Bahagi ng laban

0
182

Hindi mapapasubalian: bahagi ng pampulitikang panunupil ang pagbawi ng rehimeng Duterte sa amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes IV at pag-utos sa kanyang arestuhin.

Hindi man ideyal o kaaya-ayang ehemplo ng pampulitikang oposisyon si Trillanes, hindi maitatangging bahagi siya ng oposisyon sa Senado. Isa siya sa pinakamaingay na kritiko ni Pangulong Duterte, bago pa man magwagi ang huli sa halalang 2016. Panahong ito, siniwalat niya ang diumano’y mga bank account na ayon sa kanya’y pinagtataguan ng mga nakaw-na-yaman ng mga Duterte. At nang mahalal sa Malakanyang ang dating alkalde ng Davao, lalo lang niyang pinaigting ang mga kritisismo kay Duterte.

Hindi naman palaging prinsipyado ang mga birada ni Sen. Trillanes. Minsan na niyang binatikos si Duterte sa pakikipag-ugnayan umano nito sa Kaliwa, lalo na sa National Democratic Front of the Philippines, at sa punong konsultant pampulitika nito (at dating propesor ng Pangulo) na si Jose Maria Sison. Kahit nang nakikipagsagutan na si Sison kay Duterte sa maraming isyu matapos ang pagwawakas sa usapang pangkapayapaan, sinabi pa ni Trillanes sa midya na nagkukunwari lang ang dalawa na nag-aaway. Isa siya at si Magdalo Rep. Gary Alejano sa mga nagpaypay sa fake news na gustong magbuo ng alyansa ng NDFP sa rehimeng Duterte. Siya rin ang bumira sa pagtalaga ni Duterte noong 2016 sa mga nominado ng Kaliwa sa gabinete na sina Rafael Mariano sa Agrarian Reform, Judy Taguiwalo sa Social Welfare and Development, at Liza Maza sa National Anti-Poverty Commission.

Hindi prinsipyado ang mga posisyong ito ni Trillanes, at nanggagaling lang sa pagkamuhi kapwa kay Duterte at sa Kaliwa. Hindi kataka-taka ang pagkamuli niya sa huli. Nagmula sa hanay ng militar, at produkto ng Philippine Military Academy, si Trillanes. Nahubog at patuloy na nahuhubog ang kamalayan niya at ng iba pang katulad niya ng pagkamuhi sa progresibong kilusan.

Sa kabilang banda, ipinakita na dati ng mga progresibo ang kahandaan nitong makipagkaisa kahit sa mga maka-Kanan (tulad nina Trillanes) para labanan ang “pinakamakitid na target”–na kadalasa’y ang naghaharing paksiyon sa naghaharing uri. Noong panahon ni Gloria Arroyo, nakipagkaisa ito sa mga puwersa ng Magdalo para bumuo ng malapad na alyansang kontra sa tiraniya ng rehimeng Arroyo. Bahagi ng ipinaglaban ng mga organisasyong tulad ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang pagpapalaya sa mga target ng pampulitikang panunupil sa hanay ng militar—mga tulad nina Trillanes at Col. Ariel Querubin, na parehong namuno sa rebelyong kontra-Arroyo sa loob ng militar.

Ngayon, muling nakikipagkaisa ang mga progresibo at kilusang masa sa pinakamalawak na bilang ng mga mamamayan para labanan ang pasistang diktadura ng rehimeng Duterte. Nakikipagkaisa ito sa mga lider ng mga “Dilawan”, mula kay Bise-Pres. Leni Robredo hanggang sa detinidong Sen. Leila de Lima. Agad na kinondena ng progresibong mga lider ang banta kay Trillanes.

At ang pakikipagkaisang ito, nasa konteksto ng lumalawak na pagkakaisa ng mga mamamayan—batay sa pagkagalit sa rehimeng nagpapalala sa pang-ekonomiyang kalagayan ng mga mamamayan. Nakakapagbuo na ng malawak na pagkakaisa kontra sa kontraktuwalisasyon at para sa pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor. Natitipon din ang mga magsasaka para sa paggiit sa tunay na repormang agraryo na bigong ibigay ng rehimen. Nagkakaisa ang kabataan para sa libreng edukasyon, habang malawak na rin ang inabot ng pagkakaisa ng kampanyang #BabaeAko laban sa kontra-kababaihang mga buladas ni Duterte.

Tanda lang ng desperasyon ng rehimeng Duterte ang lahatang-panig na pagbigwas nito sa mga lumalaban sa panunungkulan nito. Pero hindi nito mapipigilan ang lumalapad na pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa tiraniya nito.