Bagong eskandalo sa PhilHealth: P15-B naibulsa?

0
304

Sangkot sa panibagong kontrobersiya ng korupsiyon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Bilyun-bilyong pondo ng ahensiya ang diumano’y kinurakot ng ilang mga opisyal, ayon sa nagbitiw nitong anti-fraud legal officer at abogadong si Thorrsson Keith.

Sentro na naman ng pampublikong atensiyon ang PhilHealth kahit kalilipas lang noong nakaraang taon ang kontrobersiya sa panukalang gawing mandatory ang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers naturang ahensiya.

Krimen ng taon

Nagbitiw si Keith sa kanyang posisyon noong Hulyo 23. Isa sa dahilan ng kanyang pagbibitiw ay ang “malawak na korupsiyon sa PhilHealth”, ayon sa kanyang resignation letter na isinumite kay (Ret.) Brig. Gen. Ricardo Morales, presidente at chief operating officer ng ahensiya. Bukod pa ito sa umano’y pagkaantala ng kanyang suweldo at hazard pay na aniya’y nagsimula nang kanyang imbestigahan ang mga opisyal nito.

Nang humarap si Keith sa pagdinig ng Senado noong Agosto 4 hinggil sa nasabing anomalya sa PhilHealth, isiniwalat nito ang diumano’y P15-Bilyong pondo na kinurakot umano ng mga opisyal ng PhilHealth. Tinawag pa nitong “krimen ng taon” ang naturang insidente ng korupsiyon na isinagawa umano ng “sindikato” sa ahensiya.

Ibinunyag ng nagbitiw na anti-fraud legal officer diumano’y anomalya sa pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM), ang cash advance program ng ahensiya na nagbibigay ng emergency fund sa mga ospital para sa insurance claims ng mga miyembro, bilang tugon sa mga di-inaasahang pangyayari tulad ng sakuna at kalamidad.

“Ang akin pong natuklasan sa PhilHealth ay matatawag na krimen ng taon dahilan sa pag sindikato sa pamimigay ng cash advance – ang Interim Reimbursement Mechanism, at pag overpriced at pa ulit-ulit na pagbili ng IT equipment,” ani Keith sa naganap na pagdinig sa Senado.

Naging mainit na usapin din sa naturang pagdinig ang overpricing ng badyet para sa 2020 ng ICT sector ng PhilHealth na nagkakahalaga ng mahigit P734-Milyong aprubado ng mga opisyal nito. Ayon kay Alejandro Cabading,  accountant at PhilHealth board member, nadiskubre niya ang mga iregularidad nang ihambing ang panukalang badyet para sa 2020 ng ICT sector ng naturang ahensiya sa Information Systems Strategic Plan (ISSP) na aprubado ng Department of Information and Communications Technology.

Kasama sa mga kuwestiyunableng mga item sa naturang badyet ang Adobe Master Collection software na may halagang P21-M (P168,000 ayon sa ISSP); di deklaradong bilang ng laptop, P119-M; 43 ‘di deklaradong “ICT resources”, P40-M; tatlong walang pangalan na mga proyekto na nagkakahalagang P98-M at marami pang iba.

Saad ni Cabading sa Senado, nadiskubre nito na may mga item sa badyet at ulat-pinansyal na hindi nagtutugma at aniya’y sinubukan niyang “hanapin ang mga solusyon sa mga usapin internally” sa pamamagitan umano ng paghahain nito sa board at management.

“Ang nakakadismayang bahagi ay tila kinukunsinte ng management ang naturang mga anomalya sa kanilang pagsasawalang kibo laban sa mga executive officer ng Philhealth na halatang kompromisado,” ani Cabading.

Liban pa ang mga naturang akusasyon ng korapsyon sa mga opisyal ang isyu ng overpricing ng Covid-19 testing kits na ayon kay Kieth ay inutusan siya ni Morales na ‘hilutin’ ang usapin. Nauna nang inimbestigahan ng Senado noong Mayo ang P8,150 na presyo ng PhilHealth para sa naturang testing kits na bumababa tungo sa P3,409 matapos ng ilang linggo.

Maghahain diumano si Keith ng mga karagdagang ebidensiya sa susunod na pagdinig ng Senado hinggil sa usapin.

Ekstraordinaryong hakbangin

Itinanggi ni Morales, kasama ang iba pang mga opisyal, ang naturang mga alegasyon ng korupsiyon. Ayon sa opisyal na pahayag ng nasabing ahensiya noong Hulyo 31, ang mga naturang alegasyon dito at mga opisyal nito ay “walang katotohanan, twisted half-truths o misimpormasyon.”

Depensa ni Morales, ipinatupad umano ang IRM bilang “ekstraordinaryong hakbangin” sa “ekstraordinaryong panahon” na umano’y nagbibigay ng pleksibilidad sa mga ospital na tumutugon sa mga pasyenteng may Coivd-19. Lahat umano ng mga inilabas na pondo ay “above board” o legal at umalinsunod sa mga pamantayan ng ahensiya. Handa umano ang executive committee nito na ipakita ang mga resibo ng mga inilabas para sa IRM.

Nagbanta ang mga opisyal ng Philhealth na magsasampa ng kasong libel laban kay Thorrsson Keith at sa iba pang anila’y ‘pasimuno ng mga malisyosong mga hakbang.’

Samantala, ibinunyag ni PhilHealth PCEO Morales at Executive Vice-President Arnel de Jesus sa Committee of the Whole ng Senado ang kanilang kalagayang medikal habang papalapit ang pagdinig ng Senado hinggil sa mga anomalya sa nasabing pampublikong korporasyon.

Ayon sa medical certificate ni Morales, mayroon itong lymphoma at pinayuhan ng kanyang oncologist na magpahinga muna upang sumailalim umano sa anim na siklo ng pagpapagamot at pagiging bulnerable nito sa ‘opportunistic infections’. Sa hiwalay naman na liham na ipinadala kay Senate President Vicente Sotto III, ipinaabot ni de Jesus na hindi siya makakadalo sa susunod na pagdinig ng Senado bunsod umano ng “unforeseen medical emergency.”

Tiwala pa rin ang Pangulo

Tila siningil ni Sen. Panfilo Lacson si Pangulong Duterte hinggil sa banta nitong agarang pagsipa sa puwesto ng sinumang opisyal ng gobyerno kahit sa simpleng “whiff” o amoy lang ng korupsiyon.

“Sabi niya (Duterte) noong araw just a whiff of corruption pag nakaamoy ka lang, tanggal ka na. Ito ay hindi lang whiff of corruption. Nakakadismaya,” saad ng Senador sa isa panayam ng ABS-CBN.

Panawagan naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Pangulo na gawin ang umano’y sinasabi nitong pagsugpo ng korupsiyon sa gobyerno at parusahan ang lahat ng sangkot sa anila’y nawalang P15-B pondo ng PhilHealth.

“Ang mga kontributor ng PhilHealth ay galit sa balitang ibinubulsa ng mga opisyal ang pondo ng ahensiya. Ito ay nakakagalit na pandarambong sa pinaghirapang pera ng mga PhilHealth contributors. Gumulong dapat ang mga ulo,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU

Ngunit tila di pa kumbinsido si Pangulong Duterte na tanggalin si Morales sa puwesto. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque, ipinaabot umano ni Sen. Christopher “Bong” Go, patuloy pa rin pinagkakatiwalaan ni Pangulong Duterte si Morales.

“Sinabi ng Pangulo na hindi niya ito sisipain sa puwesto maliban kung may ebidensiya at sa tingin ko ay nasa proseso na ang Senado ng pagdodokumento nito,” ani Roque sa isang panayam ng CNN Philippines.

Maaalalang nilagay ng Pangulo si Morales bilang pinuno, sa layuning sugpuin ang korupsiyon, sa naturang pampublikong korporasyon noong Hulyo ng nakaraang taon.

Naging gawi ni Pangulong Duterte ang paglalagay ng mga retiradong mga militar at pulis sa mga susing pusisyon sa gobyerno dahil ang mga ito umano’y ‘disiplinado’ at ‘naisasagawa ang mga trabaho.’

Naging kontrobersiyal din ang tila pagtatanggol ng Pangulo sa ilan sa kanyang mga appointee na mga dating militar at pulis, tulad sa kaso ni Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon na kapwa nadawit sa anomalya, bilang mga opisyal ng Bureau of Customs, kaugnay ng “palusot” na mga droga.

Sa gitna ng magkahiwalay na imbestigasyon, inilipat ng Pangulo ang dalawang opisyal – si Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority o Tesda habang si Faeldon naman sa Bureau of Corrections. Nananatiling direktor-heneral ng Tesda hanggang sa kasalikuyan si Lapeña habang si Faeldon naman ay tinanggal ng Pangulo ang pusisyon sa BuCor nang madawit sa panibagong kaso ng anomalya kaugnay ng kuwestiyonableng pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance.

At muntik nang pagpapalaya sa sentensiyadong rapist at mamamatay tao at dating Calauan Mayor Antonio Sanchez noong huling kuwarto ng 2019.

Patalsikin ang ‘mafia’

Iginiit din ng KMU ang pagtanggal ng anila’y ‘PhilHealth mafia’ at “magsagawa ng overhaul sa ahensiya upang makatulong sa mamamayan ng humaharap sa pandemya.”

“Ito ay malinaw na pagpapakita ng kawalan ng malasakit ng korap na mga pulitko na kumukolekta ng buwis ng mamamayan para yumaman sa kabila ng papalalang pandemya. Galit ang mga tao dahil pera nila iyon at kailangang kagyat na kumilos ang gobyerno,” ani Labog.

Para sa grupo, ang P15-B pondo na anila’y napunta sa mga magnanakaw ay maaari sanang gamiting pambili ng 11 milyong PCR test kits, personal protective equipment o sa pag-empleyo ng dagdag na 10,000 doktor o 15,000 nars.

“Nagamit sana ang ito bilang kompensasyon sa mga frontliner na nagtatrabaho ng buong araw upang magligtas ng buhay at maiwasang kumalat ang sakit sa mas malaking populasyon,” pagtatapos ng lider-manggagawa.