Balangiga

0
229

Matatandaang si Neri Colmenares, kasama ni Teddy Casiño, kapwa kinatawan ng BAYAN MUNA Party-list, ang nagpasa ng House Resolution No. 236, noong 2010 para manawagan sa pagbabalik ng tatlong kampana ng Balangiga.

*           *           *

“You cannot frighten us with your bombs and deaths;
You cannot put us all in your padded jails;
You cannot snatch the dawn of life from us!”
I Want the Wide American Earth, Carlos Bulosan

*           *           *

Kasamang ipinanawagan ang pagbabalik ng gobyerno ng Estados Unidos ng iba pang mga ninakaw (‘war booty’) mula sa Samar noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899-1902. Makapangyarihan ang resolusyong ito, dahil mismong Kongreso natin ang naggigiit sa gobyerno ng imperyalistang bansa.

Isang manifesto ang resolusyon na nagbigay ng matalas at malalim na perspektibang pangkasaysayan sa naganap na masaker sa Balangiga, Eastern Samar. Ibinabalik tayo nito sa papel ng mga kampana sa matagumpay na pananambang ng mga rebolusyunaryo sa garison ng mga Amerikano noong Setyembre 28, 1901.

*           *           *

“Sabado ng gabi, Setyembre 27,
nagtipon-tipon sila sa Canlara.
Mag-aala-una ng umaga, Setyembre 28,
inilikas tungo sa liblib ng bundok
ang mga bata, matatanda, at may sakit.”
Pintakasi, Richard Gappi

*           *           *

Anang resolusyon: “[T]he bells of the Balangiga church were rung by the town’s chief of police at 6:30 a.m.to signal the ambush. The night before, rebels disguised as women smuggled weapons, mostly bolos,in small coffins which were carried to the church for an evening service. The attacking force,composed of around 500 men in seven different units, represented virtually all families of Balangiga, whose outlying villages then included the present towns of Lawaan and Giporlos, and of Quinapundan, a town served by the priest in Balangiga.”

Ang insidenteng ito ay tinaguriang “single worst defeat” ng mga tropang Kano noong Digmaang Pilipino-Amerikano.

*           *           *

“as he came in from the sea to find the township empty,
blackened posts of houses lifting skyward like arms in worship,
red puddles on the street, silence weighing the branches
around the empty town square, the belfry bare,
the altar gutted. Everywhere, ashes, ashes.”
Escrito En Sangre, Merlie Alunan

*           *           *

Mabuti pa ang manghiram ng mukha sa aso, sabi nga. Matindi ang pagkakapahiya ng mga tropang Kano. Ang kanilang ganti, pagpapatuloy ng resolusyon:

“[T]o avenge the attack, Brig. Gen. Jacob Smith gave orders to US forces to “kill and burn,” to take no prisoners and shoot down any male over the age of 10 capable of bearing arms. The resulting orgy of burning, looting, rape, torture and killing turned the island of Samar in sixmonths into a “howling wilderness.” From around 300,000, the island’s population dropped toaround less than 257,000. In Balangiga alone, about 5,000 people were killed and the village burned to the ground.”

*           *           *

Ang kalunos-lunos na pagpulbos sa Balangiga, pagtortyur at pagmasaker sa taumbayan, ay hindi binura ng mga Waray sa kanilang alaala. Isinasalin nila ito sa bibig, ipinapasa sa mga musmos, sa pamamagitan ng isang awiting bayan:

Inday, Inday, nakain ka
Han kasunog han munyika?
Pito ka tuig an paglaga,
An aso waray kitaa.

Sa dokumentaryong TWO BELLS/TWO WORLDS na na-post sa YouTube, sa timestamp 47:25, maririnig na inaawit ng isang matandang Waray ang bersyong ito:

Inday, Inday, nakain ka
Han kasunog han Balangiga?
Pito ka tuig nga naglaga,
An aso waray kitaa.

Sa salaysay ng ikalawang bersyon, inuusisa, nasaaan ba si Inday (term of endearment sa babae) habang nasusunog ang Balangiga; pitong taon itong nasusunog, pero hindi makita ang usok.

*           *           *

Naitala ni Alunan, sa aklat na Sa Atong Dila, ang buong awiting bayan. Samantala, ang aking sipi sa itaas ay ginawang chorus sa kantang ‘Inday, Inday’ ng Juan De La Cruz Band.

*           *           *

“Ilang salinglahi na ang dumaan
At nanatili ang mga batingaw
Bilang bihag sa ibayong dagat.
Nais sikilin ng imperyalista ang tunog
Subalit laging umuugong ito,
Umaalingawngaw sa sa puso’t diwa
Ng taumbayang patuloy sa pakikibaka
Para sa kanilang kalayaan.”
– Mga Batingaw ng Balangiga, Jose Ma. Sison

*           *           *

Ang tuluyang pagbabalik ng tatlong kampana sa Balangiga nitong nakaraang Disyembre ay tagumpay ng deka-dekadang paggigiit ng taumbayan. Tandaan nating dinala pa ng mga makabayan sa lansangan ang labang ito. Itanim natin sa alaala ang tagumpay at ipagpatuloy ang rebolusyon.