Bakit takot ang gobyerno sa community pantry?

0
295

Apr 26, 2021, Rappler.com

Ano’t ano man ang kahihinatnan ng community pantry, isang malinaw na indikator ito ng nalulusaw na pagsandig sa gobyerno

Good virus nga ang ideya ng community pantry – na mula sa isang kariton sa Maginhawa Quezon City, ngayo’y 250 na at umabot na sa Visayas at Mindanao.

Nagdilang-anghel pa nga ang editoryal namin nang nakalipas na linggo, kung saan itinanong natin kung “kating-kati na ba ang daliri ni Heneral Antonio Parlade Jr na tumipa sa kanyang computer at i-red tag ang mga organizer ng mga community pantry?”

Sa loob ng isang linggo, sumugod na nga ang mga kampon ng kakitiran ng isip tulad ni Parlade at isa pang undersecretary na kulang sa pansin. Ano ang kakatwang mensahe? Masama ang tumulong. Komunista ang ideya ng pamamahagi ng libre.

Banat pa ng undersecretary, ang fundraiser site daw ng organizer na si Ana Patricia Non ay dolyar ang kalakaran – kaya’t naku, ito’y kontrolado ng mga dayuhan. (‘Wag ‘nyo nang tanungin kung saang kuweba siya nakatira at walang alam sa digital transactions. O nagmamaang-maangan at mema lang.) Lalo tuloy bumilis ang pasok ng donasyon, at madaling naabot ang target nila Non.

May isa ngang opisyal ng University of the Philippines na matabil ang dila, “death by community pantry” daw ang nangyari sa isang namatay sa pila. Ginoong Ted Herbosa, sino ba ang nagkait ng trabaho sa namatay sa pila? Sino ang nagtaingang kawali sa kanyang hinaing? Salamat naman at nag-resign ka mula sa puwesto mo sa UP.

Sabi ng kolumnista ng Rappler na si Atty John Molo, “It resonates because we were all taught that to give even when it hurts (not just out of excess) is real sacrifice.”

Umaalingawngaw daw ang panawagan ng community pantry dahil marami sa mga nagbibigay ay mga taong hindi naman nakaaangat, at sakripisyo ang magbigay kung ika’y kapos na.

Hindi ito maihahalintulad sa pagbibigay ng isang kompanyang may budget para sa CSR o “corporate social responsibility” na tax deductible. Hindi ito fundraising ng mayaman para sa hampaslupa. Habang totoong maraming maykayang dumagsa sa Maginhawa upang tumulong, malinaw na ito’y diwa ng bayanihan at hindi ipokritong pakikipagkapwa-tao lang.

Sa buod nito, ang community pantry ay tulungan ng magkakapitbahay upang makapagbahagi ng abot-kaya, at kumuha ayon sa masidhing pangangailangan. 

Bakit takot ang gobyerno sa community pantries? Dahil ine-expose nito ang kainutilan ng gobyernong puro kuda, pero walang imahinasyon o kahusayang lumaban sa COVID-19. Palpak ang contact-tracing, palpak ang daily tallies ng mga nagkakavirus, at palpak ang pagpapalakas sa health system upang kayanin nito ang dagsa ng nagkakasakit lalo na sa panahon ng surge.

Sa gobyernong Duterte, isang malinaw na mensahe ang paabot ng taumbayan: Walang pulitika dito, pero tumabi kayo diyan kung hindi kayo magiging bahagi ng solusyon. Realidad na namin ang kainutilan ‘nyo, pipigilan ‘nyo pa kaming makipagkapwa-tao?

Huwag hamakin ng administrasyong Duterte ang lalim ng poot at dalamhating kumukulo sa bayan.

Dahil ngayon, para kang nagbukas ng obituary page ‘pag tumingin ka sa iyong social media feed – kaliwa’t kanan ang mga nagbibigay-pugay sa mga yumaong kaanak dahil sa COVID-19.

Kung merong dapat ma-obituary, ‘yan ay ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na ginagamit sa kasamaan ng red-tagging. Uulitin natin, pera natin ang ibinabalahura ng task force na walang magawa kundi maghasik ng poot at kabobohan.

Sabi ni Dan Songco, isang civil society leader, “The community pantry is the new form of ‘People Power.’” 

Ilang dekada rin bago sumulpot ang isang ideya, ang isang kilusang sobrang simple at napakamakapangyarihan. Hindi ito pinamumunuan ng isang monolithic na organisasyong tulad ng kilusang komunista. Tulad ng “People Power” noong dekada ’80, sumulpot ito nang ispontanyo, at may potensyal na naman itong sagasaan ang 35 anyos na national democratic movement.

Ang sikreto ng community pantry laban sa kilusang may ideyolohiya: kaya nitong yumakap ng lahat ng tao – mayaman at mahirap, dilaw, puti, o maging supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Katibayan ng appeal nito ang pagsulpot ng iba pang community pantry para sa ibang aspeto ng buhay – halimbawa’y ang pantry ng libro, tsinelas sa Marikina, at maging pantry ng mga parts ng bisikleta.

Marami nang nagbibigay taning sa buhay ng community pantries dahil daw hindi ito sustainable at numero unong kalaban nito ang donor fatigue. Maari. Pero kapag nagpatuloy ang media na ipakita ang mga pila ng mahihirap sa mga pantry, baka humaba ang buhay nito. Kapag nagpatuloy ang word of mouth sa kabutihan nito – baka hindi ito magaya sa ibang NGO kung saan napagod na ang mga nagbibigay donasyon.

Sabi pa ni Songco, bahagi ng henyo nito ang hindi nito pagkompronta sa gobyerno. Sa halip ay iniikutan pa nga ito. 

Kaya galit ang gobyerno dahil malinaw ang mensahe, “Kaya namin ito nang walang gobyerno.” Aray. Canceled.

Hindi naman susulpot ang community pantry kung maaasahan natin ang serbisyong gobyerno. Ang meron tayo ay isang “strongman” kuno na sa totoo’y mahina, marupok, inutil, at balat-sibuyas sa harap ng batikos.

Ano’t ano man ang kahihinatnan ng community pantry, isang malinaw na indikator ito ng nalulusaw na pagsandig sa gobyerno, at senyales ng panunumbalik ng pag-asa sa aksyong komunidad. Sa bandang huli, nasa komunidad ang solusyon. – Rappler.com