Humahagupit ang dagdag na pahirap sa naghihirap nang mamamayan sa ikalawang taon ng panunungkulan ni Presidente Duterte. Pangunahing lumatay ang pagpapatupad ng kanyang gobyerno ng pasaning buwis mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) para lamang pondohan ang kanyang maka-dayuhan at maka-oligarkiyang grandyosong programa sa imprastaktura, ang Build, Build, Build (BBB). Mahalaga ang TRAIN at BBB para sa gobyernong Duterte upang maipatupad at makompleto nito ang matitinding patakarang neoliberal sa ekonomiya na magbibigay ng higit na kapakinabangan sa dayuhan at naghaharing-uri.
Lantaran ang pagiging anti-mahirap ng mga patakaran ng administrasyon. Nariyang magmumula sa bulsa ng mahirap ang pondo para sa programang magsisilbi lamang sa interes ng mayayaman at malalaking negosyo. Nariyang magbabayad ng buwis ang walang kakayahan sa pamamagitan ng tumataas na mga presyo ng bilihin habang pinapatay ang kanilang kahilingan sa nakabubuhay na sahod. Lantaran ang karahasan ng mga patakaran sa buhay at kabuhayan kung kaya’t nangangailangan ng walang-malasakit at awtokratikong pagpapatupad, na siyang naging estilo ni Duterte.