Bida ang saya ng kapitalista

0
271
Huwag kang maniwala sa sabi-sabi: Masipag ang mga manggagawang Pilipino. Pero naghihirap ito. O, mas tumpak, pinahihirapan sila. Sa seryeng ito, basahin ang kanilang mga kuwento–ng pagpapahirap, pero pagpupunyagi ring labanan ang mga pagpapahirap na ito.

Disi-otso anyos noong 2012 si Jessamel Crispo, at estudyante sa isang kolehiyo sa Quezon City. Pero hindi kaya ng mga magulang niya na pag-aralin siya. Buti na lang, naisip niya noon, may scholarship ang Jollibee. Salamat sa sikat na bubuyog. Bida nga ang saya.

Pero hindi pala. “Natuwa ako (sa Jollibee Seeds Scholarship), kasi akala ko libre na (ang pag-aaral ko),” kuwento ni Jessamel. Akala niya, salamat sa kagandahang loob ng bubuyog (o ng mga kapitalistang nasa likod nito), makakapag-aral na siya at matutupad ang mga pangarap, at maiaahon sa hirap ang pamilya. Pero ang katotohanan, mistulang naging recruitment agency ang scholarship.

“Parang working student lang din (ako). ‘Yung ipinangpapaaral sa (akin), kaltas din sa sahod (ko),” kuwento niya.

Bilang service crew ng pinakamalaki at pamosong fast food chain ng bansa, naranasan ni Jessamel ang hirap na dinaranas ng lahat ng manggagawa sa Jollibee at iba pang fast food chain. Ang mababang sahod, trabahong walang sahod, walang benepisyo, kawalan ng seguridad sa trabaho, at, sa panghuli, di-makatarungang pagtanggal.

Sa tatlong taong pagiging iskolar niya, tatlong taon din siyang nagtrabaho sa loob ng Jollibee.

P57 kada oras ang sahod (ko),” ani Jessamel. “Karaniwang limang oras ang naipapasok ko sa isang araw dahil sa pasok sa school. Bale, b, kung minsan mas mababa pa, ang nagiging take home pay (ko).”

Maliban sa mababang sahod, naranasan din niya ang iba pang di-makatarungan labor practices ng Jollibee. Isa na riyan ang tinaguriang “charity” o pagtatrabaho nang walang bayan. Minsan, matapos ang shift, may trabaho pa. Minsan, bago ang kanyang shift.

“Naranasan ko, opening ako, 7 a.m. ako pumapasok noon. Kahit 10 a.m. pa yung bukas ng mall. Maglilinis sa loob at mag-aayos ng mga upuan at mesa pero hindi iyon bayad. Kasabay ng pagbukas ng mall ‘yung bayad sa amin,” ani Jessamel.

Kahera siya. Kung minsan kapag na-short o hindi tumugma ang kinita sa na-audit, kakaltasan siya ng sahod.

Taong 2015 nang matanggal si Jessamel sa trabaho. Dahil lang ito sa nagbigay siya ng gravy sa matandang kostumer. (“May bayad kasi ang gravy sa Jollibee,” kuwento niya.) Nahuli siya ng manedyer at kahit na sinabi niyang iawas na lang sa kanya, tinanggal pa rin siya. “Ang nakalagay sa papel, nag-resign ako,” aniya.

Tulad ng maraming nasasadlak sa ganung sitwasyon, hindi na niya ito inapela pa.

Gahamang bubuyog

Sa kasalukuyan, may mahigit 1,200 chains na sa buong mundo ang Jollibee.

Sa ikalawang kuwarto ng 2017 lang, tumala ang naturang kompanya ng P1.96-B netong kita. Pero sa likod ng mabilis na expansion ng kompanya ang 50,000 manggagawang kontraktuwal na di-unyonisado, mababa ang sahod, walang karapatan.

Noong Abril 4, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Jollibee Foods Corp. at isa sa mga subsidyaryo nito, ang fast food chain din na Burger King, na iregularisa ang 6,482 kontraktuwal nitong manggagawa.

Bahagi ito ng deklaradong kampanya ng DOLE na pagrepaso sa praktika ng iba’t ibang kompanya ng bansa kaugnay ng kontraktuwalisasyon. Bahagi naman ang kampanyang ito ng diumano’y pagtutupad ni Pangulong Duterte sa pangako niyang alisin ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Agad na sinabi ng Jollibee na iaapela nito ang naturang desisyon. Pero nitong Abril 13, sinabi naman ng chief operating officer ng kompanya na si Ernesto Tanmantiong na ipapatupad na raw nila ang utos ng DOLE.

Pero mababatid sa mismong pahayag ng Jollibee ang intensiyon nito: Ipasa ang utos ng “regularisasyon” sa tinaguriang “service providers” o third-party na mga kompanya na nagkokontrata ng mga manggagawa para magtrabaho sa Jollibee.

“Inuutusan namin ang aming service providers na iregularisa ang lahat naming empleyado nang may security of tenure at benepisyo…Kaya sinusuportahan namin si Pangulong Duterte sa pagwakas (niya) sa kontraktuwalisasyon,” sabi ni Tamantiong.

Sinasamantala niya ang nakasaad sa Labor Code (na ipinagtibay ng DOLE Order No. 174) na ang ipinagbabawal lang ay labor-only contracting at hindi ang job contracting. Pasok sa huli ang pagkakaroon ng service providers na nagsisilbing middlemen sa pangongontrata sa mga kapitalista ng mga manggagawa.

Hindi na bago ang kilos na ito ng Jollibee. Katulad ng mga kapwa-malalaking burges kumprador na nasa Forbes 50 (listahan ng 50 pinakamayayamang Pilipino), kilala ang tagapagtatag ng Jollibee na si manggagawa (ika-8 pinakamayaman sa Pilipinas, may yamang US$4.1-Bilyon nitong Peb. 2018) na nagpapatupad ng maraming kontra-manggagawang gawain para imaksimisa ang kita.

Isa pa, isa pa, isa pang pangako

Naniniwala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na balewala ang anumang utos ng rehimeng Duterte na regularisasyon ng mga manggagawa ng fast food chains tulad ng Jollibee kung walang kongketong polisiya ito para pigilan na at lapatan ng parusa ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon.

“Ang mga manggagawa ay may karapatan sa regular na trabaho; sa (nakabubuhay na) sahod at benepisyo; sa karapatang mag-organisa, magbuo ng unyon, at makipagnegosasyon sa mga employer nila. Pero ipinagkakait ang lahat ng batayang karapatang ito sa kontraktuwal na mga manggagawa. Kaya hindi lang dapat ‘regulated‘ o nililimitahan ang di-makatarungan at kontra-manggagawang praktika ng ‘endo’ o kontraktuwalisasyon. Dapat buo at permanenteng ipagbawal ito,” paliwanag ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Mahaba na ang listahan ng malalaking kompanyang tahasang sumusuway sa mga “utos” ng DOLE para iregularisa ang mga manggagawa nito. Noong Pebrero, iniutos ng DOLE ang pagreregularisa ng 675 manggagawang kontraktuwal sa Coca-Cola Femsa (dayuhang kompanya na may prangkisa sa distribusyon ng Coca-Cola sa Pilipinas).

Bago nito, noong Enero, nag-utos na rin ito na iregularisa ng Coca-Cola Femsa ang halos 8,000 manggagawa. Pero ano ang sinagot ng naturang kompanya? Pagtanggi sa implementasyon ng utos. Ang masahol pa, nagsagawa ito ng tanggalan sa mga manggagawa.

Pinalalakas lang nito ang pangangailangan para sa isang malinaw at malakas na polisiya—sa porma, halimbawa, ng isang executive order o EO mula sa Pangulo—na nagdedeklarang ilegal sa lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon.

“Wala sa mga apektadong korporasyon ang sumunod, kaya mistulang walang-saysay ang mga utos ng DOLE. Walang mekanismo ang gobyerno para seguruhin ang implementasyon (ng mga utos na ito); at madalas pang pumapanig (ang gobyerno) sa manedsment na tumatangging iregularisa ang mga manggagawa nito,” sabi pa ni Labog.

Noong 2016 pa nagbuo ang KMU ng mungkahing EO na magbibigay-pangil sa rehimeng Duterte na ipatupad ang mismong pangako nitong pawiin ang kontraktuwalisasyon. Pero paulit-ulit ding isinasantabi ng mismong Pangulo ang paglagda nito. Makailang ulit na itong nangakong lalagdaan ang naturang EO, pero makailang ulit na ring iniatras ang pagpirma at sinabing pag-aaralan pa.

Nitong Abril 16, nag-iskedyul muli ang Malakanyang ng diyalogo sa mga grupong maka-manggagawa. Muli, nakansela ito. Ang huling deklarasyon ng Palasyo, hindi na raw lalagda ang Pangulo ng EO hinggil sa kontraktuwalisasyon. Ipauubaya na lang daw nito sa Kongreso ang pagpasa ng batas kontra kontraktuwalisasyon.

Pero makakaasa pa ba ang mga manggagawa? Para sa KMU, matagal nang pinatunayan ng rehimeng Duterte na wala itong interes na tuparin ang pangako kaugnay ng kontraktuwalisasyon. “Nawalan na ng tiwala ang mga manggagawa sa sinseridad ni Duterte. Hindi sapat ang mga utos at diyalogo ng DOLE para sabihin ng rehimeng Duterte na kontra ito sa kontraktuwalisasyon,” ani Labog.

Samantala, makikita sa sunud-sunod na mga pagkilos ng mga manggagawa, mula sa mga protesta at diyalogo sa DOLE (tulad ng ginawa ni Jessamel at iba pang manggagawa ng Jollibee noong Abril 18) hanggang sa mga bantang welga sa Coca-Cola, PLDT at iba pa, na lalong lumalakas ang pagkakaisa ng mga manggagawa—para itulak ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon at singilin ang rehimeng Duterte.