Balik-pasada, balik-lohika

0
396

May isang litrato na kumakalat sa social media kamakailan na magsasalarawan kung gaano kabaluktot ang polisiya ng rehimeng Duterte sa pampublikong transportasyon ngayong panahon ng pandemya.

Ang larawan: isang military truck, puno ng mga sibilyang manggagawa at komyuter na nakisakay dahil walang pampublikong transportasyon. Siyempre, walang pisikal na pagkakalayo sa isa’t isa o physical distrancing. Agawan sa pagsakay angmga tao. Tabi-tabi kasama ng ilang sundalong nakasakay na sa trak.

Malamang, ipinagmama-laki ng militar ang pagtulong diumano nito sa mga naiistranded na mga pasahero. Matatandaang inanunsiyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan na pakikilusin daw nito ang mga yunit ng militar, kabilang ang medikal na tauhan nito, para ayudahan ang medical frontliners sa mga ospital at komunidad sa pagharap sa coronavirus disease-2019 (Covid-19).

Pero kasabay nito, mariin namang tumindig ang Inter-Agency Task Force (IATF), na pinamumunuan ng dating mga opisyal ng militar, na bawal pa rin ang pampublikong transportasyon sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ, orihinal na tinakda mula Agosto 4 hanggang 18). Kasama na siyempre ang mga jeepney at bus. Kahit pa sinisiguro na ng mga drayber at operator ang physical distancing sa mga pasahero nito (sa kabila ng pagkabawas ng pasahero at kita nila).

Isa pang nakakatawa, kung hindi man nakakapanlumo, na eksena noong nakaraang linggo: ang paggiit ni Department of Interior and Local Government Sec. (at dating AFP chief of staff) at pangalawang tagapangulo ng IATF na si Eduardo Año na dapat may barrier pa rin sa mga nagmomotorsiklong may angkas. Minodelo pa mismo ni Año ang barrier (habang wala siyang suot na helmet). Sa kabila ito ng mga reklamo ng mga motorista, at kahit na mga eksperto: Sumasalo ng hangin ang barrier at may dagdag panganib sa motorista.

Saan nanggagaling ang nakakakamot-ulong mga ideyang ito ng IATF? Ang pagbabawal sa jeepney, malinaw ang pinagmumulan. Minamaksimisa nito ang pagkakataon para tuluyan nang alisin ang pampublikong jeepney sa mga kalsada kapalit ng “moderno” kunong mga jeepney na monopolisado ng iilang maykayang bumili ng maramihang prangkisa at yunit. Ito lang ang posibleng dahilan kung bakit ipinipilit ito sa kabila ng kawalan-ng-lohika sa pagbabawal sa mga jeepney, at sa kabila ng hirap na dinaranas ng napakaraming manggagawa na pinapapasok pa rin kahit MECQ.

Pero may pakay pa ang pagpupumilit na paggamit ng barrier sa mga motorsiklo. Ganito rin ang pakay sa nakapagtatakang pag-obliga ng pagsuot ng face shield sa mga pasahero ng pampublikong transportasyon daw (ano’ng pampublikong transportasyon, eh ipinagbawal nga ninyo ang jeepney, bus at taksi?) at sa mga lugar-pagawaan at saradong lugar (tulad, halimbawa, ng groserya). Ganito rin kahit ang ipimungkahi ni Año na pagsuot daw ng face masks kahit nasa loob ng bahay. Ito’y ang pagpasa sa ordinaryong mga mamamayan sa responsabilidad na labanan ang Covid-19. Dahil hindi pa rin makontrol ang pagkalat ng sakit, tila sinasabi ng IATF na bahala na ang mga tao na kontrolin ang Covid-19. Ang tungkulin na lang nila, lalo na ng mga militar at pulisya, siguruhing susundin ng mga tao ang itinakda nilang mga patakaran.

Militarista ang kanilang tugon sa isang dating pangakong malawakang mass testing (pareho pa rin ang polisiya sa testing). Kamakailan, inamin na rin ng Department of Health na hindi itong contact-tracing team. Kanya-kanya naman ang lokal na mga pamahalaan sa pagtatakda ng isolation centers o polisiya sa paghihiwalay sa mga maysakit sa kanilang mga lugar. Samantala, sinasabi naman ng Pangulo na wala na raw pera para sa ayuda.

Iginigiit ngayon ang mga drayber na makapagbalik-pasada. Suportahan natin ang mga panawagan para igiit ang tama at nararapat: ang kagyat na pagbalik ng abot-kayang pampublikong transportasyon, habang patuloy na iginigiit ang tamang medikal na tugon sa pandemya at kinokondena ang rehimen na nagpapalala sa krisis sa ekonomiya at pagkalat ng sakit.