Ang Tatlong Matsing

0
414

Ang Tatlong Matsing

Balikan natin ang naka-ukit na larawan
ng tatlong matsing na diumano’y natagpuan
sa Tosho-gu Shrine, sa Nikko, Japan.

Mizaru, Kikazaru, Iwazaru.
Sa Ingles: See not, hear not, speak not.
Sa Tagalog: Huwag makakita,
Huwag makarinig, huwag magsalita.

Sa true, maraming interpretasyon
ang tatlong matsing.
Mystic Apes, Wise Monkeys,
o tawaging gorilya, o unggoy,
at kung minsan, tulad ng Hindu version,
magdagdag ng isa.
Voila! Apat na sila.

Ayon sa mga itinuturo ni Buddha,
heto ang ibig sabihin:
Huwag mag-isip ng masama,
please lang, do not dwell on evil thoughts.
Halimbawa: huwag magbintang
na ang isang tao ay adik o nagtutulak,
at baka tokhang ang kalabasan.
Huwag kung ano-ano ang isumbat,
sa diyaryong mapag-imbestiga ang inilalathala,
kaya’t nais tanggalan ng karapatan.
Huwag humabi ng kasinungalingan
para lamang matanggal sa puwesto
ang opisyal ng gobyerno na walang takot,
Ano’t di yumuyukod, sa tronong nag-uutos.

Ang ikalawang interpretasyon ay hango sa kanluran.
See no evil: magbulag-bulagan sa katiwalian,
Hear no evil: magbibingi-bingihan
sa naririnig na sigaw para sa katarungan,
Speak no evil: itikom ang bibig,
nang walang masambit na posibleng ikapiit,
ikawala ng kabuhayan, o ikabuwis ng buhay.

Heto ang ikatlong interpretasyon
na ginawa para sa kasalukuyang panahon:
Kami po ay mga manunulat, artista, mamamahayag.
at itinuturo sa amin ng imahe na huwag,
huwag magpakamatsing.
Maging malay lagi sa karapatan at tungkulin.
Pagkat aanhin ang panulat, kundi magpapakatapat,
Aanhin ang sining, kundi makapanggigising?
Sa araw ng kababaihan, ay hayaang mamanata:
Hindi kami tutulad sa ika-apat na matsing
na may ikinukubli.
Hangarin lagi ang magsiwalat ng balita,
at maglantad ng katotohanan.
Walang unggoy-ungguyan pagkat bawat salita,
bawat likha ay may layon,
may paninindigan, may ipaglalaban.
Padayon, padayon.

Si Joi Barrios-Leblanc ay Co-convenor ng MALAYA: US Movement Against Killings and Dictatorship and for Democracy in the Philippines at tagasulat ng tula para sa LODI

The post Ang Tatlong Matsing appeared first on Manila Today.