Ang pagkamulat daw ng tao ay wala sa edad, kasarian, paniniwala, at edukasyon. Bagkus ito’y nasa pakikilahok niya sa reyalidad ng lipunang ginagawalan niya.
Kaiba sa karaniwan sa murang mga edad inakap ng mga kabataang ito ang reyalidad ng kanilang ginagawalan kung saan talamak ang kahirapan, patayan, inhustisya at pasakit. Binuksan nila ang kanilang puso, isip, at mga mata para sa pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. Iginuguhit nila ang kanilang mga pangalan sa kasaysayan ng bansa para sa paghuhulma sa bagong kinabuksan. Tunay ngang kapag nayanig na ang alab ng mga kabataan ay sunod-sunod na dadaluyong ang mga sigaw at panawagan sa mga kalye, sa mga pabrika, sa opisina, at sa kabundukan.
Bakit ba sumama ang libu-libong kabataan sa #WalkoutPH noong Pebrero 24?
Iba’t ibang mga mukha, iba’t ibang mga paaralang pinaggalingan ngunit isa ang paninindigan—paninindigang baguhin ang lipunan ng walang takot na dala-dala bagkus mga nagpupuyos na mga puso para sa kapwa, para sa iba, para sa bayan.
“Itong mga pagrarali na ito at mobilisayon, isa na ito sa mga pagkakataon na makapagdesisyon tayo kung nasa tamang panig tayo ng kasaysayan. Kasi balang araw tatanungin ng mga anak natin at mga anak nila na, “Itay, inay, n’ung panahon ni Duterte— n’ung panahon na pinapatay ang napakaraming mahihirap, n’ung pinapaslang ang mga magsasaka, n’ung pinahirapan ang mahihirap sa pamamagitan ng mga patakaran—anong ginawa niyo?” May maisasagot ka sa kanila — “Anak, isa ako sa mga sumali sa mobilisasyon na iyon. Tinutulan ko ang mga patakaran ni Duterte.” – Gwendelyn Samonte, University of the Philippines Manila
Lagi kasing tingin ng ibang tao sa mga estudyante ng Benilde na hindi sila politikal, mga anak ng burgesyang walang pakialam. Pero ngayon gusto naming ipaalam sa lahat ng tao na hindi ganu’n ang lahat ng mga estudyante ng Benilde, dahil ang mga Benildyano ay may boses rin. Hindi kami papayag na manahimik lang ang mga kabataan doon. Alam ko rin na alam din ng mga kasama ko na may mga karahasang nagaganap sa mundo natin ngayon, lalo na sa ilalim ni Duterte. Sa mga kapwa ko kabataan, darating at darating din ‘yung panahon na kailangan nating makibaka. Pinapatagal lang natin ang pagkakamit ng masaganang lipunan kung hindi pa tayo kikilos ngayon. Mas maganda kung ngayon pa lang naiintindihan na natin, kung ngayon pa lang mulat na tayo sa problema ng Pilipinas at nakikibaka tayo para sa pagbabago. – CJ Villa, De La Salle-College of Saint Benilde
Hindi maganda na hindi tayo kumikilos, kasi para na ring hindi ka pumapayag sa pagbabago. Ang problema d’un, maraming naabuso sa ganitong sistema at ikaw, nagsasaya ka lang. Napakamakasarili kung nakaupo ka lang sa bahay mo, habang ‘yung iba pinapatay. – Liam, Mapua University
Mulat kami sa katotohanan. Nakikita namin ‘yung ginagawa ni President Duterte na mali. Ngayon, patuloy naming ipaglalaban ‘yung mga karapatan namin bilang mga estudyante. Alam kasi namin ‘yung mga mali sa sistema. Alam din namin ‘yung mga ideolohiya namin, na kaya naming ipaglaban ‘yun, kahit bumagsak pa kami sa kahit anong subjects namin para lang maka-walk out kami. – Deza, Maine, at Bryan, Far Eastern University
Hindi lang ito laban ng ilang mga kabataan. Laban ito ng lahat kabataan at higit sa lahat laban ito ng masa. Kaya dapat tayo ay nakikiisa sa ibang mga sektor kasi lahat tayo ay iisa lang ang problema natin—’yung pamahalaan na ipinagkakait sa atin ‘yung kalayaan at ‘yung karapatan natin bilang mamamayan ng Pilipinas. Sana makita nila na malakas ang boses ng kabataan pagdating sa mga ganitong bagay, na meron tayong magagawa para makapagbigay ng pagbabago sa Pilipinas. – Rabin Bote, University of Santo Tomas
Kami ay nakilahok sa walkout ngayon kasi kaming mga Pulang Mandirigma ng UE ay lumalaban para sa karapatan nating mga kabataan, hindi lamang sa labas kundi sa loob din ng aming unibersidad. Sa aming unibersidad, dinadagdagan ng 5 percent ang aming matrikula ng administrasyon. Gusto naming marinig ng aming unibersidad na kaming mga estudyante ng UE ay lumalaban para hindi ito matutuloy.
Dapat tayo’y lumaban para sa ating karapatan dahil naniniwala ako na kung ano ang ginagawa natin sa panahong ito ay may malaking epekto sa kinabukasan natin. – Aldrin Samojo, University of the East
‘Wag tayong matakot na makilahok sa mga ganitong protesta na nagpapakita ng kalakasan natin na tumutunggali sa isang estadong mapanupil at pasista—‘yung kakayanan mo, ‘yung kalakasan natin sa batayang masa na dapat pinagsisilbihan natin. Kaya din naman andun din ‘yung tungkulin natin na pumunta sa kanila, organisahin sila, makilahok sa kanila, at turuan silang lumaban. At ito ‘yung ginagawa natin ngayon. – Jamme Robles, University of the Philippines Diliman
Mga panayam at larawan nina Marhiel Sofia Garrote and Zaira Camama; featured image ni Agatha Rabino
The post Bakit ka sumama sa #WalkoutPH? appeared first on Manila Today.