Blangko

0
357

Hindi po ito blangkong espasyo pero “iyon” po ang ating paksa. Malabo po ba ang mensahe? Pasensya na po, pero ituloy lang sana natin ang pagbabasa. May opinyon ako, may opinyon ka. Mahalagang mapataas natin ang diskurso para tayo’y magkaisa.

Kung sabagay, hindi naman kasi kailangang maging kolumnista ka para makipagtalastasan. Sa panahon ng social media, madali nang magpahayag ng opinyon hinggil sa mga nangyayari sa buong mundo. At dahil madali na talagang makapaglimbag ng saloobin, kahit sino na lang ay nakakapagsulat ng sanaysay. (At puwede mo pa ngang sabihing kahit sino na lang ay nagiging kolumnista!)

Aray ko. Masakit mang aminin, nasa panahon tayong nabibigyan ng espasyo ang mga may alam at ang mga walang alam. Kung hindi natin susuriin ang mensahe ng awtor , hindi natin malalaman kung siya ba’y nagnanais talagang mag-ambag sa diskurso o nag-aambisyon lang na sumikat, kung hindi man magkaroon ng posisyon sa gobyerno.

May kolumnistang kailangang basahin, may kolumnistang hindi dapat seryosohin. May seryosong nagsusulat ng kanyang pinakahuling akda, may napag-iiwanan naman dahil sa bangkaroteng diwa. Saan kaya ilulugar ang isang kolumnista ng Philippine Daily Inquirer na si Richard Heydarian?

Aaminin ko, wala akong opinyon tungkol sa kalidad ng lahat ng mga artikulo niya dahil hindi ko regular na sinusubaybayan ang kolum niya sa wikang Ingles na Horizons. Pero kung naniniwala tayo sa kasabihang ang kahusayan ng isang awtor ay batay sa kanyang pinakahuling akda, marami tayong masasabi tungkol sa kanyang naging viral na sanaysay noong Hulyo 2.

Apat na salita lang ang titulo nito sa wikang Ingles: “Duterte’s independent foreign policy.” Sa halip na isang regular na sanaysay, blangkong espasyo lang ang makikita sa kanyang artikulo. Puwede mong sabihing ang mensahe ay wala talagang nagsasariling patakarang panlabas ang administrasyong Duterte. Kung medyo mapaglaro ang diwa, puwede mong isiping tinatamad lang ang awtor kaya nag-isip ng puwedeng mag-viral na titulo.

Muli, aaminin ko: Hindi ko pinansin ang blangkong artikulong ito mula sa mga post ng ilang kaibigang manunulat at aktibista sa kanilang social media accounts noong umaga ng Hulyo 2. Una, ilang beses nang ginawa ang blangkong sanaysay sa loob at labas ng bansa. Ikalawa, kahit na hindi ko sinusubaybayan si Heydarian, namo-monitor ko naman ang ilang mahahalagang pahayag ni Duterte. Ikatlo (at may kaugnayan ito sa ikalawang punto), marami kang masusulat tungkol sa “independent foreign policy” lalo na’t kung isasakonteksto mula pa noong 2016.

Sa puntong ito, kailangan kong maglinaw: Kung hindi ko pinansin noon, bakit ko dapat seryosohin makalipas ang ilang araw ngayon? Medyo nagulat kasi ako sa post ni Heydarian sa kanyang Facebook account noong Hulyo 2, 11:21 a.m. Ipinakita niya ang litrato ng kanyang blangkong kolum na may ganitong paliwanag sa wikang Ingles: “My longest column yet, analysing Duterte’s `independent’ foreign policy in light of the Reed Bank incident (may kasamang See-No-Evil Monkey emoji).”

Himay-himayin natin ang maikling paliwanag na ito. Walang problema kung gusto ni Heydarian na maging mapagbiro at sabihing mahabang artikulo ang isang sanaysay na blangko. Wala ring problema kung pinili niyang magsulat gamit ang British English (“analysing”) kahit na mas pamilyar ang maraming Pilipino sa American English. Maliliit na bagay lang po ang mga ito.

Pero medyo nagkakaroon ng problema sa paggamit ng isang emoji na ang posibleng mensahe ay “ayokong makita iyan” dahil nakakagulo ito sa mensahe. Ano ang ayaw makita? Sino ang ayaw makakita? Bakit ayaw makita?. Puwede mong sabhing maliit na bagay lang ito kumpara sa dalawang mas malaki pang problema.

Una, bakit kailangang ilagay sa mga panipi (quotation marks) ang salitang independent samantalang wala namang mga panipi sa titulo ng artikulo? Nagbabago ang kahulugan ng salita sa simpleng paggamit ng mga panipi. Isa po itong pamantayan ng pagsusulat sa peryodismo.

Ikalawa (at marahil ang pinakamahalaga), bakit kailangan pa ng paliwanag na tungkol sa insidente sa Reed Bank ang tinutukoy ng blangkong sanaysay? Kung walang pagbanggit sa Reed Bank sa titulo, ang magiging interpretasyon ng mga mambabasa ay hindi lang sa pinakahuling isyu kundi ang pangkalahatang administrasyon ni Duterte mula pa noong 2016.

Kung ang mensahe ni Heydarian ay hindi makita ang “independent” foreign policy dahil sa nangyari sa Reed Bank, iyon ang dapat na titulo ng artikulo (e.g., Duterte’s “independent” foreign policy in light of the Reed Bank incident, kung gagamitin ang mga salita niya sa wikang Ingles bagama’t puwede pang paikliin ang titulong ito). Pero kung ang mensahe niya ay wala talagang malinaw na independent foreign policy (walang mga panipi sa puntong ito), hindi epektibo ang blangkong sanaysay dahil maraming dapat ipaliwanag. Halimbawa, paano natin ilulugar ang inisyal na pahayag ni Duterte na hindi na raw “vassal state” ang Pilipinas, pati na ang mga nauna niyang mga kritikal na pahayag laban sa Estados Unidos?

Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang pagiging epektibo ng diskurso. Malaking kahinaan sa isang kolumnistang tulad ni Heydarian na kailangan pang ipaliwanag kung bakit niya ginawa ang isang sanaysay na hindi masyadong malinaw ang mensahe. Nang sinabi niya sa isang panayam na isang porma ito ng pagbibigay-pugay kay Conrado de Quiros (dating kolumnista ng Philippine Daily Inquirer) na gumamit din ng blangkong sanaysay noong 2004, ang tanong ko: Bakit may dagdag na namang paliwanag?

Sa sanaysay na The Death of the Author (1967), binanggit ni Roland Barthes ang kahalagahang hindi na dapat ipinapaliwanag pa ng isang manunulat ang isang akda. Bagama’t mas binibigyang-pansin niya ang literatura, sa tingin ko’y angkop din ito sa peryodismo. Para maging epektibo ang akda ng isang peryodista, kailangang malinaw ang paliwanag at paninindigan. Mahalaga ang konteksto at hindi dapat umasa sa mga mamamayan para saliksikin pa ang mensahe. Ang pagpapalalim kasi ay sa porma ng pagkilos ng mga mamamayan batay sa malinaw na mensahe.

Sa kaso ni Heydarian, may kahinaan ang titulong “Duterte’s independent foreign policy” kaya may posibilidad ng misinterpretasyon sa blangkong espasyo. Kung ikukumpara lang sa kanyang binigyang-pugay na si De Quiros, mainam na balikan ang titulo ng kanyang blangkong sanaysay noong Enero 5, 2004: “A list of things this country may look forward to over the next six years, from 2004 to 2010, under the administration of President Fernando Poe Jr. and Vice President Noli de Castro:”

Dahil sa kanyang kaalaman hindi lang sa peryodismo kundi sa literatura (makata rin kasi si De Quiros), nakaya niyang gamitin ang blangkong artikulo para ipahayag ang isang malinaw na mensahe. Maingat kasi niyang sinulat ang titulo sa paraang isinama pa ang tanda ng bantas na colon. Ang mahabang titulo ay puwede mong sabihing pang-contrast sa blangkong espasyo. Puwede mo ring sabihing ito ay “stream of consciousness” na ginagawa sa literatura para ipakita ang nilalaman ng pag-iisip ng may-akda.

Hindi na kailangang talakayin ang anumang kaalaman ni Heydarian sa peryodismo (kung mayroon man). Gusto ko kasing isiping ang mga katulad niya’y bukas pa rin sa kritisismong tulad nito. Pero may kailangang banggitin sa kanyang paraan ng pagsagot sa mga kritisismong ibinabato sa kanya.

Batay sa ilang social media posts, paulit-ulit na binanggit ni Heydarian ang kanyang mga libro’t artikulong inilimbag, pati na ang mga pangunahing personahe sa pandaigdigang antas na nakasalamuha na niya. Ang mga katagang “foreign policy is my thing” ay posibleng bigyan ng kulay na arogante at mayabang. Paano mo rin ba susuriin ang pangungusap na ito mula sa kanyang Facebook post noong Hulyo 4, 11:04 a.m. (na may kasama pang selfie hawak ang kanyang artikulo)? “Of all my writings on Duterte, including for The New York Times, Foreign Affairs and The Guardian among other leading global publications, not to mention half a dozen SCOPUS/ISI journal articles as well as my academic book on Duterte, this is perhaps my proudest moment.”

Wala namang problema kung sa tingin niya’y “proudest moment” ang kanyang blangkong sanaysay (kahit na mayroong hindi sumasang-ayon), pero kailangan pa ba talagang banggitin ang mahabang listahan ng kanyang publikasyon? Hindi ba puwedeng “Of all my writings on Duterte” na lang para mas maikli ang introduksiyon at mabilis na mabasa ang pangunahing mensahe? O baka naman ang nais na mensahe ay ang paulit-ulit na maipaalala kung sino siya at kung ano na ang kanyang mga “tagumpay”?

Ito siguro ang magpapaliwanag kung bakit sinagot niya, sa isa pang Facebook post, ang maraming Duterte Diehard Supporter (DDS) “bloggers and minions” na mas “academically published” siya kumpara sa kanila.

Medyo nakakabahala ang mga ganitong pahayag ni Heydarian sa hiwalay pang Facebook post: “I started writing my first internationally published academic book (praised by professors in Princeton, SOAS, and Rutgers inter alia) in my early 20s, and gladly delivered lectures (not pa workshop lang) in the world’s top 50 universities before the age you started grad school.”

Tila nawawala na tayo sa mensahe ng “independent foreign policy” at napupunta na kay Heydarian, partikular ang mga “tagumpay” niya. Siguro’y kailangan siyang paalalahanang walang lugar ang “credentials fallacy” sa pagsagot sa mga batikos. Hindi porke’t mataas ang pinag-aralan mo ay wala nang karapatang magbigay ng puna ang mga mambabasa. Kung biktima ka ng trolling at iba pang porma ng online bashing, mas mainam na huwag nang pansinin ang mga ito dahil ang paulit-ulit na pagbanggit ng “credentials” ng kolumnista ay magmumukhang pagyayabang.

Bagama’t epektibo ang blangkong espasyo kung nasa kamay ng mas kwalipikado, walang masama sa mahabang paliwanag para mapalalim ang konteksto.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Blangko appeared first on Bulatlat.