Anomalya sa mondernisasyon ng transportasyon

0
258

Masaklap panoorin ang kaguluhan sa transport sa unang araw ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ). Dahil sa limitadong pampublikong transportasyon, libu-libong komyuter ng Metro Manila na sabik na makabawi sa nawalang mga trabaho at sahod ang mistulang pinabayaan kung paano sila makakapunta sa trabaho.

Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na may “kongkretong mga plano” ang gobyerno para sa GCQ. Sinabi rin niya na hindi “sinasakripisyo ang mga mamamayan” ng gobyerno para lang muling buhayin ang ekonomiya, tulad ng naiisip ng marami.

Lumalabas na ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magtransisyon tungong GCQ ay mas batay sa kagustuhang muling magbukas ang mga negosyo kaysa tiyak na mga datos hinggil sa paglimita sa virus. Sinasabi na rin daw ng gobyernong Duterte na “wala na itong pondo” para sa ayudang sosyo-ekonomiko.

Muli, umasa ang gobyerno sa militar. Nagpakat ang militar at pulis ng mga trak at kotse para sagipin umano ang naistranded na mga pasahero. Sa proseso, nalabag nito ang mga patakaran sa social distancing at napamalas ang kawalan ng paghahanda ng gobyerno. Pagkatapos, tumungo ito sa dati nang paninisi sa mga biktima – sinisi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Malakanyang ang mga komyuter sa kaguluhan. Pagkatapos pa nito, biglang bumaligtad ang DOTr sa datinitong anunsiyo sa pagsabing hindi naman talaga nito pinangakong tutugunan ang pangangailangan sa transportasyon ng publiko sa ilalim ng GCQ.

Para sa mayorya ng mahihirap na komyuter, mas masakit na makita ngayon kung paano sukdulang ipagbawal ng gobyernong Duterte ang mga jeepney sa mga kalsada at sinasabing ang gamot sa mga problema ay modernisasyon – kahit taliwas ito sa lahat ng pag-aaral o siyensiya.

Kung may napamalas man ang Covid-19, ito ang katotohanang nasa pinakamasahol na krisis ang sektor ng transportasyon ng Pilipinas – isang katotohanan na laging itinatanggi ng administrasyong Duterte bago pa ang pandemya. Kung magtatransisyon ang ekonomiya tungo sa tunay na mas magandang kalagayan, kailangang tugunan ng gobyerno batayang mga problema ng sektor ng transport. Sa kabilang banda, para maging mas episyente ang sistema ng mass transport, kailangang tunay na maging mas maganda ang ekonomiya.

Pero patuloy tayong tali sa lumang mga problema.

Pagtutulungan ng kapwa-manggagawa. Relief operations sa mga drayber na nawalan ng kabuhayan dahil sa pagbabawal ng gobyerno sa pamamasada ng mga jeepney. Kontribusyon

Kaguluhan sa ‘bagong normal’

May dalawang bahagi ang planong pagbabalik ng DOTr sa mga operasyon ng pampublikong transportasyon. Noong unang bahagi, pinayagan nito ang mga tren at ilang bus (na tinakdaan ng mga babaan na malapit sa mga estasyon ng MRT3), taksi, transport network vehicle services (TNVS) at point-to-point na mga bus na may limitasyon sa bilang ng pasahero. Pinayagan din ang mga traysikel, depende sa pagpayag ng lokal na mga gobyerno. Hinikayat din ang paggamit ng mga bisikleta.

Sa ikalawang bahagi, pinayagan ang pampublikong mga bus at “modernong” mga “jeepney” (PUV/PUJ) na may limitadong bilang ng pasahero sa ilang piling ruta. May 30 ruta mula sa 96 ruta para sa bus at 34 bagong ruta para sa “modernong mga jeepney”. Magbubukas pa raw ng bagong mga ruta ang DOTr para sa modernong mga jeepney sa susunod na mga araw. Samantala, pinagbabawalan ang tradisyunal na mga jeepney na bumiyahe sa mga ruta nito hangga’t hindi “roadworthy” o karapat-dapat daw sa kalsada. Ang tradisyunal na mga jeepney rin ay ang pinakamababa sa prayoridad at magagamit lang bilang pampuno sa mga rutang walang biyahe.

Pinayagan din ang mga utility vans (UV) express na mag-opereyt nang may limitadong mga pasahero, sa oras na mas maraming ruta para sa modernong PUV ang naidagdag. Pinagbabawalan pa rin ang mga bus na pumasok ng Metro Manila.

Naglabas na rin ang DOTr ng ilang “new normal” na guidelines, kabilang ang pagsuot ng face masks sa lahat ng panahon, walang pera (cashless) na bayaran para mapigilan ang pisikal na kontak, paggamit ng thermal scanners, paggamit ng alkohol at sanitizers, paggamit ng disinfection at pagtitiyak ng mga pasilidad sa disinfection, at contact tracing. Siyempre, ang gastos sa mga ito ay babalikatin ng pribadong mga operator at mga pasahero.

Maliban sa karagdagang abala na dala ng mga rekisitong ito sa dati nang di-maaasahang sistema ng mass transport, marami pang ibang guidelines na nakapagpalito. Halimbawa, nagbabawal din ang Philippine National Police (PNP) ng backrides sa mga motorsiklo kahit sa mga mag-asawa – kahit pa nilalabag ito ng mga pulis mismo. Tinangka pa ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Ano na ikutan ang pagbawal na ito sa pamamagitan ng pagmungkahi sa paggamit daw ng mga sidecar. Pero bawal pala ito sa mayor na mga haywey ng Kamaynilaan.

Kahit pa may promosyon sa paggamit ng bisikleta, wala namang kaukulang polisiya ang gobyerno para sa pagtitiyak ng bike lanes at road-sharing (pagbabahagi ng kalsada) ng mga siklista para sa mas ligtas at episyenteng pagkomyut sa bisikleta. Noong nag-inisyatiba pa nga ang ilang grupo ng bikers na mag-marshall ng trapiko ng mga bisikleta sa “killer highway” na Commonwealth Avenue, pinagbulta pa sila ng MMDA dahil daw sa “traffic obstruction”. May ilang LGU pa ang muling bumuhay sa lumang mga ordinansa sa rehistrasyon ng bike kahit na di pa ito naglalaan ng kinakailangang suporta sa mga biker.

Pero pinaka-lantarang kaguluhan ay sa hinaharap ng tradisyunal na jeepneys – iyung mga hindi ppapasa sa mga istandard ng DOTr na “moderno” – na nakabitin sa ere. Pinagbawal ang mga jeepney noong lockdown at mapapagbawalan sa mga kalsada sa ngalan ng “new normal.”

Lumalabas na binibigyan ng pandemya ang DOTr na oportunidad na itulak ang “lumang normal” na pagkahumaling nito sa programang modernisasyon bago pa ang Covid-19. Umiikot ang programang modernisasyon sa: digitization (o pagtanggal ng pera) sa pagbayad at sistemang koleksiyon sa mga toll; rehistrasyon ng mga sasakyan; pagpaprangkisa; paglilisensiya; navigation at posistioning systems; ruta sa rasyunalisasyon; pagtatransporma sa EDSA; at pag-phaseout ng jeepney.

Nakabatay ang planong ito sa pagpapaluwag daw sa notoryus na trapiko at polusyon sa Metro Manila. Pero malinaw na negosyo ang isinasaalang-alang nito sa pagtutulak ng pagbili ng pribadong mga sasakyan, modernong PUVs at PUBs, at pagsasapribado ng imprastraktura ng transportasyon. Nakasentro ito sa pribadong transport, habang ang malinaw na problema ng mga mamamayan ay kawalan ng episyente at maaasahang pampublikong sistema ng mass transport.

Ngayong ang palagiang pagsikip ng mga kalsada ay pinalalala ng pisikal na pagdidistansiya, lumalabas na di pabor sa masa ng manggagawang komyuter ang solusyon ng gobyerno.

Salin mula sa wikang Ingles na artrikulong ‘Anomaly of Transport Modernization’ ni Rosario Guzman, research head ng Ibon Foundation