Lilipas na naman ang taunang paggunita ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12. Anang itinuturo sa mga bata mula elementarya, nagdeklara ang Pilipinas ang kanyang kalayaan noong araw na iyon sa taong 1898 sa Cavite El Viejo (ngayo’y Kawit, Cavite) sa bintana ng kanyang tahanan ang binansagang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo at iwinagayway ang watawat ng Pilipinas.
Pero malakas at malinaw ang sigaw ng mga nagprotesta ngayong araw kasabay ng mga seremonya sa araw na ito. Mula sa unang pagdalo ng kasalukuyang Pangulong Rodrigo Duterte sa seremonya ng Hunyo 12 ngayong umaga sa nasabing bintana, naglakas ng loob ang mga kabataan mula sa Timog Katagalugan na isigaw ang isang inkombenyenteng katototohan: Hunyo a-dose, huwad na kalayaan!
Isa sa mga nagprotesta ang hinuli’t kinasuhan bagaman nagsabi si Duterte na hayaan ang mga ito dahil may kalayaan sila sa pamamahayag.
Sa Maynila naman nagprotesta ang iba’t ibang grupo mula sa Chinese Consulate sa Makati, lalo pa’t kapangyayari lang na pagkumpiska sa huli ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal. Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, pinalitan ng noodles ang lahat ng kinuhanan ng huling isda. Kabuhayan kapalit ng relief goods? Matatapos ang usaping ito ngayong araw sa pagsasabi ng China na hahayaan nang mangisda ang mga Pilipino sa dagat ng sarili nating bayan bilang “act of goodwill” o “pagmamagandang-loob.”
Tumuloy ang mga nagprotesta sa US Embassy at sa dambana ni Bonifacio sa Maynila. “HINDIpendence Day” naman ang bansag nila sa araw na ito.
Kinikilala natin ang Araw ng Kalayaan na Hunyo 12, 1898 dahil sa Proclamation No. 28, series of 1962 ng dating Pangulong Diosdado Macapagal. Ang inilabas na utos noong Mayo 12, 1962 ay inilipat ang paggunita sa Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 tungong Hunyo 12. (Pormal din itong itinalaga ng Kongreso sa pamamagitan ng Republic Act 4166.) Ang Hulyo 4 naman ngayon ay ginugunita bilang Philippine-American Friendship Day—isa pang kabalintunaan.
Ayon sa mga salaysay ng mga istoryador na sina Teodoro Agoncillo at Renato Constantino, ginusto ni Aguinaldo ideklara ang Araw ng Kalayaan dahil mayroon nang gumaganang pamahalaan at para mapalakas pa ang paglaban ng mga Pilipino sa mga Kastila at para rin kilalanin ng ibang bansa ang kalayaan ng Pilipinas. Tinutulan ito ni Apolinario Mabini, noo’y tagapayo na ni Aguinaldo, at nagmungkahing mas mainam na asikasuhin ang pag-reorganisa ang gobyerno upang mas mapatatag ito. Hindi nagpatinag si Aguinaldo.
Isinulat at binasa sa Kastila ni Ambrosio Rianzares Bautista ang “Act of the Declaration of the Independence.” Nakapadron ito sa American Declaration of Independence. Pinirmahan ito ng 98 katao, kasama na si Colonel L.M. Johnson, Colonel ng Artillery, na dumalo sa seremonya sa ngalan ni U.S. Admiral George Dewey, Commander ng American Asiatic Squadron. Hindi umano inulat ni Dewey sa Washington ang seremonya.
Maraming mga naniniwalang huwad na kalayaan ang ginugunita sa Hunyo 12 ang naniniwala namang mas akmang kilalaning deklarasyon ng kalayaan sa paghahanda nila Andres Bonifacio—pinaniniwalaan ding unang pangulo ng unang rebolusyunaryong gobyernong Haring Bayang Katagalugan—sa Rebolusyong 1896. Unang pagkakataon maaari ang kinikilalang ‘Cry of Pamitinan’ noong Abril 12, 1895, kung saan si Bonifacio at mga Katipunerong sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Guillermo Masangkay, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, at Pedro Zabala ay tumanggap ng mga bagong kasapi sa loob ng kweba ng Pamitinan sa Montalban, Morong (ngayo’y Rodriguez, Rizal) at isinulat ni Bonifacio gamit ang uling sa dingding nito “Viva la Independencia Filipinas” o Mabuhay ang kasarinlan ng Pilipinas. (Kilala rin ang kweba ng Pamitinan sa mga alamat bilang bilangguan ni Bernardo Carpio.)
Mas malapit din sa isip natin ang ‘Cry of Pugadlawin’ noong Agosto 23, 1896 na sinasabing isang akto ng deklarasyon ng kalayaan, kung saan pinunit nila Bonifacio at ng mga Katipunero ang kanilang mga cedulas personales bilang protesta sa paghahari ng mga Kastila sa bayan.
Pagsapit ng Disyembre 10, 1898, anim na buwan mula sa deklarasyon ni Aguinaldo, pinirmahan ng Kastila at US ang Kasunduan sa Paris, pagbabangong-puri ng Espanya sa pagkatalo nito sa Digmaang Kastila-Amerikano. Isusuko ng Espanya ang mga teritoryo nitong Cuba, Guam, Puerto Rico at Pilipinas sa US. May kasama pang bayad ang pagsuko ng Espanya sa US sa Pilipinas na 20 milyong dolyar. Nagsimula muli ang pag-alsa ng mga Pilipino nang sinulsulan ng US ang panibagong labanan noong Pebrero 4, 1899. Natapos ang madugong gera noong 1902 at naging kolonya ng US ang Pilipinas. Makikipagtulungan naman si Aguinaldo sa US at magiging tunay na unang papet—sa halip na sa mas kilalang bansag na unang pangulo.
Iginawad ng US ang kalayaan sa Pilipinas noong Hulyo 4, 1946, kung saan nanatili pa rin ang base militar nila sa bansa hanggang 1991. Mula 1946, wala man ang pisikal na pananakop ay kontrol ng US ang ekonomya sa bansa, kaya gayundin ang pulitika at kultura sa bayan.
Sa 120 taong deklarasyon ng kalayaan ng bansang Pilipinas, direkta at di-direktang nakontrol ng US ang bansa sa pamamagitan ng mga papet na rehimen mula pa kay Emilio Aguinaldo. Malayang nakakapasok ang mga kagamitang pandigma, dayuhang sundalo at pagtayo ng base militar sa bansang Pilipinas ng US sa pamamagitan ng mga ‘di pantay na kasunduang Mutual Logistics Support Agreement, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement. Dahil naman sa kawalan ng pambansang industriya at patuloy na monopolisasyon ng lupa, malaki ang balon ng murang lakas paggawa na kanilang aalipinin sa mababang pasahod, kontraktwalisasyon, at pagtanggal sa benepisyo sa mga manggagawa.
Inaatake rin ng matinding liberalisasyon sa ekonomiya ang malayang pagpasok ng sobrang produkto at kapital sa Pilipinas mula mga dayuhang kapitalista ng China at US.
Ang China ay isang bagong umuusbong na makapangyarihang bansang nakikipagkumpetensya sa pwesto ng US bilang pinakamakapangyarihan sa mundo. Nakikipagkumpentensya siya sa dami ng neo-koloniya, base at instalasyong military, kita mula sa digmaan, at paghawak sa ekonomiya at pulitika ng ibang bayan. Sa harap ng pag-okupa ng China sa teritoryo ng Pilipinas, pagtatayo ng mga base militar nito at pandarahas sa mga Pilipinong mangingisda, nagpapaumanhin ang administrasyon ni Duterte sa matinding pambubusabos sa pambansang soberanya.
Sa ika-120 taong paggunita ng Araw ng ‘Huwad na Kalayaan’ at iba pang seremonya at deklarasyon sa hinaharap o maaaring pag-aayos ng batas ng petsang ito, patuloy ang sambayanang Pilipino na nag-aasam at nakikipaglaban para sa tunay na kalayaan kung saan maitataguyod ang pambansang soberanya, at mawawakasan ang kahirapang dinaranas ng mamamayang Pilipino.
The post Araw ng Huwad na Kalayaan appeared first on Manila Today.