Ang kuwentong buhay tungo sa pagsasakasaysayan

0
207

Pangunahing ginugunita sa buwan ng Marso ang Pandaigdigang Buwan ng mga Kababaihan, tila isang selebrasyon ng tagumpay at kasaganahan sa hanay ng mga babae.

Sa muling pagbabalik sa danas ng mga kababaihan mahalagang balikan ang kuwento sa loob ng mga kuwento, pakinggan ang mga naratibo, ikuwento ang mga kuwento upang magkaroon ng kuwenta ang nakaraan at hindi na lamang kuwentahin ang kanilang ambag ayon sa taya ng mga may kapangyarihan.

Isa sa dapat balikan ang danas ni Maria Rosa Luna Henson o Nana Rosa na isa sa mga comfort women noong panahon ng Hapon. Natatangi ang naging pagtatanghal ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas sa kanyang buhay. Walang takot niyang inilahad sa publiko noong 1992 ang kanyang kuwento bilang military sex slave ng mga sundalong Hapon noong World War II.

Sa muli niyang pagkukuwento, nabuksan ang yugto ng kasaysayang hindi madalas na napag-uusapan, paksang para sa iba’y maselan, usaping ayaw na muling balikan dahil sa pangangalaga ng imahe at relasyong nabuo sa pagitan ng bansang Pilipinas at Hapon. May malalim na sugat hindi lamang sa pisikal lalo’t higit sa dignidad ng kababaihan ang naging pagsasamantala ng mga sundalong Hapon.

Sa kabila ng danas ng mga comfort women ng bansa, noong Abril 2018 sa kahabaan ng Roxas Boulevard, tuluyang giniba ang isang monumentong magsisilbing simbolikong pagkilala at paggunita sa kanila. Isang buwan bago ito, pumirma ng loan agreement ang ating gobyerno at ang Japan International Cooperation Agency para sa Manila Subway Project. 

Ang kuwento ni Nana Rosa ay patuloy na maririnig at mababasa sa kasalukuyang panahon. Hindi pa rin natatapos ang aktibong pakikisangkot ng mga kababaihan sa iba’t ibang protesta laban sa malawakang anyo ng karahasan.

Walang pinipiling pananamantala at laban ang babae, iba-iba man ang antas ng pamumuhay, uri ng trabaho, lugar na pinagmulan, kakayahan at maging nakamit na edukasyon ng kababaihan. Patuloy ang naratibo ng mga babaeng pesanteng may pang-aabuso sa kanya bilang magsasaka at bilang babae. Patuloy na maririnig ang mga danas ng kababaihang napipipi ang boses dahil kailangan niyang tuparin ang pamantayan ng lipunan bilang komoditi. Patuloy na mababasa ang kuwento ng pagiging bagong bayani ng mga babaeng OFW na tumatanggap ng maliit na kita habang malayo sa kanilang pamilya. Patuloy na lalaban ang kababaihan at bubusalan ang mga biro at banta ng Pangulo na dumudurog sa pagkatao ng isang babae.

Hindi nag-iisa ang kababaihan sa laban na ito.

Sa patuloy nating pakikisama sa pakikibaka ng mga kababaihan, dahan-dahang mawawala ang multo ng nakaraan, hanggang sa ang mga multo ay nagiging alaala na lamang.  Hangga’t walang rekognisyon sa pananamantala o pang-aabuso, walang kabuuang kabayarang magaganap sa lahat ng danyos. Sa kabuuan, hindi tayo maghihilom bilang isang bayang dumanas ng kalupitan at pang-aabuso kung tayo mismo ay tuluyang nakalilimot sa mga sugat ng ating nakaraan.

The post Ang kuwentong buhay tungo sa pagsasakasaysayan appeared first on Manila Today.