentalidad ng pagiging palaasa sa Amerika; ng pagtingin na higit na maganda ang lahat ng imported at banyaga at mahina ang lahat ng lokal at katutubo; at ang bulag na pagdakila sa Amerika at pagkilalang mahinang klase ang Pilipinas. Mahirap maigpawan ang ganitong pananaw na pinatitibay pa ng sistema ng kolonyal na edukasyon at paglawak ng popular na kulturang Hollywood. Kaugnay ang lahat ng mga ito sa mga kaayusang naisakatuparan matapos ang Hulyo kwatro na kabalintunaang nagbigay ng kalayaan sa Pilipinas.
Tunay ngang iba iba ang kahulugan ng mga petsa sa kasaysayan. Ang pagdiriwang ng kalayaan sa ilan ay nagiging pagkilala ng kaalipinan sa iba. Ang paggunita ng kaganapan ng nasyonalismo sa iba ang siya namang nagiging pagkilala sa ekspansyonismo ng ibang bayan.
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
The post Ang iba’t ibang Hulyo kwatro appeared first on Bulatlat.