Bistado sa mundo

0
229

Seryoso si Brig. Gen. Antonio Parlade sa mga ipinapakita niya. Mga ebidensiya raw, patung-patong na mga dokumento daw, at may kahon pa, na nagpapakita raw na prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) ang mga organisasyong nangunguna sa pagtuligsa sa rehimeng Duterte.

Inilabas ito ni Parlade matapos sabihin ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan na walang ebidensiya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa inilalakong akusasyon nito sa mga grupong tulad ng Karapatan sa harap ng European Union (EU) noong nakaraang buwan. Bilang sagot inilabas ni Parlade ang nasabing mga dokumento at kahon, sa press conference sa Kampo Aguinaldo ng AFP kamakailan.

“Hindi ang AFP, hindi ang gobyerno ang nag-redtag sa kanila. Tingnan ninyo ang website ng Philippine Revolution Web Central. Tingnan ninyo ‘yung website ng ILPS (International League of Peoples’ Struggle). Tingnan n’yo rin yung website ng NDF (National Democratic Front) International. Lahat iyan, makikita ninyo ang mga pangalan nitong mga…Karapatan, Ibon (Foundation), Gabriela…itong mga Makabayan bloc…,” sabi ni Parlade.

Hindi niya ipinakita ang lahat ng ebidensiya. Pero ang ipinakita niya, isang halimbawa nito: print-out ng isang dokumento ng ILPS na nangungumbida sa mga organiasyon na dumalo sa isang asembleya ng ILPS. Pirmado pa raw ni Jose Maria Sison, tagapangulo ngayon ng ILPS, na tagapagtatag na tagapangulo ng CPP noong 1968. Ibig sabihin, porke inimbitahan na ng ILPS at ni Sison mismo ang naturang mga organisasyon sa asembleya nito, nakakatiyak ang AFP na “prente” na ang mga ito ng CPP.

Bahagi rin ng “ebidensiya” niya: isang kahon na may nakasulat na “Senate Inquiry on Jabidah Massacre April 3, 1968 by Sen. Ninoy Aquino”.

“Makakaasa ang publiko na ginastos nang mabuti ng Department of National Defense ang P3.9-Bilyong pondo nito sa confidential and intelligence funds,” pakutyang post sa Facebook ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, kasabay ng larawan ni Parlade na piniprisinta ang mga “ebidensiya”.

Malinaw na walang ebidensiya ang AFP. Gayunman, layunin ng press conference nito na bigyan-katwiran sa publiko ang paghiling sa EU na tanggalan daw ng pondo ang progresibong mga organisasyon. Kasama na rin sa layunin, siyempre, ang lalong siraan sa publiko ang naturang mga organisasyon—mga organisasyong pangunguna nga sa pagbatikos sa lantarang paglabag ng rehimeng Duterte at AFP sa karapatang pantao sa Pilipinas.

Nahusgahan na

Kakatwang sa mismong lugar na pinuntahan noong nakaraang buwan ng AFP at Presidential Communications Operations Office (PCOO) – sa lungsod ng Brussels sa bansang Belgium sa Europa – naganap ang isang pandaigdigang tribunal limang buwan ang nakararaan bago sila pumunta para ilako ang mga kasinungalingan sa EU.

Noong Setyembre 2018, nabuo ang International Peoples’ Tribunal (IPT) na nagdinig sa mga kaso ng paglabag ng karapatang pantao ng rehimeng Duterte (sa suporta ng gobyernong US ni Donald Trump). Nahatulan ng IPT na maysala si Duterte ng paglabag sa sibilpampulitika (civil-political) at sosyo-ekonomikong (socioeconomic) mga karapatan, gayundin ang karapatan sa sariling pagpapasya, ng mga mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga dininig ang malawakang pamamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga, ang mga pang-aabuso sa kondukta ng giyera kontra insurhensiya, mga paglabag sa karapatan ng mga mamamayan sa edukasyon, pabahay, proteksiyon sa mga migrante, kalikasan, paggalang sa kababaihan, at iba pa.

“Tulad ng iginigiit ng Sakdal, nagawa ng mga Nagreklamo (Complainants) na ‘magpakita ng ebidensiya na sangkot ang mga Akusado sa pamamagitan ng hayagan o di-hayagang pagtutulak ng mga hakbang na lumalabag sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino; o nananatili o mistulang tahimik o walang-imik sa pagtigil sa mga paglabag at sa gayo’y ipinagpapatuloy nila; o sistematiko o nakagawiang dikumikilos para maampat ang mga paglabag o ang kalagayan ng mga mamamayan,” sabi sa pinal na desisyon ng IPT na inilabas nito lamang Marso 8, 2019.

Isa sa mga rekomendasyon ng IPT ay pagsumite ng kopya ng desisyon nito at mga ebidensiya sa International Criminal Court (ICC), na nakabase sa The Hague, The Netherlands.

Noong Marso 17, umepekto na ang desisyon ng rehimeng Duterte na umalis sa saklaw ng ICC – isang taon matapos ideklara ito. Malinaw ang tunguhin nito: para iwasan ang pagpapanagot ng ICC sa mga paglabag ng rehimeng Duterte sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino. Inanunsiyo na ng ICC na ipagpapatuloy nito ang mga imbestigasyon (sa mga abuso sa giyera kontra droga, at sa mga abusong dininig ng IPT) sa rehimeng Duterte kahit na wala na sa ICC ang Pilipinas.

“Magpapatuloy ang independiyente at walang pinapanigang pangunang eksaminasyon ng aking opisina sa sitwasyon ng Pilipinas,” sabi ni Fatou Bensouda, tagausig ng ICC. Iginiit ni Bensouda na nasasaklawan pa rin ng ICC ang mga kaso sa Pilipinas na nangyari habang miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.

Samantala, nagpapatuloy din ang mga kampanya ng iba’t ibang organisasyon sa iba’t ibang bansa na nakikiisa sa paglaban ng mga mamamayang Pilipino. Kasama na rito ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), pandaigdigang koalisyon ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao sa Pilipinas. Isa sa mga susing kampanya ng ICHRP, sa US halimbawa, ay hikayatin ang kanilang gobyerno na iatras ang pampinansiyang suporta sa rehimeng Duterte

“Napakawalang hiya na, habang nagugutom, walangbahay, at walang sapat na pangangalaga sa kalusugan at akses sa edukasyon ang mga mamamayan ng US, pinopondohan pa natin ang mga rehimeng hayok sa dugo na umaatake sa mahihirap, sa katutubo, kababaihan at bata, at mga tagapagtanggol nila,” sabi ni Joy Prim, pinuno ng Solidarity Missions Working Group ng ICHRP-US.

Ang grupong Malaya Movement naman, isang kilusan sa US na pinagkakaisa ang lahat ng tutol sa diktadura at pasismo sa Pilipinas, ay mag-iisponsor ng isang National Summit for Human Rights and Democracy in the Philippines sa Abril 6-8, sa Washington DC, USA.

Lahatang panig na atake

Ilang araw bago at matapos ang pag-alis ng rehimeng Duterte sa ICC, dalawang pamamaslang agad ang naganap: Noong Marso 15, pinaslang si Jerome Pangadas, 15-anyos na estudyanteng Lumad, sa Talaingod, Davao del Norte; at noong Marso 18, pinaslang naman si Larry Suganob, isang lider-magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan.

“Harap-harapan nilang [pinapakita na] ang ito ang dahilan kung bakit umalis ang administrasyon sa ICC – dahil maysala ito sa pamamaslang ng sariling mga mamamayan, lalo na mula sa mardyinalisadong mga sektor na naggigiit ng matagal-nang-hinihiling na mga repormang panlipunan at pang-ekonomiya,” sabi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, tanda ng unti-unting paghihiwalay ng rehimeng Duterte sa mga mamamayang Pilipino at sa pandaigdigang arena ang pagbigwas ng rehimen sa iba’t ibang sektor na palagay nito’y kumokontra rito.

Isa na rito, siyempre, ang simbahang Katoliko, at iba pang simbahang Kristiyano. Nagpapatuloy ang mga atake ni Duterte sa simbahang Katoliko. Samantala, ang naturang simbahan, aktibo sa pagkontra sa giyera kontra droga ng rehimeng Duterte. Kahit ang mga plano ng rehimeng Duterte sa Manila Bay (katulad ng reklamasyon), aktibong tinututulan ng simbahang Katoliko.

Binibira rin ng rehimeng Duterte ang mga abogado, lalo na iyung nagtatangol sa karapatang pantao. Umabot sa 38 abogado na ang napapatay sa ilalim ng rehimeng Duterte, ayon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP). Kasama ang IBP at National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa mga nag-host ng International Delegation of Lawyers to the Philippines noong nakaraang linggo.

Inimbestigahan ng naturang delagasyon mula sa iba’t ibang bansa ang 13 kaso ng pamamaslang at atake sa mga abogado. Ayon sa kanila, malinaw na itinulak ng mga deklarasyon ni Duterte laban sa karapatang pantao at sa mga abogado ang pagtaas ng bilang ng mga atake sa mga abogado.

Noong nakaraang taon naman, idineklara ng ulat ng Global Witness ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan (human rights defenders). Noong 2017, naitala nito ang pagpaslang sa 48 human rights defenders, karamihan sa malalaking plantasyong agrikultural. Tinitingnan ng mga grupong pangkarapatang pantao na kasabay ng mga atakeng ito ang pagtindi ng mga proyektong mapanira sa kalikasan, tulad ng malawakang pagmimina at pagtatayo ng malalaking plantasyong agrikultural.

Kahit ang institusyon ng pananaliksik, ang Ibon Foundation, na siyang naglalabas ng mga kritika sa mga polisiyang pangekonomiya ng rehimeng Duterte, isinama ni Parlade sa sinasabing “prente” ng rebolusyonaryong kilusan.

“Inaatake ng administrasyong Duterte ang Ibon sa pagsasalita ng katotohanan,” sabi ni Africa. “Apatnapung taon nang inaaral ng Ibon ang mga isyung sosyoekonomiko at pulitikal para isulong ang demokrasyang Pilipino at karapatan ng mga mamamayan. Hindi kami takot sa administrasyong Duterte.”

Pinaiigting

Samantala, pinaiigting pa rin ng rehimen ang mga atake nito sa organisadong mga manggagawa na ginigiit ang kanilang mga karapatan.

Noong Marso 11, nagpiket ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) habang nagsasagawa rito ng pulong ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa mga ehekutibo ng DOLE. Nagbigay diumano ng oryentasyon ang NICA hinggil sa problema ng “komunista-teroristang (mga) grupo”.

“Kinokondena ng KMU ang walang-tigil na kampanyang paninira ng AFP at mga ahensiya nito sa intelihensiya para tawagin ang KMU at mga miyembrong unyon nito bilang teroristang mga organisasyon. Lehitimong mga organisasyon ng mga manggagawa ang aming mga miyembro unyon na nagtataguyod ng lehitimong mga paglaban at hinaing. Hindi terorismo ang unyonismo,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Noong isinusulat ang artikulong ito, pumasok ang balita hinggil sa ilegal na pag-aresto kay Eugene Garcia, pangulo ng unyon ng mga manggagawa sa Pioneer Float Glass Manufacturing Inc. (dating Asahi Flat Glass Corp.). Nagprisinta ang mga pulis ng search warrant sa kanilang bahay, at tinaniman siya ng baril dito kaya siya inaresto, ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

Malinaw, pagsalag sa tumitinding mga batikos at pagkondena sa rehimeng Duterte ang atake ng rehimeng Duterte sa karapatan ng mga mamamayan. Pero walang indikasyon na nagsasabing titigil ang mga pagbatikos at pagkondena sa rehimen. Sa pagtindi rin ng mga atake, lalong nagkakaroon ng dahilan ang mga mamamayan na paigtingin din ang paglaban.