Araw mo ‘to ng paglaban

0
240

“Ang tanging hiling namin ay maibalik kami at mabigyan ng trabaho.”

Iyan ang hinaing ni  Jembert Navarro, isang kontraktwal na manggagawa mula sa planta ng Pepsi-Cola Products Philippines, Inc. (PCPPI) sa Tunasan, Muntinlupa.

Maraming nahihiya at tumangging magpa-interview sa aming pagpunta sa Pepsi. Tila ba nahihiya o natatakot silang magsalita, gayong naroon na rin naman sila nagpoprotesta. Marahil epekto ng ilang taong pagiging kontraktwal–walang kaseguruhan sa trabaho, walang benepisyo, kaya ang labas nagiging maamo para lang hindi matanggal sa trabaho.

Pero lahat ng taong pagtitimpi nawawalang-silbi sa panahong gaya nito.

Si Jembert ang isa sa mga nagpaunlak ng panayam.

Limang taon nang nagtatrabaho sa Pepsi bilang isang forklift operator si Jembert. Ang katulad niya ang pangunahing nagkakarga sa truck ng mga produktong softdrinks para sa delivery. Aniya, tinanggal siya sa trabaho noong Hunyo 11.

Nagpiket sa labas ng planta sina Jembert sa hapon ng Hunyo 14. Apat na araw na silang hindi pinapapasok ng kumpanya kaya minabuti na nilang sa araw na ito ay magrehistro ng kanilang pagtutol sa ginawang pagtanggal sa kanila sa trabaho.

Panunuya ng mga grupo ng manggagawa sa ad campaign ng Pepsi

Sa limang taong pagtatrabaho ni Jembert sa Pepsi ay ni hindi man lamang niya naranasan ang maging regular at ngayo’y nawalan pa ng trabaho.

Kada kinsenas ay umaabot lang ng walong libo ang sinasahod ni Jembert. Hindi-hindi nakasasapat para sa kanyang pamilya.

Napakaliit na nga sahod na lalong lumiit dahil na pagsirit ng mga presyo bunsod TRAIN Law. Mas malaking pasakit ang biglang mawalan ng trabaho.

Ang pagtatanggal sa manggagawa ay nagsimula matapos ipasara ang nasabing deep-well ng pabrika na pangunahing pinagkukunan ng tubig upang makagawa ng kanilang softdrinks. Matagal na umanong inutos ito ng Department of Environment and Natural Resources at kamakailan lang inaksyunan ng management ng planta. Nagresulta naman ito ng pagkawala ng hanapbuhay ng higit 1,000 kontraktwal na manggagawa sa loob ng pabrika.

Dagdag pa ni Jembert, “Simula ng maputol ang deepwell, ganito ang aming kalagayan, lahat ng casual (kontraktwal) ay tanggal, all-out ang sabi ng Pepsi. Regular lang daw ang ititira, naapektuhan pati mga pamilya namin.”

Inaalala ni Jembert na mahihirapan ng kumuha ng trabaho ang marami sa kanila, lalo pa iyong mga matagal nang nagbigay ng kanilang serbisyo sa kumpanya.

Aniya, “’Yung iba nga diyan na tumanda kasi ‘yan na ang pangunahing hanapbuhay nila. Kung tatanggalin, saan sila magtatrabaho sa edad nilang ‘yan? Bata nga eh mahirap nang makahanap ng trabaho, sila pa kaya?”

Taong 2011 pa diumano ang isyu ng deep-well sa kanilang pabrika na dapat ay matagal nang napaghandaang ayusin. Ipinasasara ang ­deep-well dahil kailangang sa mga contractor ng tubig kumuha ng tubig, gaya ng Maynilad. Kinakailangan ng planta ng libu-libong litro ng tubig sa paghuhugas ng bote at iba pang gawain.

“Nagugutom na kami kaya nagkakaisa kami na ipaglaban ang aming karapatan,” ani Jembert.

The post Araw mo ‘to ng paglaban appeared first on Manila Today.