Bilyon ang itatala, barya ang nakukuha

0
415

 

Bumubulusok ang ekonomiya ng bansa. Nakita na itong paparating ilang buwan bago pa naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) itong pinakamatinding paglubog ng ekonomiya simula noong dekada otsenta. Ang magiging tugon kaya ng gobyerno’y katulad ng sa pandemya: Mabagal, magulo, at maliit kung ikukumpara sa gahiganteng kahingian?

Dala ng usaping ekonomiya ang mga numero at termino na sa totoo’y ibang pangalan lang para sa kalunus-lunos na danas ng karaniwang Pilipino. Iba-iba ang mukha ng 16.5 porsiyento na naging pagliit ng gross domestic product (GDP) ng bansa ngayong ikalawang kapat ng 2020.

Nariyan ang mga pamilyang umaasa sa remitans ng kamag-anak na Overseas Filipino Worker, pero ngayo’y mas maliit ang natatanggap, kung mayroon pa. Makikita itong tinatawag na recession sa danas ng mga pamilyang sabay-sabay nawalan ng bread winner, o kaya nama’y gahiganteng tapyas sa sweldo ang hinarap. Sa tala ng PSA nitong Abril, halimbawa, may 7.3 milyong katao sa Pilipinas ang nawalan ng trabaho. Inaasahang tataas pa ang bilang na ito kung hindi makokontrol ang coronavirus disease-2019 (Covid-19) at patuloy na magtitipid ang mga negosyante at employer.

Paghingi ng ayuda sa kung sino-sino sa Facebook. Panlilimos ng mga tsuper. Pakikipagbarter ng kagamitan may maipangraos lang sa araw-araw o sa darating na pasukan ng mga estudyante. Ito ang danas na dapat kasabay na sinisilip ng gobyerno habang gumagawa ito ng komprehensibong tugon pang-ekonomiya.

Pero sa ginagamit na pananalita ng administrasyon at ng ibang ekonomista, hindi ito ang nakikita natin.

Natural ang recession. Makakabangon ang ekonomiya. Ang pagbulusok ng ekonomiya’y dahil sa pandemya. Ilan lang iyan sa mga katagang maya’t maya lumalabas sa bibig ng mga opisyal. Halimbawa, noong unang lingo ng Mayo, sabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Gob. Benjamin Diokno na “makakabangon naman ang ekonomiya bago matapos ang taon”. Ang idinugtong niya ang mahalaga pagtuunan. Sabi niya, makakabangon naman “kung makokontrol ang pandemya sa ikalawang kapat ng taon.”

Ikalawang kapat na ng taon at kaliwa’t kanan ang paghingi ng saklolo ng healthcare workers. Ang kinailangan sana’y pagkontrol sa pandemya, hindi pagdepende sa bakunang hindi pa nalilikha, hindi milagrosong biglaang pagkawala ng sakit.

Posible ba sana ito? Kung titignan ang kaso ng Vietnam, na ngayo’y nakakakita na ng maliit na pag-angat ng ekonomiya, oo.

Ayon na nga sa executive director ng Ibon Foundation na si Sonny Africa, “pinagdurusahan natin ang pinakamalalang krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya sa Timog Silangang Asya, at maging sa naitala nating kasaysayan.”

Ngayon, kailanganang bantayan ng bawat Pilipino ang binubuong tugon ng administrasyon.

Sa datos ng naging paggastos ng mga gobyerno sa Timog Silangang Asya ngayong panahon ng pandemya, isa na ang administrasyong Duterte sa pinakakuripot. Dinaig pa ito ng mga gobyerno ng Brunei at Timor Leste, dalawang bansa na mas maliit ang ekonomiya kaysa sa Pilipinas.

Nakikita nating nagpapatuloy ang barya-baryang pagtugon na ito sa isinusulong na Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2, na maglalaan ng hindi lalagpas sa P180- Bilyon, o wala pa sa isang porsiyento ng GDP ng bansa. Itong paggastos sana ng gobyerno ang makatutulong sa milyong pamilya na ngayo’y walang maipangtustos, at maliliit na negosyong hindi nakayanan