Bangis ni ‘Sauron’

0
347

Oplan Sauron. Ito ang katawagan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa operasyong militar-pulis para umano puksain ang ilegal na droga at mga baril (loose firearms) sa rehiyon ng Central Visayas.

Ang Oplan Sauron ay isang “one-time, big-time” na operasyong tinatawag nilang synchronized enhanced managing of police operations (Sempo). Sakop diumano ng Sauron ang buong rehiyon, pero pokus nito ang Negros Oriental, lalo na ang Guihulngan City at ang mga bayan ng Mabinay, Sta. Catalina at La Libertad.

(Lumalabas na ipinangalan ang Oplan Sauron sa kalabang karakter sa nobelang The Lord of the Rings ni JRR Tolkien. Si Sauron ang Dark Lord na gustong sumakop sa buong Middle Earth sa pamamagitan ng pagkuha sa makapangyarihang singsing.)

Sa pag-aaral ng Pinoy Weekly, napag-alamang iniutos ang Oplan Sauron ng Central Command ng AFP. Alinsunod ito sa na inilabas ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 22, 2018. Nag-uutos ito sa militar na magpakat ng dagdag na tropa sa mga probinsiya ng Negros Oriental at Occidental, at sa rehiyon ng Bicol para “puksain ang (diumano’y) lawless violence and terror”.

Nagpakilos ang naturang kumand ng 3,000 tropa mula sa 94th Infantry Battalion at 62nd IB ng 302nd Brigade ng Philippine Army. Aktibong nakikipag-koordina ito sa iba’t ibang yunit ng PNP, katulad ng Special Action Force at Regional Mobile Force (Region 7), at Negros Oriental PNP Office o NOPO.

Pero ayon kay Lorna Tecson ng Hustisya! (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) – Guihulngan, hindi mga suspek sa ilegal na droga ang naging target ng Oplan Sauron. Sa kanilang pagmomonitor, mga sibilyang lider o miyembro ng mga grupong magsasaka at iba pang asosasyon ang naging target.

Unang pinaputok ang Oplan Sauron noong Disyembre 27, 2018, sa iba’t ibang bahagi ng Guihulngan.

Sa imbestigasyon ng Karapatan-Negros, napagalaman nnilang may anim (6) na di-armadong sibilyan ang napaslang sa magkakasabay at brutal na mga reyd sa kabahayan ng mga lider-magsasaka at ordinaryong mga magsasaka na miyembro ng mga organisasyon na lumalaban para sa karapatan nila sa lupa.

Ilang halimbawa lang:

Noong madaling araw ng Disyembre 27,pinasok ng mga elemento ng pulis at militar ang bahay ni Jimmy Fat, 57, at agad siyang binaril. Pagkatapos, kinaladkad ang katawan ni Jimmy sa bakuran, sa harap ng kanyang mga anak, at tinamnan ng .38 baril at bala sa tabi ng walang-buhay na si Jimmy.

Ganoon din ang nangyari kay Jun Cobol. Alas-5 ng umaga, tatlong tauhan ng PNP, Army at Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang nagreyd sa bahay niya sa Brgy. Trinidad. Tinaas ni Jun ang mga kamay niya, at nagmanikluhod. Kahit pa. Sa harap ng kanyang asawang si Benecia, binaril si Jun. At saka sinakay sa sasakyan ng mga armado.

Ganoon din ang nangyari kina Jaime Revilla at Reneboy Fat, Jesus Isugan at Gabby Alboro. Samantala, may 50 katao ang inaresto noong araw ding iyon.

Noong Marso 30, tinagurian ng PNP at AFP ang mas malaki pang operasyong pulis-militar bilang “Oplan Sauron 2pt0” – pagpapaigting sa dati nang malupit, brutal at ilegal na operasyong paghuli at pagpatay sa mga magsasaka at lider-magsasaka sa ngalan ng giyera kontra insurhensiya.