BALIKSAYSAY | Si Jose Rizal at ang Novenario ng Birhen sa Balintawak

0
701

NI FRANCIS GEALOGO
Bulatlat.com

Tuwing huling Lunes ng Agosto, ginugunita ng buong bayan ang Pambansang Araw ng mga Bayani. Iniuugnay ito hindi lamang sa Sigaw sa Pugadlawin, kundi sa pagdakila ng lahat ng mga bayaning nag alay ng buhay para sa Kalayaan ng bayan. Ang pagkilala sa araw na ito ang nagbibigay diin na bukod sa mga indibidwal, kailangang kilalanin din ang kolektibong kabayanihan ng maraming mga kababayang nagbigay hubog sa pagbubo ng bayan bilang malaya at nagsasarili.

Bagaman walang pambansang proklamasyon sa iisang pambansang bayani, sina Jose Rizal, Andres Bonifacio at Ninoy Aquino lamang ang mga indibidwal na bayaning mayroong pambansang araw ng kanilang indibidwal na pagkabayani. Ayon sa historyador na si Renato Constantino, ang mga Amerikano daw ang nagpanukala na gawing pambansang bayani si Rizal. Nasa interes daw ng mga Amerikano na gawing pambansang bayani si Rizal dahil hindi ito kasing rebolusyonaryo ni Bonifacio, hindi kasing radikal ni Mabini at namatay ito sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol at hindi sa pakikipaglaban sa mga Amerikano.

Gayunpaman, maraming mga kababayan natin ang kumikilala na sa kabayanihan ni Rizal bago pa man dumating ang mga Amerikano. Sa ilang mga pagkakataon nga, dumating sa punto na ihayag ang kabanalan ni Rizal at gawin siyang Santo, kundi man isang Pilipinong Kristo. Hanggang ngayon, maraming mga grupong Rizalista ang naniniwala sa kabanalan ni Rizal bilang tagapagligtas ng mga Pilipino laban sa mga dayuhan at sa kahirapan ng mga mamamayan.

Kakaiba ito dahil sa maraming mga pag aaral, nabubuo ang kilusang makabayan sa panahon ng Kaliwanagan o Enlightenment. Nagiging sekular at hindi relihiyoso ang pag iisip ng mga tao kaya lumalayo na sa usapin ng kabanalan at espiritwalidad ang mga pamayanan na naglulunsad ng mga sekular at politikal na pagkilos gaya ng mga rebolusyon at rebelyong makabayan.

Hindi kaila na isa sa mga ilustrado si Rizal na nagsulong ng makabayang pananaw sa lipunang Pilipino. Maraming nagbasa ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo bilang mga sulating bumabatikos sa pang aabuso ng mga prayleng relihiyoso sa Pilipinas. Sa kanyang mga sulatin, laging binabanggit ni Rizal ang kahalagahan ng edukasyon at damdaming sekular at makabayan bilang mga susi sa pagpapalaya ng bayan.

Sa kabilang banda, kahit ganito ang mga sulatin ni Rizal, hindi mapapasubalian na hindi relihiyon o paniniwala sa Dios ang pinupukulan niya ng kritisismo. Ang pang aabuso ng mga taong simbahan ang lagi niyang pinupuna at hindi ang simbahan mismo o ang paniniwala sa Lumikha. Kahit binansagan siyang erehe at pilibustero ng mga kolonyal na namamahala, ang tunay na pinupuna ni Rizal ay ang praylokrasya o ang pamamahalang lubos ng mga prayle sa kolonya. Ito ang kalimitang pagsusuri ng mga ilustrado gaya ni Rizal sa ugat ng hindi pag unlad ng Pilipinas sa ilalim ng mga Espanyol.

Gayunpaman ang mga akusasyon ng mga Espanyol kay Rizal, maraming mga mamamayan ng Pilipinas ang nagbigay ng malalim na pagtingin sa espiritwalidad ng mga gawa at kaisipan ng pambansang bayani. Sa mga pag aaral nina Reynaldo Ileto at Consolacion Alaras, may ilang mga Rizalista pa nga ang nagluklok sa kabanalan ni Rizal bilang simbolo ng pagkamakabayan at pagkarelihiyoso. Taliwas ito sa kaisipang nagiging sekular at hindi relihiyoso na ang kaisipan ng mga mamamayan kapag napupunta na sa usaping politikal at pagkamakabayan ang larangan.

Kahit na sa mga institusyonal na relihiyong ibinunga ng rebolusyon gaya ng Iglesia Filipina Independiente (higit na kilala bilang Simbahang Aglipay), malinaw din ang pag uugnayan ng politika sa relihiyon; ng pananampalataya at ng kampanyang makabayan; ng pagsamba at pakikibaka. Sa pamamgitan ng mga sulatin ni Gregorio Aglipay at Isabelo de los Reyes, halimbawa, ipinakita nila ang pangangailangang alalahanin ang kabayanihan ng mga pambansang bayani bilang kasama at hindi hiwalay sa pananampalataya.

Ang Novenario ng Birhen sa Balintawak ang isa sa mga tekstong pangrelihiyosong nabuo sa mga unang taon ng pagtatatag ng Iglesia Filipina Independiente o simbahang Aglipayano sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Naging simbolo ito ng pananampalataya ng mga Pilipino sa panahong may panunupil sa ilalim ng bagong mananakop. Dahil sa bisa ng Batas Bandila (Flag Law) sa ilalim ng mga Amerikano, ipinagbawal ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas, ang paggamit ng mga simbolong makabayan, at pati na ang pagbabasa ng mga tekstong makabayan sa publiko. Inikutan ng mga Aglipayano ang ganitong pagbabawal sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga tekstong makabayan na nakapaloob sa mga misa at gawaing relihiyoso habang may paggiit ng paghihiwalay ng simbahan at estado.

Ilang mga nobenaryo, libro ng mga dasal, kahit mga kalendaryong relihiyoso at mga babasahin habang nagmimisa ang ginamit ng mga Aglipayano na patungkol sa mga sulatin nina Rizal, Bonifacio, Mabini, Jacinto at iba pang mga bayani. Hindi ito mapagbawalan ng mga Amerikano kahit may Batas Bandila dahil nakapaloob ito sa paggawa sa loob ng simbahan. Ito ang nagsilbing isa sa mga pinakatampok na pagkakaiba ng mga Aglipayano sa naunang simbahang Romano Katoliko sa mga unang dekada ng ikadalawampung dantaon. May isinasagawang pagwawagayway ng bandila at pag awit ng pambansang awit sa loob ng misang Aglipayano. Sa misang Aglipayano, kalimitang mararanasang nagbabasa ng mga sulating radikal at makabayan matapos ang pagbabasa ng mga bahagi ng Bibliya. Ang mga ideya ni Rizal ukol sa pagkamakabayan at pagkamamamayan ang isa sa mga tampok na tema at babasahin sa mga tekstong nabanggit. At higit sa lahat, naging popular na sulatin at babasahin ang mga makabayang interpretasyon ng kabayanihan nina Rizal, Mabini, Jacinto at Bonifacio, at iba pang mga bayani ang Novenario ng Birhen sa Balintawak. Sa lahat ng mga bayani, kalimitang ang mga sulatin ni Rizal ang nagiging tampok na bahagi ng mga librong pandasal at mga novenario.

Sa teksto ng Novenario, makikitang binabaybay muna ang kasaysayan ng Pilipinas at ang kalagayan ng pananakop ng mga dayuhan. Matapos nito, may pagpapaliwanag sa ilang mga kaganapan sa nakaraang naglilinaw sa ilang mga ideya ng bayaning kasama sa pagtalakay. Dalawa ang pinatutungkulan ng mga babasahin. Una, ang pagpula nito sa pananakop ng mga dayuhan ang kalimitang binibigyan ng diin. Ikalawa, nagbabahagi din ang mga novenariong Aglipayano ng paglilinaw sa mga usaping relihiyoso gaya ng di pagkakamali ng Papa, ng pang aabuso ng ilang mga taong simbahan at ang papel ng kaliwanagan o Enlightenment sa pananampalataya. Sa Novenario ng Birhen sa Balintawak, nasa ikapitong araw ng nobena ang pagtalakay sa ideya ni Rizal, na siyang binigyan ng elaborasyon nina Aglipay at delos Reyes.

Aglipay, Gregorio. Pagsisiyam sa Virgen sa Balintawak: Ang Virgen sa Balintawak ay ang Inang Bayan. Maynila: Rev. Isabelo de los Reyes at Lopez, 1925, 44-46.

Ikapitong Araw

Ika 20 Babasahin: Ang sinampalatayanan ni Rizal

Wika ni Dr. Rizal:”Hindi sa bulag na paniniwala, kungdi sa pangangatwiran at sa pangangailangan ay naniniwala akong matibay sa pagkakaroon ng Lumikha. Pinaniniwalaan kong siya’y may karunungang walang hanggang, makapangyarihan, mabuti (ang pagka alam ko sa walang hanggang ay di gaanong ganap at malabo), pagkakita sa kaniyang mga kahangahangang gawa, ang kaayusang naghahari sa kanila, ang kagandahan at kalawakan at ng kabutihang nagningingning sa lahat…Napangiti ako sa palagay ng mga teologo at filosofo ukol sa napakatayog at di maabot na Kumapal. Naniniwala ako sa mga pagtuturo ng Dios sa isip natin, ngunit hindi sa pagtuturo niya na umano’y iniingatan ng mga Pari. Sa pagsisiyasat na walang kinikilingan, ay hindi maaaring hindi makilala ng sino man sa lahat ng ito, ang kuku ng tao at ang tatak ng panahon nang iyo’y sulatin Naniniwala ako sa buhay na kasaysayan ng katalagahang nakaliligid sa atin sa lahat ng dako, sa tining na iyang makapangyarihan, walang hanggan, walang tigil, hindi masisira, malinaw, maliwanag at laganap sa daigdig na tulad ng Lumikhang pinanggalingan; diyan sa kasaysayang lagi nating kausap at kaulayaw mula sa ating pagsipot sa maliwanang hanggang sa ating kamatayan…Ano pang Biblia at ano pang Evangelio ang ibig ng katauhan? Sa halip na maglahad ng mga tadhanang malalabo na nagbubunga ng pagkamuhi, digmaan at pagtataniman, hindi baga mabuting ating sundin ang mga batas ng tadhana sa isang paraang ang ating buhay ay maiangkop natin sa mga batas na di mababali, at gamitin an gating mga lakas sa ating ikapagiging ganap? Inilagay ng Dios ang kaniyang mga tuntunin sa ating mga puso, sa budhi ng tao, ang pinakamabuti niyang tahanan, at dahil ditto ay sinasamba ko ng higit ang mabuting Dios na iyan, na siyang nagdulot sa atin ng bawat isa sa ating mga pangangailangan upang tayo’y makaligtas; na sa ati’y lagging bukas ang aklat ng kanyang aral, at ang kaniyang Pari ay na sa loob natin at walang tigil ng pangangaral sa tining n gating budhi. Dahil dito, ang pinakamabuting sinasampalatayanan ay ang lalong maiksi sa pananalita, ang lalong ayon sa katalagahan, ang lalong naaangkop sa pangangailangan at mga pangarap ng tao. (Ikaapat na sulat kay Jesuita Pastells).

Samakatwid, si Rizal ay di naniniwala sa Biblia at sinabi niyang di niya napigil ang tawa nang ipalagay na protestante siya ni Padre Pastells. Tunay ngang nakatatawa ang isipin man lamang na ang mga protestante ay tumatawa lamang at may matuwid, sa ipinapalagay na di pagkakamali ng Papa, at gayon ma’y may bulag na paniniwalang hindi nakgamali ang mga judio na sumulat ng Biblia, bagamat lalo pang mangmang kay sa Papa.

Ngunit itinatagubilin sa atin ni Rizal ang malabis na paggalang sa sinasampalatayanan ng isa’t isa, sapagkat isang tanda ng mabuting pinag-aralan ang matutong gumalang sa paniwala ng iba.
PANALANGIN: Oh Dios, Amang maibigin sa daigdig! Gawin mong pakinabangan namin ang maliliwanag na aral ng Apostol Rizal, na ibinigay mo sa aming maging Guro ng mga filipino, upang makilala ka namin at sumunod sa itinatagubilin ng aming sariling bait, at hindi sa mga kabalbalang itinuturo ng matatandang pari na pinaliliko, pinapapangit at pinaliliit ang iyong mahal na Kadakilaan. Ama namin, isabog mo ang iyong liwanag sa daigdig at sa pamamagitan ng liwanag ay maghahari ang katotohanan, ang kabutihan at ang pagkasulong. Siya nawa.

Sa paggunita ng kabayanihan ni Rizal, maaari ding gunitain ang imahe ni Rizal bilang guro, at sa ilang mga kabababayan, bilang apostol kundi man bilang banal na Pilipino. Ang paghuhugpungan ng relihiyoso sa sekular, ng kabanalan at kabayanihan, at ng pagkamakaDios at pagkamakabayan ang makabuluhang alalahanin sa araw ng mga bayani. Gaya ng ipinakita ng Novenario ng Birhen sa Balintawak, hindi katataka taka na sa logo ng Iglesia Filipina Independiente hanggang sa kasalukuyan, ang Scientia at Libertas – dalawang sekular na dalumat – ang kaagapay ng mga relihiyosong kaisipan ng Scripturae at Caritas. Ang Kapitasahan ng Birhen sa Balintawak sa mga Aglipayano, ang magpapatunay na ang himagsikan at kabayanihan ay maaaring maging salalayan ng pagdiriwang ng kapistahan; ng himagsikan bilang kapistahan.

Ref.
Alaras, Consolacion. 1988. Pamathalaan: Ang Pagbubukas ng Tipan ng Mahal na Ina. BAKAS. 1988.
Aglipay, Gregorio. Pagsisiyam sa Virgen sa Balintawak: Ang Virgen sa Balintawak ay ang Inang Bayan. Maynila: Rev. Isabelo de los Reyes at Lopez,
Constantino, Renato. 1970. Veneration Without Understanding. Malaya Books.
Ileto, Reynaldo. 1998. “Rizal and the Underside of Philippine History” nasa The Filipinos and Their Revolution. Ateneo de Manila University Press, 29-78.

The post BALIKSAYSAY | Si Jose Rizal at ang Novenario ng Birhen sa Balintawak appeared first on Bulatlat.