Basura sa Philippine Collegian

0
183

Para sa isang institusyong malala, hindi lang ito simpleng pag-alala kundi pag-aalala. Nababalot na ng kadiliman ang Philippine Collegian ng UP Diliman!

Hindi ko na makita ang institusyong kinikilala noon bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kalayaan ng pamamahayag sa kampus (campus press freedom). Binura na kasi ng mga kasalukuyang nangangasiwa nito ang mahabang tradisyon ng pag-uungkat, pag-uulat at pagmumulat. Hindi na malalim ang pagsusuri sa nangyayari sa loob at labas ng pamantasang hirang. Wala nang lingguhang paglilimbag ng edisyong print at tila wala ring regularidad sa paglalabas ng mahahalagang artikulo kahit sa website nito.

At, utang na loob, huwag na po sana akong tanungin sa paulit-ulit na paglabag sa etikal na pamantayan ng peryodismo. Nakakapagod na ring ipaliwanag ang napakalaking kakulangan sa kaalaman ng ilang manunulat at patnugot nito sa balarila’t ortograpiya sa wikang Ingles at Filipino. Hindi na rin siguro mainam na magpalalim pa sa ilang insidente ng plahiyo (plagiarism) na ibinabato sa ilang miyembro ng Philippine Collegian. Sabihin na lang nating may malaking problema sila sa pangongopya’t orihinalidad bunga ng kawalan ng malalim na kaalaman sa peryodismo’t realidad.

Kung gusto mo ng maikling halimbawa, basahin natin ang isang talatang “breaking news” ng Philippine Collegian noong Oktubre 15, 2018 (walang nakasaad na timestamp): “BREAKING: Isang sunog ang tumupok sa ilang kabahayan sa Barangay UP Campus, bandang alas dose ng umaga. Ayon sa mga residente, ang sanhi di umano ng sunog ay isang natumbang kandila na gamit ng mga drug user na nagkakaroon ng ‘pot session’ sa loob ng isa sa mga bahay.”

Opo, hindi naman kailangang nariyan lahat ng mga inaasahang datos dahil kailangang mabilis na isapubliko ang isang mahalagang pangyayari. Pero inaasahang magkakaroon ng update oras na makuha ang iba pang impormasyon. Alam n’yo bang natengga ito nang pagkatagal-tagal sa buong araw ng Oktubre 15 at nauna pa ang ibang organisasyong pang-midya sa labas ng pamantasan sa pag-uulat ng trahedyang ito?

Kapansin-pansin din ang kawalan ng pamilyaridad sa loob ng pamantasan nang hindi naibigay kahit ang spesipikong lokasyon ng pagkalaki-laking lugar na Barangay UP Campus. Alam kaya ng mga taga-Philippine Collegian kung ilang ektarya at ilang Pook/Area ang saklaw ng nasabing barangay? Tama bang pati ang hindi pa kumpirmadong datos ng “pot session” ay isinama na sa balita? Bukod sa hindi nila alam ang tamang pagbaybay ng salitang “diumano,” alam kaya nila ang implikasyon ng paggamit ng salitang ito?

Tanungin mo ang sinumang estudyante o gurong sinubukang magbasa ng isyu ng Philippine Collegian sa Academic Year 2018-2019 at malamang na mas marami siyang masasabing kakulangan kaysa kalakasan ng tinaguriang opisyal na publikasyon ng UP Diliman.
Bilang dating manunulat at patnugot sa balita ng Philippine Collegian noong huling bahagi ng dekada 80 at maagang bahagi ng dekada 90, sadyang nakakahiyang makabasa ng ganitong klase ng basura. Paumanhin kung nagmumukha itong pagmamagaling ng isang nakatatandang katulad ko. Marami din naman kaming kakulangan noon pero hindi po ganito kalala.

Bagama’t napupuna rin lalo ng mga guro namin sa Peryodismo, Filipino at Ingles ang kahinaan sa paggamit ng wika, wala naman kaming natanggap na seryosong kritisismo sa kalidad ng pananaliksik at pagsusuri, pati na ang pagpili ng mga isyung kailangang talakayin. At lalong hindi rin namin sinayang ang pondong mula sa mga estudyante dahil linggo-linggo kaming naglabas ng edisyong print, kahit na nangangahulugan ito ng pagtatrabaho nang walang tulog tuwing Sabado at Linggo (at minsa’y umaabot pa ang press work hanggang Lunes ng umaga).

Kung kailangang lumiban sa klase para lang magampanan ang gawain sa publikasyon, paumanhin na sa mga naging guro noon pero mas pinipili naming literal na lumabas ng klasrum, maging ng pamantasan. Alam kaya ng kasalukuyang liderato ng Philippine Collegian ang kahalagahan ng interaksyon sa mga batayang sektor ng lipunan? Nasubukan kaya nilang matulog sa piketlayn dahil inabot sila ng gabi sa maikling interbyu na humantong sa mahabang kuwentuhan tungkol sa buhay at pakikibaka? Nakapag-almusal na kaya sila kasama ang mga magsasaka’t manggagawa nang hindi gumagamit ng plato dahil nakaplastik lang ang mga rasyong kanin, kamatis at tuyo?

Hindi nakakagulat na ang mga edisyong print ng Philippine Collegian ay umaabot noon sa labas ng pamantasan, kahit na ang pangunahing mambabasa nito ay mga estudyante ng UP Diliman. Ginagamit kasi ang mga kopya ng publikasyon sa mga diskusyong inoorganisa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang batayang sektor. May iba pa ngang pamantasang humihingi ng permiso para i-reprint ang editoryal at iba pang artikulo dahil kinikilala nila ang kahalagahan ng mga ito sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Naaalala ko pa noon ang kuwento ng isang kasama sa Philippine Collegian na ginamit bilang “wall news” (sinulat sa malaking kartolina) sa isang pamantasang labas ng Lungsod Quezon ang editoryal na sinulat ko pero nakalimutang opisyal na magpaalam sa amin. Siyempre’y hindi na kami naghabol ng paglabag sa copyright dahil malinaw naman ang hangarin ng mga gumawa ng “wall news” na ito.

Kung ikukumpara ang kalidad ng kasalukyang mga artikulo sa Philippine Collegian, wala talagang pakinabang ang mga ito sa anumang kampanyang inilulunsad ng mga batayang sektor. Nananatiling lutang ang mga ito sa pambansang kalagayan. Tila gusto ng mga taga-Philippine Collegian na gumawa ng sariling tradisyong kabaligtaran ng progresibong pag-iisip, kahit na malaki ang kanilang kakayahang magsuri nang matalas at wala silang naiintindihan sa mahabang kasaysayan ng peryodismong pangkampus. At bilang guro ng peryodismo, puwede ko ring sabihing wala silang naiintindihan sa mismong peryodismo.

Sa ganitong konteksto dapat natin maintindihan kung bakit napilitan ang ilang progresibong estudyante na muling buhayin ang tinatawag na Rebel Collegian, na tinatawag na ngayong Rebel Kule. Mula noong dekada 70, ito na ang ika-apat na pagkakataong nagkaroon ng “alternatibo” sa Philippine Collegian dahil sa mga naging limitasyon nito. Sa kabila ng kawalan ng pondo at iba pang rekurso, pinilit na maglabas ng edisyong print bagama’t mas ginagamit nila ang social media sa pagpapalaganap ng mga napapanahong sulatin hinggil sa mga nangyayari sa pamantasan at lipunan.

Pero kung susuriing mabuti, ang pinag-ugatan ng kasalukuyang Rebel Kule ay hindi lang ang kahinaan sa nilalaman ng Philippine Collegian kundi ang pagpili ng mismong punong patnugot nito. Matatandaang noong nakaraang taon, hindi hinayaan ang dalawang graduating na estudyante na kumuha ng eksaminasyon para piliin ang punong patnugot kahit na wala naman sa patakarang pinagbabawalan sila. Sa halip na maging “inclusive,” pinili ng administrasyon ng UP Diliman na maging “restrictive.”

Nirebyu kaya ng administrasyon ang kahulugan ng salitang “collegian” sa wikang Ingles? Ayon kasi sa Merriam-Webster, ito ay “a student or recent graduate of a college.” Simple lang naman ang argumento sa usapin ng eksaminasyon para piliin ang punong patnugot: Kung sakali lang na manalo ang isang graduating na estudyante, kailangan niyang siguraduhing makakapasok siya sa ikalawang degree program para manatiling estudyante ng UP Diliman. Kung hindi niya magawa ito, magiging punong patnugot ang nasa ikalawang puwesto. Sa madaling salita, may proseso ng “succession” kung magkaroon ng problema sa eligibility ng dapat na punong patnugot.

At dahil nga naging punong patnugot ang isang estudyanteng malinaw na hindi naiintindihan ang ginagawa niya, ito ang kinasadlakan ng Philippine Collegian. Sa pagtatapos ng Academic Year 2018-2019, konsolasyon na lang bang patapos na rin ang terminong nakakahiya? Hindi po. May isa pang isyung nakakasuka.

May ilang opisyal ng Philippine Collegian na nagsampa ng reklamo laban sa pitong patnugot ng Rebel Kule. Batay sa mga opisyal na pahayag ng ilang organisasyon ng mga estudyante ng UP Diliman, ginawang isyu ang patuloy na paggamit ng Facebook at Twitter accounts ng Rebel Kule na dating ginagamit ng ilang nakaraang termino ng Philippine Collegian. Sa mga hindi nakakaalam, malinaw na dapat na i-turn over ng dating liderato ng Philippine Collegian sa bagong liderato ang mga opisyal na pag-aari tulad ng mga silya, mesa, dokumento at kompyuter. Hindi malinaw sa patakaran ang “digital assets,” at mas lalong hindi malinaw kung opisyal bang pag-aari ang mga account sa social media na ginawa ng mga indibidwal na miyembro ng publikasyon. Ayon sa balita, nagdesisyon ang Student Disciplinary Council (SDC) na i-dismiss ang kaso.

Kung iisipin mong tapos na ang isyu, hindi pa po. Inapila ng ilang opisyal ng Philippine Collegian ang desisyon ng SDC sa administrasyon ng UP Diliman. Nagdesisyon ang huli kamakailan lang na baguhin ang desisyon ng SDC at patawan ng parusang suspensyon ang ilang taga-Rebel Kule. Walang malinaw na paliwanag kung bakit hindi kinatigan ang desisyon ng SDC.

Hindi lang ito ang puntong nakakahiya na, nakakasuka pa. Lumalabas na apat sa pitong kinasuhan ay graduating pala, at isa sa kanila ay ang nahirang na susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Paano kaya makakapasok sa ikalawang degree program ang estudyanteng ito kung hindi malinaw na makakapagtapos siya bunga ng isinampang kaso?

Higit pa sa isang komplikadong telenobela, malinaw ang maniobra ng papaalis nang liderato ng Philippine Collegian para atakehin ang kalayaan sa pamamahayag. Sa halip na pagbutihin ang paglilingkod sa mga estudyanteng tagapaglimbag ng opisyal na publikasyon, ginugol nito ang oras para sampahan ng kaso ang tingin nila’y kaaway nila. Kung sabagay, “kaaway” ang maaaring itawag sa kabaligtaran ng kanilang kawalan ng kakayahan sa larangan ng peryodismo. Hindi natin alam kung nang-iirita lang ang mga kasalukuyang namumuno sa Philippine Collegian o masyado lang silang nasaktan dahil tila wala silang nakukuhang suporta mula sa mga estudyante, lalo na ang mga organisado’t nakikibaka para sa makabuluhang pagbabago. Ito ba ang kanilang pagganti sa mga batikos na natatanggap nila? Walang lugar ang spekulasyon sa mataas na antas ng diskurso. Sa puntong ito malinaw lang ang isang bagay: Ang kanilang kawalan ng kaalaman sa peryodismo ay nagresulta sa kanilang pag-atake sa propesyong dapat na itinataguyod nila.

Nakakahiya na, nakakasuka pa. Ganyan talaga ang katangian ng basura, sa isip at sa gawa.(https://www.bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Basura sa Philippine Collegian appeared first on Bulatlat.