Bandillo 30

0
229

Ni RENE BOY ABIVA

Pagkasapit na pagkasapit
ng nanunuot sa lamig
na bukang-liwayway
dumating ang banda-musiko;
agad nilang inayos ang
kanilang hanay nang pabilog;
sa gitna ang baho, tambol,
at simbalo habang sa magkabilang
gilid nama’y nakapuwesto ang
trumpeta, trombon, at tuba;
dagli nilang tinugtog
ang Martsa Para sa Patay ni Saul;
at nangagsimulang gumapang sa katawan
ng bawat nakikilamay at nakikiramay
sa naulila mong pamilya at sambayanan
ang ibayong tapang at tatag na damputin
ang nabitawan mong pulang bandila;
at habang papalapit nang papalapit
ang oras ng misa para sa isang martir
pabigat nang pabigat nang pabigat ang
pagbagsak ng luhang maalat;
mabigat;
mabigat na mabigat.

(http://bulatlat.com)

Pebrero 7, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Si R.B.E.Abiva ay dating bilanggong politikal. Nagsusulat siya ng tula at maikling kuwento sa wikang Iloko at Filipino. Siya ang awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula (Pantas Publishing, Quezon City, 2018). Nalathala na rin ang kanyang mga tula sa Bannawag Magazine, Philippine Collegian ng University of the Philippines-Diliman, Pinoy Weekly, bulatlat.com, Northern Dispatch Weekly at marami pang iba. Nakatakdang ilabas ang kanyang aklat na Bandillo: Limampung Tula Sa Madilim Na Umaga, isang koleksiyon ng mga tulang alay sa martir ng rebolusyon na si Randy Felix Malayao.

The post Bandillo 30 appeared first on Bulatlat.