Bangon sa Pagkakabusabos

0
258
Rebyu ng Dante C. Simbulan, When the Rains Come, Will Not the Grass Grow Again? The Socialist Movement in the Philippines: 1920-1960. Quezon City: Pantas Publishing & Printing Inc., 2018.

Ayon kay Dante C. Simbulan sa bungad ng librong ito, may dalawang pagtingin sa dahilan at tunguhin ng kilusang sosyalista sa Pilipinas – at sa katawagang iyan, pinagsasama niya ang mga sosyalista at Komunista. Una, iyung bahagi ito ng lihim na sabwatan (secret conspiracy) para gawing sosyalista ang daigdig. Ikalawa, iyung nakaugnay, kung hindi man nakaugat, ito sa pang-ekonomiya, pampulitika at panlipunang kalagayan. Maaari sigurong may iba pa, pero ang batayan ng pag-iiba niya ay ang tutunguhing tugon: pagsupil o pagbabago?

Syempre pa, ang una ang tinatanganan at pinapalaganap ng gobyerno at militar, lalo na sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte. Tigas-ulo sila, taliwas sa anumang malalimang pag-aaral sa kilusang sosyalista at sa pagkabigo mismo ng umano’y “solusyon” na militarista rito. Bukod pa diyan, nitong nakaraang mga taon, kapag lumalakas ang paglaban sa nakaupong rehimen, laging may mananakot at magbabanta tungkol sa “lihim na sabwatan” para patalsikin ang pangulo – at laging sinasabing mahalaga ang papel rito ng naturang kilusan.

May ilang akademiko at manunulat na rin nitong huli na mas naririnig na nakikipagkoro sa ganitong pagtingin, lalo na sa social media. Nagdidiin sila sa mga umano’y “maruruming hakbangin” ng Kaliwa: nanlilinlang ng masa, dumidikit sa mga pulitiko, pumapatay ng mga tao. Pinapalabas na katulad lang ito ng ibang pwersang pampulitika sa bansa, kung hindi man mas masahol pa. Nagpipyesta sila sa mga “datos” at tsismis tungkol rito, pinapalabas nilang isa itong malihim at mapagmanipulang grupong katulad ng kulto.

Sa ganito, nagbubulag-bulagan sila sa matatawag na “batayang materyal” ng pag-usbong, pag-iral, at paglakas ng kilusang sosyalista sa bansa – na siyang pinaksa ni Simbulan sa libro. Masasabi ring iniiwasan nila ang matatawag na “batayang moral” nito, na mahigpit na nagmumula sa batayang materyal, at kaugnay ng paghahangad ng kalayaan, demokrasya, kaunlaran, at pagkakapantay-pantay para sa nakakarami. Tutol man sila, mas dumudugtong ang resultang posisyon nila sa makitid na pagsusuri at militaristang hakbangin ng rehimen.

Kung tama ang alaala ko, ginamit ng ilang komentarista ang terminong “batayang moral” noong 2001 sa pagsisikap na malinaw na pag-ibahin ang pag-aalsang Edsa 2 sa “Edsa 3.” Ang gusto kasi ng mga kampeon ng “Edsa 3,” tulad ni dating Sen. Miriam Defensor-Santiago, ay humatol ang Korte Suprema pabor sa bagong “pag-aalsa” laban sa resulta ng Edsa 2; tutal ay magkapareho sila ng itsura. Ang sagot ng mga komentarista: mali, magkaiba ang dalawa, at ang kaibahan ay may batayang moral ang Edsa 2 at wala ang “Edsa 3.”

May halaga ang paghalungkat ng kategoryang ito dahil sa ilalim ng rehimeng Duterte, nahaharap tayo sa pagpapalabas na masama ang pagtuligsa, pagprotesta at paglaban sa gobyerno – gayundin sa rebisyunismong historikal lalo na sa pagtingin sa diktadurang US-Marcos. Ang tampok na modus operandi, palabasing lihim na sabwatan ang paglaban: ang Edsa 1 ay sabwatan lang ng Pula at Dilaw, at ganyan din ang paglaban kay Duterte ngayon. Armas sa pagsagot ang paglilinaw sa mga batayang moral, bukod sa materyal, ng paglaban.

Makabuluhan sa kasalukuyan, samakatwid, ang aklat ni Simbulan, na malinaw na naghanap at nagpakilala sa mga batayang materyal at moral ng pag-usbong at pag-iral sa isang panahon (1920-1960) ng kilusang sosyalista sa bansa. Ipinakita niya ang kalagayan ng bansang nagluwal, at gustong baguhin, ng isang kilusang nagsusulong ng radikal na pagbabago. Sa kanyang pagbubuo, mas madali nang makita o maipakita ang nagpapatuloy na batayang materyal at moral ng paglakas at pagpupunyagi hanggang ngayon ng naturang kilusan.

Ang kilusang Huk sa Gitnang Luzon. Mula sa FB post ng Center for the Study of Social Change - Philippines

Ang kilusang Huk sa Gitnang Luzon. Mula sa FB post ng Center for the Study of Social Change – Philippines

Kung ibabatay sa personal na buhay ng may-akda, kakaiba at kakatwa na ganito ang kanyang saliksik. Noong 1961 natapos ni Simbulan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang tesis-masterado na siyang naging nilalaman ng libro. Opisyal-militar siya noon, nasa Research and Intelligence Group ng Intelligence Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Headquarters. Bago nito, nagtapos siya sa Philippine Military Academy, nakipaglaban sa mga armadong rebelde, at nagbigay rin ng pagsasanay sa mga sundalong lumaban sa kanila.

Sabi niya, “Natanggal ang mga pambulag ng militar nang makita ng sariling mga mata ko ang pagsasamantala at pang-aapi na dinanas ng mga pesanteng magsasaka, na ipinalasap sa kanila ng mayayamang haciendero.” Idagdag pa rito ang pagkakilala niya sa mga propesor sa UP na may “mga liberal-progresibong pananaw.” Dito marahil nagmula ang kagustuhan niyang mag-ambag sa pag-unawa kung bakit nagkaroon ng kilusang sosyalista sa bansa, kung paano ito susuriin nang may “hinahon at rasyunalismo” at “akademikong objectivity.”

Natatangi sa lipunan, lalo na sa AFP, ang bukas na isip ni Simbulan noong dulo ng dekada 1950. Bunsod ng matinding atake ng gobyerno at mga pagkakamali nito, napakahina noon ng kilusang sosyalista. Katunayan, nakilala niya ang pamunuan ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) nang nasa bilangguan ang mga ito. Rurok noon ng McCarthyismo sa US at sa sunud-sunurang Pilipinas. Ang malakas noon ay ang kilusang nasyunalismo sa pangunguna ni Sen. Claro M. Recto, bagay na hindi nasabayan at namaksimisa ng PKP.

Kaya kakatwa itong When the Rains Come…: isinulat ng isang bagong kakampi ng kilusang sosyalista sa panahong mahina ito, at ng isang galing sa kampo ng kaaway. Saliksik itong nagsasalita, sa abot ng makakaya, tungkol sa kilusan sa panahong matagumpay itong nabusalan. Marahil, dahil sa natatanging lapit nito sa isang mahalagang pwersang pampulitika sa bansa, ito’y naging “pinaka-sinisiping tesis na hindi nalathala,” sabi ni Prop. Elmer Ordoñez sa maiksing papuri sa aklat. May halaga ang paggagap sa ganoong perspektiba.

Mula sa ineksibit sa paglulunsad ng libro ni Simbulan.

Mula sa ineksibit sa paglulunsad ng libro ni Simbulan.

Sa kanyang paunang salita, ipinakita ni Benedict J. Kerkvliet, historyador ng Huk – Hukbong Bayan Laban sa Hapon o Hukbalahap (itinatag 1942) na naging Hukbong Mapagpalaya ng Bayan o HMB (1948), na parehong pinamunuan ng PKP – ang pananaw ng mga taong-militar na naunang nagsulat tungkol sa kilusang sosyalista. Malinaw na anti-Komunista, konserbatibo at reaksyunaryo ang punto-de-bista nila, bahagi ng kontra-insurhensyang balangkas ng US at Pilipinas noong Cold War, kalabigtaran ng isinulat ni Simbulan.

Nagsimula si Simbulan sa pagkwento ng kasaysayan mula pananakop ng Espanya hanggang pananakop ng US. Aniya, mula una hanggang ikalawa, nagpatuloy ang paghahari sa bansa ng mga prayle at mga cacique. Kagyat niyang inugat ang pag-usbong ng kilusang sosyalista sa pagsibol ng mga unyon ng manggagawa at organisasyon ng magsasaka sa bukana ng dekada 1900 – na masasabing pagpapatuloy ng rebolusyon ng Katipunan. Inilahad niya ang panunupil ng gobyerno at pagpasok ng “maka-kaliwang kaisipan” sa bansa.

Mula rito, nagbigay na siya ng maikling kasaysayan ng kilusang sosyalista: pagkabuo ng PKP sa hanay ng mga manggagawa sa Kamaynilaan at karatig-rehiyon noong 1930 at ng Partido Sosyalista ng Pilipinas sa hanay ng mga magsasaka sa Central Luzon noong 1932, kagyat na panunupil ng gobyerno sa mga ito nang sila’y itatag, pagsasanib nila sa ilalim ng pangalang PKP noong 1938, pamumuno sa Hukbalahap sa paglaban sa mananakop na Hapon simula 1942, at pagharap sa pagbabalik ng mananakop na Amerikano noong 1945.

Kasunod ang paglahok sa eleksyong 1946 sa ilalim ng Democratic Alliance, hindi pagpapaupo ng rehimeng Roxas sa mga naipanalong kongresista at senador, at tuluy-tuloy na panunupil ng gobyerno. Mula rito, ang pagpihit sa armadong pakikibaka noong 1948 at planong magtagumpay sa loob ng dalawang taon. Nadakip ang pamunuan noong 1950, kung kailan sinasabi ng ibang historyador na may kalahating milyong baseng masa at 21,800 armadong pwersa ang HMB, at tuluy-tuloy na paghina ang naging kasunod hanggang 1960.

Sumunod ang iba’t ibang pagsisikap ni Simbulan na unawain at ipaunawa ang PKP: mga prinsipyo at metodo ng pakikibaka, larawan ng pamunuan at kasapian, at mga motibo nila sa paglahok. Sa una, pumasok siya sa mga batayang kaisipang Marxista habang sa ikalawa, sa talambuhay ng mga Komunista, at kaisipan ng sosyologong si Max Weber. Naglatag si Simbulan ng simpleng pagsusuring makauri sa bansa, tinalakay ang mga mayor na problema ng ekonomiyang pampulitika nito, at ipinakita ang problema sa pulitika na sumusuporta sa mga nauna.

Sa dulo, binuod ni Simbulan ang saliksik, kinilalang kumbaga sa damo ay natagpas ang PKP simula 1950, at ibinato ang tanong na siyang titulo ng libro. May postscript siya na nag-uugnay ng nilalaman sa rehimeng Duterte – na kanyang subaybay dahil nagpatuloy ang kanyang aktibismo labas sa AFP. May dalawang apendise: isang ulat ng gobyerno noong 1936 tungkol sa problemang agraryo, at ang konstitusyon noong 1938 ng pinagsanib na partido. Maraming magandang lumang larawan tungkol sa kilusang sosyalista ang nasa gitna ng libro.

Isyu ng Kalayaan, publikasyon ng PKP, noong 1938. Imahe mula sa libro.

Isyu ng Kalayaan, publikasyon ng PKP, noong 1938. Imahe mula sa libro.

Napuruhan ni Simbulan ang antas ng tunggalian ng mga uri, at nadaplisan din ang antas ng moda ng produksyon at mga kagyat na isyung panlipunan. Kumbaga sa iskema ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, mas tinalakay ni Simbulan ang ikalawang antas ng pulitika, hindi pa lubos ang ikatlong antas ng ekonomiya at unang panlipunan-historikal [The Political Unconscious, 1981]. Isinabalikat naman ni Jim Richardson, historyador na Ingles, ang huling tungkulin sa libro niyang Komunista (2011), para sa mga taong 1902-1935.

Mahusay ang piniling lapit ni Simbulan, at kung hihilingin sa mga aktibista na ilatag ang dahilang materyal at moral ng kilusang sosyalista ngayon, isang posibleng gawin ang katulad ng lapit niya. Bakit umusbong at nagpatuloy ang kilusang sosyalista sa bansa? Dahil sa masamang kalagayan ng masang manggagawa at magsasaka – at sa pananagutan ng malalaking kapitalista at haciendero, ng gobyerno at kolonyal na kapangyarihan dito. Dahil kapag naggigiit ng kahilingan ang masa, pagkikibit-balikat at panunupil ang tugon ng mga naghahari.

“Ang mayaman, lalong yumayaman; ang mahirap, lalong naghihirap.” Maraming hakbang si Simbulan ng pagpapalalim mula sa katotohanang ito na kinikilala ng marami, papalapit sa pagsusuring Marxista. Mainam mailugar ang analisis niya sa proseso ng pagbubuo at pagpapatalas ng komprehensibong pagsusuring makauri at Marxista sa lipunan at kasaysayang Pilipino. Kung matatandaan, kahit ang marami sa kasapi at pinuno ng PKP noon, ayon sa maraming manunuri, ay nanatili sa mababang antas ng kamalayang pang-ideolohiya.

Ayon kay Simbulan, payak lang pero makatarungan ang mga kahilingan ng mga manggagawa at kilusang paggawa noong simula ng daantaon. Repormista ang mga ito pero itinuring na radikal ng kolonyal na awtoridad. Pamilyar sa marami ang pangalan ng mga pasimunong lider-obrero: Isabelo delos Reyes, Lope K. Santos, at Dominador Gomez – hanggang kina Crisanto Evangelista at mga kasabayan. Sabihin pa, hindi tinugunan, bagkus kinontra ng dahas, ang mga kahilingan. Pero sa halip na pag-atras, radikalisasyon ang idinulot ng represyon.

Ani Simbulan, sa panahong iyun, lantad sa mga manggagawa ang “kawalang-pakialam at pagkamanhid ng elite,” at naghahanap ang mga lider-obrero ng tugon sa mga suliranin at karaingan ng mga manggagawa. Naghahanap din sila ng “daynamiko at disiplinadong pamunuan” at ng “pilosopiyang kapwa buo at walang kompromiso.” Hindi nila makita ang pangangailangan sa isang “mapayapa at ebolusyonaryong kilusang Sosyalista” sa Pilipinas, kaya niyakap nila ang “rebolusyunaryong Marxistang Sosyalismo.”

Sa ganitong kalagayan sinalubong ng mga lider-manggagawa ang mga sugo ng Communist International na nagtawid ng Marxismo-Leninismo sa bansa simula 1924, pagkatapos ng rebolusyong Ruso ng 1917: ang mga Amerikanong sina Alfred Wagenknecht at Harrison George at ang Indonesian na si Tan Malaka, na nakakaintindi ng Tagalog. Partikular na pinahalagahan ni Simbulan si Malaka sa pagradikalisa sa mga lider-obrero: ipinaliwanag niya ang Marxismo-Leninismo at rebolusyong Ruso sa “di-mabilang na pulong at talakayan.”

Mapapahalagahan din sa ganitong pagbaybay ang mga pagsisikap na ipakita ang proseso ng pagkahinog ng mga kaisipang impluwensyado ng, at nahahawig sa, sosyalismo, bagamat hindi pa lubos na ganito, sa Pilipinas bago ang paggabay ng mga dayuhang Komunista. Ito ang isang layunin na tinugunan ng Pook at Paninindigan (2009) ni Ramon G. Guillermo, na sumuri sa “mga batis ng diskursong sosyalista” sa mga akda – nina Emilio Jacinto, Lope K. Santos, Faustino Aguilar at iba pa – na malayong mas maaga sa 1924.

Mga black propaganda kontra sa mga sosyalistang nagsusulong ng radikal na pagbabago sa banda noong dekada 1950. Imahe mula sa libro.

Mga black propaganda kontra sa mga sosyalistang nagsusulong ng radikal na pagbabago sa banda noong dekada 1950. Imahe mula sa libro.

Sentral sa kwento ni Simbulan ang pandarahas at panunupil sa kilusang sosyalista sa bansa. Nagbibigay siya ng pagkakataon para magmuni sa naging karanasan ng bansa sa dahas. Bago pa ang kilusang sosyalista, may mga armadong pag-aalsa na ang masa, lalo na ang mga magsasaka. Tugon ito, syempre pa, sa pang-aapi at pandarahas ng gobyernong kolonyal sa ilalim ng mga Espanyol at Amerikano. Nang mabuo ang kilusang sosyalista sa bansa, hindi ito kagyat na naglunsad ng armadong paglaban; katunayan, masasabing iniwasan nito ang gayon.

Masasabi ngang mas natulak sa pag-aarmas ang kilusang sosyalista dahil sa nagkakaisang prente sa paglaban sa pasistang mananakop na Hapon. Pero hindi pa rin nito nagawang pambansa ang armadong paglaban. At kahit pagkatapos ng World War II, nagsalong ito ng armas at tumungo sa parlamentaryong pakikibaka. Naitulak itong bumalik sa armadong pakikibaka dahil sa tuluy-tuloy na pandarahas at pagkakait ng espasyo sa parlamentaryong pakikibaka. At naaresto ang pamunuan nito, napugutan ito ng ulo, dahil nagbase ito sa Kamaynilaan.

Ito ang mapait na karanasang inaral at gustong alpasan ng PKP na bagong-tatag noong 1968 at ng Bagong Hukbong Bayan noong 1969, sa matatag na gabay ng tinawag nitong “Kaisipang Mao Zedong.” Tumimo rito ang limitasyon at panganib ng parlamentaryong pakikibaka at ang pagiging mapanupil ng Estado. Ang armadong pakikibaka nito ngayon ay pagbubuo ng kapangyarihan kung saan mahina ang mga imperyalista at naghaharing uri, at pagtiyak ng kaligtasan ng hanay na mananatiling bulnerable sa pandarahas kung hindi mag-aarmas.

Ilang ulit, samakatwid, na ipinapakita ng karanasan ng Pilipinas na ang paggamit ng rebolusyunaryong dahas, sa salita ni Jameson, ay epekto at hindi sanhi: “hahantong ang kabilang panig,” ang kaaway sa uri, “sa dahas kapag ang sistema ay nababantaan sa isang tunay na… pundamental na antas, kung kaya ang posibilidad ng karahasan ay nagiging sukatan ng pagiging awtentiko ng isang ‘rebolusyunaryong’ kilusan kapag sinipat sa balik-tanaw, ng kuwago ni Minerva ni Hegel o anghel ng Kasaysayan ni [Walter] Benjamin” [“Actually Existing Marxism,” 2009].

Isa sa pinaka-interesanteng bahagi ng aklat ang pagpapakilala sa mga lider ng kilusang sosyalista, partikular ng PKP. Naroon ang mga tagapagtatag at bayani na matagal nang kilala ng marami: Pedro Abad Santos at Crisanto Evangelista. Naroon din ang mga pinunong pangunahing pinuna sa mga dokumento ng muling-tatag na PKP: ang magkakapatid na Lava (Vicente, Jose at Jesus), ang magkapatid na Taruc (Luis at Peregrino), si Casto Alejandrino, at ang Amerikanong si William Pomeroy – kasama ang asawa niyang Pilipino na si Celia.

Naroon sina Eusebio Aquino, Mateo del Castillo, Alfredo Saulo, Juan Feleo (pinaslang ng militar noong 1946), at Angel Baking (pumanig sa muling-tatag na PKP). Naroon din ang mga kadreng pinatay ng militar habang nagsisikap na gawing pambansa ang armadong paglaban labas sa Gitnang Luzon: si Mariano Balgos, na isa rin palang manunulat ng maikling kwento at tula, pinaslang noong 1954 sa Albay. At si Guillermo Capadocia, unang pangkalahatang kalihim ng pinagsanib na PKP, pinatay noong 1951 sa Antique.

Dito, 11 ang mula sa “nakapag-aral na nakatataas at panggitnang uri,” habang anim ang mula sa mahihirap. Mahalagang ihabol ang madiing punto ni Richardson: mga manggagawa ang kalakhan ng nagtatag ng lumang PKP. Ayon naman sa muling-tatag na PKP, mga hindi nakapagpanibagong-hubog na petiburges ang namuno sa panahon ng matinding pagkakamali ng lumang partido. Sa bagong partido, tiyak ang pagsasanib ng iba’t ibang uring panlipunan, pero masasabing mahalaga ang papel ng mga petiburges na naproletaryanisa sa pakikibaka.

Sa panahong nilalabag ng gobyerno ng China ang teritoryo at soberanya ng bansa, mainam ang paalala ni Simbulan sa natatanging papel ng mga tunay na Komunistang Tsino sa kasaysayan ng PKP. May isang Tsino na kasapi ng “pambansang komite” ng PKP noong 1938, habang may anim na aktibong iskwadron na binubuo ng mga Tsino, tinawag na “Wa-chi,” ang kaisa ng Hukbalahap sa paglaban sa mga Hapon. Napakahalaga, ani Prop. Jose Maria Sison, ang pagtulong ng mga Tsino sa Pilipinas noon kina Crisanto Evangelista.

Mainam mabasa ng mga aktibista ang aklat ni Simbulan, gayundin ng lahat ng nag-aaral sa kasaysayan ng kilusang sosyalista sa Pilipinas. Mahusay na itambal ito sa pagbabasa at pag-aaral ng “Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itatag ang Partido!” ng 1968, dokumento sa pagkakatatag ng bagong PKP. Sa ganito, maipapakita kung paano humalaw ang bagong PKP ng mapapait na aral sa luma – habang makikita rin kung paanong sa esensya ay nagpapatuloy ang kolonyal at makauring paghahari at pagsasamantala sa bansa.

18 Hulyo 2019