#LupangRamos | Bernardina

0
484

“Bakit ganun sila karahas?”

Ito ang katanungang nabigkas ni Bernardina Mendoza sa pagsalaysay sa nangyaring biglaang putukan noong ika-4 ng Hunyo sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite.

Si Bernardina ay 77 anyos na magsasakang kabilang sa mga nakikipaglaban para sa karapatan sa lupa. Hindi na bago ang laban na ito sa kanya dahil halos tatlong dekada na rin siyang nakikipaglaban na magkaroon ng sariling lupa ang mga magsasaka sa Lupang Ramos.

Buwan ng Setyembre nang simulan nilang bungkalin kasama ng mga kasapi ng Katipunan ng Samahang Magbubukid – Timog Katagalugan (KASAMA-TK) ang tiwangwang na lupain. Nilinis at inayos nila ang napabayaang sakahan sapagkat layunin nilang mapagtamnan ito at mapakinabangan.

Nakapagtanim at matagumpay na ring nakapag-ani sila Bernardina ilang buwan mula nang kanilang bungkalan. Nais pa sana nilang madagdagan ang mga tanim na ito lalo na ngayong maghuhulog na ng ulan ang buwan ng Mayo. Ngunit pinasok ang Lupang Ramos ng mga iba pang magsasaka na tinatawag nilang “bentador ng lupa.” Nakikipag-agawan diumano ang mga ito sa lupang pinagpaguran nilang ayusin.

Dahil sa matinding hidwaan, nagbunga ito ng marahas na hidwaan sa lupain sa pagitan ng mga magsasaka. Ayaw daw ng kabilang panig na pumaloob sa grupong KASAMA-TK na mayroong alituntuning ang lupa ay hindi dapat ibenta, ito ay dapat tamnan at pakinabangan. Maraming pagkakataon kasing sa kaso ng mga in-award na lupa sa repormang agraryo ng pamahalaan ay napipilitan ding ibenta ng mahihirap na magsasaka ang kanilang mga lupa sa dating may-ari o sa kung sinong mapera dahil wala silang binhi, irigasyon, gilingan at iba pang proseso na kailangan sa pagtatanim. Ang nangyayari ay inuutang nila ang mga pangangailangan para makapagtanim, nababaon sila sa utang, nalulugmok sa gutom, hanggang sa mawala na lang ulit ang lupa sa kanila, hanggang sa wala silang makain.

Hanggang sa kasalukuyan na pumasok na ang tag-ulan sa bansa, tigil pa rin ang pagtatanim sa lupain. Si Bernardina ay isa pa rin sa matatag na nakikipaglaban sa Lupang Ramos. Bitbit niya kasama ng marami pang magsasaka ang paninindigang ang lupa ay buhay, hindi lamang sa kanila kundi maging sa sambayanang Pilipino.

The post #LupangRamos | Bernardina appeared first on Manila Today.