Balik Tanaw sa Sinapit ng mga Manggagawang Pilipino sa Taong 2018

0
489

Ang Kalagayan ng mga Manggagawa Nitong Nakaraang 2018 ay Isang Matibay na Tuntungan ng Mas Maraming Pagkilos at Pagtatagumpay sa Bagong Taon

Ang Workers Advocates For Rights Network ay nagpapahatid ng pagpupugay sa mga manggagawang Pilipino at maging sa mga manggagawa ng buong daigdig. Sa kabila ng pandaigdigang atake ng neoliberal na mga polisiyang sumasalanta sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa ay nagpatuloy ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang salagin ang mga pahirap na ipinapataw sa kanila.

Dumaan ang taong 2018 na dinanas ng mga manggagawa ang mga pananamantala sa kanilang mga karapatan tulad ng kakarampot na sahod sa kabila ng pagpapagal sa buong araw, kawalan ng seguridad sa trabaho dahil sa kontrakwalisasyon, iligal na tanggalan, kawalan ng benipisyo at maging ang delikadong kalagayan nila sa loob ng pabrika.

Matatandaan ang mga nangyari sa mga manggagawa ng PLDT na kung saan ay may 12,000 manggagawa ang tinanggal.

Contractual PLDT workers join the ‘Black Friday’ protest in Mendiola. Photo by JC Gilana.

Hindi rin nakaligtas ang mga manggagawa sa Jolly Plastik, Regent Foods Corporation, Jollibee, Unipak at marami pang iba sa mga hindi makamanggagawang patakaran.

Jollibee workers protested at the fastfood chain’s commissary and warehouse following the termination of agency contracts that would lead to the termination of workers. Photo by Kathy Yamzon.

Ang karapatan ng mga manggagawa ay karapatang pantao. Ito ay pinagtitibay at sinasang-ayunan ng mga batas sa loob at labas ng bansa. Hindi rin maikakaila na maging ang institusyong simbahan ay may mga pangangaral patungkol sa kalagayan ng mga manggagawa.

Subalit sa kabila ng lahat ng ito, namamayani pa rin ang pananamantala sa mga aping manggagawang bumubuo ng pangalawang malaking porsyento ng populasyon ng bansa at kalahati ng papulasyon ng mundo. Gayunpaman, nagpapatuloy din ang pag-usbong ng mapagpalayang kamalayan sa hanay ng mga proletaryado.

Ito ay resulta ng pagkamulat sa dusta at aping sitwasyon sa ilalim ng sistema ng paggawa na matagal nang umiiral na inaanak ng sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal sa ating bansa. Samakatuwid, ganap na lalaya at mapapawi ang pagkabusabos, hindi lamang ng uring manggagawa kundi ang iba pang uring pinagsasamantalahan, kung maibabagsak at magagapi ng sambayanang Piipino ang mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos at ang unti-unting panghihimasok ng Tsina.

 

Ang manggagawang Pilipino sa ilalim ng Rehimeng Duterte

Ang suliranin ng manggagawang Pilipino ay suliranin din ng iba pang inaaping uri sa lipunang Pilipino, at ang laban ng iba pang uri para sa kalayaan at demokrasya ay labang higit ng uring manggagawa. Sa kalagayan ng kasalukuyang administrasyong Duterte, walang maaasahan ang sambayanan lalo na ang mga manggagawa dahil malinaw pa sa sikat ng araw ang interes na pinapaburan ni Duterte ay interes ng naghaharing uri sa ating lipunan.

President Rodrigo Roa Duterte pauses to talk to Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III while delivering his speech, during the 85th anniversary of the Department of Labor and Employment (DOLE) at The Forum of the Philippine International Convention Center (PICC) Grounds in Pasay City on December 6, 2018. SIMEON CELI JR./PRESIDENTIAL PHOTO

Mas pinalawig pa ni Duterte ang kapangyarihan ng mga naghaharing uring mga Panginoong Maylupa at mga Malalaking Burgesyang Komprador na mas lalong mangamkam at magnakaw ng yaman sa bansa. Ito ay nagreresulta ng mas malalang dagok sa mamamayang Pilipino na malaon nang naghihikahos sa hindi patas na sistema na itinatakda ng iilang naghaharing uri.

Nariyan ang pagtitipid sa mga manggagawa sa anyo ng mababang pasahod na hindi nakakasapat sa pang-araw-araw na pagtataguyod ng isang pamilya dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin sa mga merkado, hindi maka-mamamayang serbisyong panlipunan dahil sa mataas na singil mga ospital, matrikula sa mga eskwelahan, dagdag pamasahe, papataas na presyo ng gasolina, kuryente, tubig at marami pang iba.

Ang pananatili ng kontrakwalisasyon na sumasagka sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawa at nagdudulot ng maraming eksploytasyon ng karapatan ng mga manggagawa partikular ang kawalan ng benepisyo at iba pang dapat matamasa ng mga manggagawa. Maraming kaso ng mga manggagawa rin ang nagdidisgrasya sa mga pagawaan na hindi pinapanagutan ng mismong kompanyang kanilang pinagtatrabahuhan.

Sa anyo ng Agency, nagiging daan ito upang takasan ng kapitalista ang pananagutan nito sa kanilang manggagawa at ipinapasa ito sa Agency na kung saan ang manggagawa ay inereregularisa sa trabaho. Hindi rin maisasantabi ang diskriminasyon at mababang pagtingin sa mga kababaihang manggagawa at maging ang mga manggagawang may piniling kasarian.

Ang mga manggagawa sa katimugang bahagi ng bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte ay nanganganib dahil sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao. Naitala ang maraming kaso ng paglabag sa karapatang-pantao lalo na sa hanay ng mga manggagawa.

President Rodrigo Roa Duterte sings the Philippine National Anthem together with Defense Secretary Delfin Lorenzana and Philippine Army Commander Lieutenant General Macairog Alberto during the activation of the 11th Infantry Division (11ID) at Kuta Heneral Teodulfo Bautista Headquarters (KHTBH) in Jolo, Sulu on December 17, 2018. ACE MORANDANTE/PRESIDENTIAL PHOTO

Umigting ang paglaban ng mga manggagawa sa Sumifru, isang plantasyon ng mga prutas na papaya, pinya at ang kilalang produkto nitong saging na ine-export sa ibang bansa tulad ng Japan, Russia, Korea at iba pa. Panawagan ng mga manggagawa sa Sumifru ang panawagan ng pangkaraniwang manggagawa, ang maging regular sa trabaho, makatuwirang pasahod at makapag-unyon.

Subalit hindi ito dininig ng Sumifru bagkus ay karahasan sa kumpas ng martial law at panghahati sa hanay ng mga manggagawa ang naging tugon ng kompanya. Nagtamo ang mga manggagawa ng pananakit mula sa mga elemento ng militar at kapulisan. Naitala rin ang panununog sa tahanan ng mga lider manggagawa, pananakot at pamamaslang sa mga lumalabang manggagawa para sa matamo ang dapat ay nararapat nilang tamasahin.

Hindi rin nakaligtas sa pang-aabuso sa ilalim ng Martial Law sa Mindanao ang mga guro at estudyanteng mga Lumad. Nakaranas ng pananakot, pandarahas at maging ng pamamaslang ang mga pambansang minorya. Sapilitang isinara ang mga eskwelahan ng mga katutubo at dumami ang insidente ng pambobomba ng mga komunidad.

Ito ay nagresulta ng pagbakwit at sapilitang paglikas ng mga katutubo sa kanilang komunidad. Habang laganap ang karahasan sa mamamayan, nagsisipagsulputan ang mga oil exploration, iresponsableng pagmiminang pagmamay-ari ng dayuhang korporasyon at mapangwasak na logging sa Mindanao.

Sa likod ng Marawi Crisis ang mga katotohanang interes ng mga naghaharing uri sa ating bansa. Daan-daang mga manggagawang Maranao, lokal na negosyante, mga kabataan, kababaihan at iba pang mga propesyunal ang naging biktima ng walang habas na pambobomba at pagnanakaw ng mga militar sa mga kagamitan ng mga residente. Ito ay pinatunayan ng mga residenteng nakuhanan ang video ng paghahakot ng kanilang mga kagamitan gamit ang military truck.

Ang Maute ay isang maimpluwensyang pamilya sa Marawi. Nagsimula ang gulo sa Marawi sa simpleng “rido” o away-pamilya na pinaypayan ng reaksyunaryong pamahalaan dahil sa pulitika at interes. Lumalabas sa imbestigasyon na hindi terorismo ang mitsa ng gulo sa Marawi, bagkus ito ay pinalaki lamang o pinulitika ng reaksyunaryong pamahalaan mula sa away ng angkan.

Lumikha ito ng mga maling impormasyon lalo sa social media upang ikonondisyon ang mamamayan na “ISIS group” ang mga Maute. Sinamantala ng reaksyunaryong gobyerno ang pagkakataon upang ipatupad ang Martial Law sa Mindanao at ipataw ang mga polisiyang at kunong proyektong pangkaunlaran sa lilim ng interes ng mga naghaharing uri.

Duterte’s first visit to Marawi amid fighting. Photo from Presidential Photographers Division.

Apektado rin ang mg manggagawang at mangingisda sa pandarambong sa yamang dagat ng bansa. Nalulugmok ang bansa sa mga sistema at polisiyang anti-mangingisda sa Fisheries Code at iba pang mga pandaigdigang kasunduan. Nariyan din ang nag-aastang nagmamay-ari ng West Philippine Sea at Benham Rise, ang Imperyalistang Tsina.

Itinataboy ang mga mangingisdang Pilipino sa karagatang sakop ng bansa at maging ang mga Pilipinong reporter ay pinagbawalang gumawa ng dokumentaryo. Habang ang mamamayan ay nanawagan sa pagpapalayas sa Tsina, kabaligtaran ang ihip ng hangin ng pamahalaan dahil pinapaburan nito ang panghihimasok ng Tsina at pinipigilan ang mga Pilipino na mag-aklas laban sa Tsina.

Small fisherfolk and members of Pamalakaya advocate Filipinos’ sovereignty over Philippine territory. Photo by Ryan Valiente.

Kahit na nanalo ang Pilipinas sa International Tribunal sa pagmamay-ari ng West Philippines Sea, si Duterte ay umayon na lamang sa Tsina.

Ilan lamang ang mga ito sa mga tampok sa kinalalagyan ng mga manggagawa nitong nakaraang 2018. Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsagasa sa karapatan ng mamamayan lalo na sa hanay ng mga manggagawa, nagpapatuloy ang paglaban ng mamamayan para igiit ang tunay na pagbabagong lipunan, kalayaan at pagkakamit ng mga karapatang pilit na inaalis sa kanila.

Ang Hamon Sa Bagong Taon:

Patuloy ang pagkagising ng mga kamalayan at mulat na hinaharap ng mga manggagawa ang tungkuling isulong ang pakikibaka para lipulin ang sanhi ng pagdurusa ng mamamayan sa kamay ng imperyalistang bansa at alipures nitong mga Panginoong Maylupa at Malaking Burgesyang Komprador na minamanipula ang pamahalaan, kultura, edukasyon at iba pa.

Sa pagkakahiwalay ng reaksyunaryong pamahalaan sa malawak na hanay ng mamamayan, patuloy na tumitibay ang hangarin ng mamamayan na itayo ang lipunang pinakikinabangan ng buong sambayanan.

Hamon ngayong bagong taon sa ating mga kabataan at propesyunal na tagapamandila ng karapatan at adbokasiya para sa mga manggagawa ang mas palawigin at mas palakasin ang ating nilalayong makiisa sa laban ng mga manggagawa para sa ganap na demokrasya at kalayaan mula sa hindi patas na sistemang gawa ng iilang naghaharing uri.

Tanganan natin ang laban ng mga manggagawa upang matamasa natin ang buhay na kasiya-siya at mapawi ang anu mang uri ng pang-aapi. Patuloy tayong makipamuhay, magpanibagong-hubog at aralin ang kasaysayan bilang ating tungtungan sa pag-abot ng mas marami pang tagumpay kapiling ang mamamayan.

The post Balik Tanaw sa Sinapit ng mga Manggagawang Pilipino sa Taong 2018 appeared first on Manila Today.