Ang Mandirigma ay Makata

0
191

pula ang tinta

ng pluma,

ng bala,

ng dugong kumawala,

na umagos mula

sa katawang lupa

ng isang makata, isang mandirigma.

isinulat mo’y digma,

mga saknong ng pag-aalsa,

mga oyayi at oda,

mga taludturan ng paglaya,

para sa masang sinisinta,

para sa inapi’t dinusta,

para sa bayang musa

at lubos mong dinadakila.

ang iyong mga tula

ay di nagpalimita

sa batas ng sukat at tugma,

ni hindi nagpadikta

sa itinakda ng akademya

bagkus ay singlaya

ng angkin mong pagsinta

sa pinag-aalayang masa.

katapusan na marahil nga

ng iyong mga pulang akda

ngunit hindi ng naiwan mong digma,

hindi ng palaban mong mga tula,

ni hindi ng iyong mga panata,

panatang buhay na paalala:

na ang mga rebolusyonaryong tula

ay sila ring mga armas pandigma!

Para kay Kasamang Maya Daniel, makata, mandirigma.

The post Ang Mandirigma ay Makata appeared first on Manila Today.