Nasa dulo na ng kanyang buhay, sa edad na 79, may sakit na tuberkulosis, si Paciano Rizal.
Heneral ng rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol hangang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano si Paciano. Pero sa atin, sa karamihang Pilipino na mapalad pa siyang makilala sa pag-aaral at sa mga pelikula, siya lang ang kapatid ni Jose Rizal. Siya ang nakatatandang lalaking kapatid na nagpaaral kay Pepe, nagmulat sa kanya sa brutal na pamumuno ng mga Espanyol, at naging masugid na tagasuporta ng Pambansang Bayani tungo sa landas ng pagsusulat, pagkakabayani, at pagkamartir.
Sa huling mga araw ni Paciano, bayani ng rebolusyong Pilipino, pinili niyang kausapin sa kanyang guni-guni ang mas bantog na bayaning kapatid. Marami siyang tanong. Ikinuwento niya ang maikling kasaysayan ng bansa matapos ang pagkamartir ni Pepe. Ibinuhos niya ang kanyang galit at pagkasiphayo sa guni-guning engkuwentro sa nakababatang kapatid. Bakit pinili mong magpakadalubhasa at magpakatalino, at mag-aral sa ibang bansa, na para bang may pinatutunayan ka sa mga Espanyol? Bakit kailangan pang ipakita na kayang tapatan ang talino at pagiging “sibilisado” ng mga dayuhang mananakop para masabing karapatdapat ang mga Pilipino na mapalaya? Bakit, sa kabila ng mga sakripisyo at pakikibaka, laging sawi ang mga Pilipino – sa mga Espanyol at Amerikanong mananakop, at sa lokal na mga naghaharing uri na taksil sa kapwa Pilipino? Bakit?
Maraming tanong si Paciano sa kanyang kapatid. Samantala, sa pagitan ng paghihinagpis ng Heneral, ipinapakita ang imahen ni Pepe. Siya rin, bagamat tahimik at tila nakikinig lang sa nakatatandang kapatid, napapaisip sa kanyang landas na tinahak. Binisita niya ang mga hardin, rebulto, at makasaysayang mga lugar ng kanyang pagkamartir sa Intramuros. Para saan ang mga ito? Sa huli, sa huling sandali ng monologo ni Paciano, nagpasya na ang guni-guning Jose Rizal: Kung buhay siya ngayon, kung buhay siya sa panahon ng pandemya, panahon ng panunupil at pagsasamantala, panahon ng pasismo ng rehimeng Duterte, kabahagi siya sa paglaban dito. Sa kabila ng mga restriksiyon – ng oras, ng pandemya – kalahok siya sa mga protesta.
Ang maikling pelikulang Heneral Rizal, ginawa sa panahon ng pandemya, ng mga artista ng Tanghalang Pilipino, ay kathang-isip na monologo ni Paciano kay Pepe. Pagsisikap itong pag-ugnayin ang kahalagahan ng Pambansang Bayani sa kasalukuyang reyalidad, habang kinukuwestiyon ang ilang pinili ng landas niya at ng mga katulad niyang ilustrado. Sa monologong ito, malupit si Paciano sa kanyang kapatid. Galit siya, hindi niya mahinuha ang katwiran sa likod ng ilan sa mga desisyon at adbokasiya ni Pepe, lalo na ang repormistang pagtaguyod sa edukasyon at pagbibigay-dangal sa lahing Pilipino.
May karapatan tayo sa lupang tinubuan, ani Paciano, ano pa man ang ating antas ng pag-aaral at kasanayan. Kung maaga lang sanang napagtanto ito ni Pepe, marahil, iba sana ang naging landas ng lumang rebolusyong Pilipino: hindi nagsimula sa paggiit ng mga reporma sa kolonisador, kundi sa paggiit sa batayang mga karapatan ng mga Pilipino. Iniugnay ni Paciano ang orihinal na kasalanang ito ng mga repormista sa naging kolaborasyunismo ng sumunod na henerasyon ng mga ilustradong naging naghaharing uri na matapos mapatalsik ang mga Espanyol. Dahil nagkaroon na ng lugar sa mesa ng mga imperyalista, mabilis na tinalikuran ng mga ilustrado ang pangarap ng malayang bansa, at isinuko ang kabisera ng bansa sa bagong mga mananakop na Amerikano.
Iniugnay ni Paciano ang pagtataboy ng 300 magsasakang Pilipino sa Calamba, kabilang ang kanyang mga magulang, ng mga Espanyol mula sa kanilang mga lupain noong panahong nag-aaral sa Europa si Pepe, sa patuloy na kawalang-lupa ng mga magsasaka ngayon. Ikinalungkot niyang hindi na nakapagsalita si Pepe hinggil dito, hindi na naging bahagi sa paghahangad ng lupa para sa magsasaka, ng pagpapalaya ng maralitang magbubukid mula sa pagkaalipin sa ilalim ng piyudalismo.
Masidhi ang galit ni Paciano at marami siyang tanong. Pero ang maikling pelikula mismo, pero nagpakasapat sa galit at pagtatanong. Sa pamamagitan ng imahen ng guni-guning Pepe, dinirehe ang galit ng manonood tungo sa kasalukuyang paglaban sa pasismo sa panahon ng pandemya. Sinagot nito ang mga tanong ni Paciano sa pamamagitan ng pag-ugnay sa pagkabigo ng lumang rebolusyon sa nagpapatuloy na rebolusyong Pilipino – na humaharap sa kasalukuyang mukha ng kolaborasyon sa mga mananakop (mga Amerikano pa rin, at mga Tsino), at hitsura ng panunupil at pagsasamantala ng mga naghahari ngayon sa karamihang Pilipino.
Sa huli, inanunsiyo ng maikling pelikulang Heneral Rizal na “babalik ang heneral”. Mainam ito, kung ang plano’y palawigin pa ang ideya ng pelikula na pagsasalaysay ng kuwento ng tila-nakalimutang-bayani na si Paciano. Pero mas mainam kung ang ibig sabihin nito’y madidirehe na ni Paciano ang kanyang galit tungo sa kasalukuyang paglaban, at makikita ang sagot sa kanyang tanong sa kasalukuyang kilusan. Mainam din kung ang tinutukoy na Heneral Rizal sa dulo ay hindi na lang si Paciano, kundi ang Pambansang Bayani, na ipinapalagay na kung naitakas lang sana siya sa pagkakabilanggo noong naaresto sa Maynila, taong 1896, ay naging heneral na sana ng rebolusyong Pilipino.