#BonifacioDay2018: Mga lunan ng alaala, mga lunan ng digma

0
442

“Bayad po, isang Monumento,” sabi ng mamang katabi ko sa bus noong isang araw.

Ngayon na lang, habang isinusulat ito, lubos kong naiisip ang konteksto at kasaysayan ng Monumento na natatagpuan sa dulo ng Edsa sa Caloocan.

Ang Andres Bonifacio Monument, idinisenyo ng National Artist na si Guillermo Tolentino at pinasinayaan noong 1933, ay pananda ng kabayanihan ng Supremo ng Katipunan at Ama ng Rebolusyong 1896. Malapit ito sa pook kung saan nangyari ang isang pagpupunit ng cedula (noo’y katibayan ng pagkamamamayan—o sa totoo’y pagkaalipin) ng mga rebolusyonaryo na naging hudyat ng simula ng rebolusyon.

Sa pundasyon ng 14-metrong monumento ay ang mga tansong istatwa ni Bonifacio at ng mga Katipunero. Paalala ng mga istatwa ang walang pag-iimbot na pag-alay ng buhay para sa Inang Bayang hawak ng dayuhang Espanyol.

Pero ang siyang dapat tingalain ay siya ngayo’y tahimik na tagamasid sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan. Binabanggit natin ang ‘Monumento’ bilang isang lugar, lunan o destinasyon, at hindi upang magbalik-tanaw sa ating kasaysayang puspos sa paglaban. Marahil ay abala na rin tayo sa pangkasalukuyan nating mga pakikihamok.

Kahit sa mga monumento ni Bonifacio ay matatagpuan natin ang mga eksena ng aktibong pakikibaka ng mamamayan ngayon magmula pa man noon.

Ang bantayog na ‘Diwa ng 1896’ sa San Juan ay ang lugar kung saan nangyari ang unang labanang pinamunuan ni Andres Bonifacio at ng Katipunan noong Agosto 30, 1896.

Noong 2010-2012 naman, matapang na itinayo ng mga residente ng Corazon de Jesus sa ilalim ng SAMANA (Sandigang Maralitang Nagkakaisa) ang barikadang bayan upang labanan ang demolisyon ng daan-daang kabahayan kapalit ng bagong, magarbong city hall ng lungsod na tinagurian ng mga nagpatayo nito na “White House.”

Malapit sa magarbong Ayala Cloverleaf Mall sa Balintawak ay isang maliit na parkeng inaalala ang kagitingan ng mga Katipunero; nakapuwesto sa isang bahagi ng parke ang istatwa ni Bonifacio. Noong 2016, sinalubong ng mga manininda ng Balintawak Market ang bagong taon ng mga protesta bilang pagtutol sa pribatisasyon ng palengke.

Ganoon rin ang ginawa ng mga maliliit na manininda sa Luneta, Manila Bay, at Divisoria na pilit paalisin sa kanilang mga puwesto dahil sa ‘clearing operations’ ng MMDA. Sa may Tutuban Mall sa Tondo District naman natatagpuan ang isang rebulto ni Bonifacio, na bagamat ikinlaro na ng mga istoryador na hindi sa Tondo ipinanganak si Bonifacio kundi sa Binondo, ay makabuluhan pa rin ang nasabing lugar.

Sa Tondo, partikular sa Calle Azcarraga (na ngayon ay Recto Avenue) itinatag ni Bonifacio ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892.

Magkalapit lang sa isa’t isa, ang Bonifacio Shrine (na ang opisyal na pangalan ay ‘The Life and Heroism of Gat Andres Bonifacio’) at ang Liwasang Bonifacio sa Ermita ay parehong niyari ng gobyerno ng Maynila upang bigyang-pugay ang kinikilalang bayani ng lungsod. Sa kasalukuyan ay pareho silang lunsaran ng mga malalaking protesta.

Sa mga espasyong ito kolektibong iginigiit ng mamamayan ang kanilang mga pundamental na karapatan sa lupa, trabaho, edukasyon, soberanya, katarungan, at hustisyang panlipunan.

Dahil sa totoo lang, may digmaan pa rin sa kasalukuyan. Nagpapatuloy ang rebolusyon, tangan ng mga modernong bayaning hinahangad na mabawi ang lupa ng mga magsasaka, mapagtagumpayan ng mga manggagawa ang maayos na kalagayan sa paggawa, makamit ng kababaihan ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa larangan ng ekonomya, pulitika, at kultura, maabot ng kabataan ang kalidad at libreng edukasyon, at mapasakamay ng Inang Bayan ang matagal nang dapat sa kanyang kalayaan.

Sa katunayan nga, kasabay ng pagbunyi sa ika-54 anibersaryo ng Kabataang Makabayan na alinsunod sa ika-155 kaarawan ni Bonifacio, ginunita rin natin ang mga martir sa ngalan ng pambansang demokrasya, noon hanggang ngayon.

Nag-iba man ang mga katangian ng ating pakikibaka, ngunit pundamental na suliranin pa rin ang pagkakait sa atin ng kalayaan ng dayuhang mananakop. Ang 333 naghari ang kolonyalistang Kastila sa bansa ay tinapos ng rebolusyong pinamunuan nina Bonifacio. Pero hindi nakumpleto ang ating kalayaan sa pagdating ng bagong mananakop at pagtataksil ng mga mayayaman, negosyante’t intelektwal na nakahanap ng pakinabang sa imperyalistang US. Lagpas na sa 100 taon ang kanilang paghahari sa bansa.

Sa mga ganitong pagninilay bumubulong ang hamon ni Bonifacio sa kabataan:

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?…

Sa susunod na tayo’y dumaan sa Monumento at sa iba pang mga rebulto ni Bonifacio, nawa’y gunitain natin ang kabayanihan ng mga nauna sa atin, at pagnilay-nilayan ang ating hinaharap.

Bilang sagot sa hamon ni Bonifacio, kinakailangan lang nating tumingin sa repleksyon sa bintana ng bus.

The post #BonifacioDay2018: Mga lunan ng alaala, mga lunan ng digma appeared first on Manila Today.