Boses ng Galit na Maralita

0
249

Balewala kay Carlito Badion ang ispeling ng kanyang palayaw. “Pwede pong Karlet o Karlets. Pwede pong C o K sa simula. Pwede ring S o Z sa dulo,” pabiro niyang pakilala sa isang miting.

“Huwag lang pong lalagyan ng H,” hindi pa dahil kadalasang ginagawa at idinidikit ito sa mga maralitang tulad niya. “Nakakasamid kasi bigkasin. Kharletz.” Tawanan. Doon pa lang, alam mo nang masayang karakter ang kausap mo.

Ngayon, sa pagkamatay niya, iba-iba ang ispeling ng palayaw niya sa social media. Hindi na ito alintana ng marami; mas tawag-pansin kung paano siya namatay.

Ayon sa grupong Kadamay, o Kalipunan ng Damayang Mahihirap, organisasyon ng mga maralitang lungsod, dinukot si Badion, 52, sa kanyang kubo sa Ormoc City nitong Mayo 26. Natagpuan ang kanyang bangkay noong Mayo 28, “puno ng sugat at may tama ng bala” sa isang tabing-dagat, “nakalibing nang mababaw sa buhangin.”

Naging manggagawa sa isang pabrika ng tela si Badion. Kasaping tagapagtatag siya ng Kadamay noong 1998, at residente siya ng Payatas nang maganap ang pagguho ng basura noong 2000. Ang kamulatang nakuha niya sa trahedya at sa tulong ng Kadamay, dala niya hanggang sa relokasyon sa Montalban, Rizal.

Paglaon, nagpasya siyang kumilos nang buong-panahon sa organisasyon. Dahil sa komitment na ipinamalas sa sipag at sigasig, at dahil sa talas sa pagmumulat sa kapwa-maralita, naging pambansang lider siya ng grupo. Ngayon, pambansang pangkalahatang kalihim siya ng Kadamay.

May kapansanan din siya, umiika-ika maglakad, dahil sa polio. “Kapag tinatanong ako kung ano ang tangkad ko,” biro niya, “ang sabi ko, 5’3-5’4. Paiba-iba eh.”

Ayon kay Joseph, nakasama sa gawain, mahalaga si Badion sa muling pagsigla ng pambansang tanggapan ng Kadamay at kilusang mala-manggagawa. Bagamat dati nang kasapi, sinalubong niya ang mga bagong kasapi, lider, at plano. Nagsimula siya sa gawaing teknikal: pagpipinta ng mga poster at balatengga at pagmamaneho ng “Bata Bus,” sasakyang pamprotesta ng Kadamay. Sinubukan siyang pagturuin ng mga pag-aaral, naging mahusay, at hinirang na tagapagsalita. Ang una niyang pagsasalita sa publiko, sa harap ng mga biktima ng bagyong “Ondoy” sa Ultra noong 2009.

Taglay niya ang mga katangian ng mga progresibong lider-anakpawis. Tulad ni Crispin “Ka Bel” Beltran na lider-manggagawa, masipag at matapang siya, laging nasa laban ng mga lokal, kadalasan sa demolisyon ng mga komunidad. Tulad ni Medardo “Ka Roda” Roda na lider ng mga tsuper, magiliw siya at palabiro sa mga kapwa-aktibista at masa. At tulad ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida na naging tagapangulo ng Kadamay, kapag pinagsalita siya sa publiko, siya ang matalas na boses ng makatarungang galit ng maralita.

Pakikipag-ugnayan ni Karletz sa midya, hinggil sa isa sa mga demolisyon sa Kamaynilaan noong 2013.

Pakikipag-ugnayan ni Karletz sa midya, hinggil sa isa sa mga demolisyon sa Kamaynilaan noong 2013.

Panahon pa ni Noynoy Aquino, laman na ng mga pulong at usap-usapan ng mga aktibista ang tuluy-tuloy na pagdikit at pagharas kay Badion. Sabay na pinagbantaan siya at ang pamilya niya, at inalok ng sweldo at mga gamit para “makipagtulungan.” Ang gusto, isiwalat niya ang mga plano ng organisasyon at magturo ng mga organisador at kapwa-aktibista.

Tumanggi siya, makailang-ulit. Pagkatapos, ang militar na noo’y lantad na kumakausap, nagbabanta at nanghihimok sa kanyang maging paniktik, ay hindi na nagpakilala at tumodo na sa pananakot. Ayon sa Kadamay, “nitong huli,” sa panahon ni Rodrigo Duterte, “muling nakatanggap [siya] ng mga serye ng pagbabanta.” Patraydor na pinatay si Badion, pero malinaw sa kwento ng buhay niya kung sino ang mga salarin.

Katulad ng mga ktibistang sina Jory Porquia ng Iloilo at Allan Aguilando ng Northern Samar, pinaslang si Badion sa panahon ng quarantine at lockdown bunsod ng pandemyang Covid-19.

Tiyak, bahagi ito ng mga oplan ng gobyerno para durugin ang kilusang Kaliwa, sa tabing ng pagpapahina sa mga rebeldeng Komunista at sa mga pinagbibintangang prente nito.

Pero parte rin ito ng pagtatangka ng rehimeng Duterte na takutin at pahinain ang hanay ng mga kritikal rito, kasama ang dumaraming mamamayan. Lalo itong nagiging mabangis ngayon sa gitna ng pandemya dahil nalantad ang kriminal na pagpapabaya nito sa buhay ng mga Pilipino.

Nangunguna na ngayon ang “Covid-19” sa “China,” “TRAIN” at iba pang isyu na bulnerabilidad ng rehimen. Pwede sigurong isipin na bago ang pandemya, mailulusot ng paksyong Duterte ang pananatili sa pwesto lampas 2022. Mahihirapan, pero mailulusot, magagawang kapani-paniwala. Pero dahil sa pagharap nito sa pandemya, parang pineste na rin ito sa pagdami at paglakas ng mga galit at tumutuligsa.

Pinaslang si Badion sa bisperas ng pagluluwag sa lockdown sa Kamaynilaan at buong bansa. Gitna ng Marso, nagpataw ng lockdown pero walang ginawang malawakang siyentipikong pag-alam at paggamot sa sakit. Bungad ng Hunyo, dahil umaaray ang ekonomiya, pababalikin na sa trabaho ang marami, isusubo sa panganib ang sambayanan.

Karletz, Nanay Mameng Deunida at Nanay Leleng Zarzuela -- mga lider-maralita

Karletz, Nanay Mameng Deunida at Nanay Leleng Zarzuela — mga lider-maralita

Hindi na nga nilulunasan ng rehimen ang problema, gagawin pa itong mas malala. Sa “new normal,” mas malamang na mas dadami pa ang maysakit at mamamatay, at sa gayo’y ang galit at diskuntento. Magkakaroon din ng kalagayan para sa mas masiglang sama-samang talakayan at pagkilos para sa mga nararapat na hakbangin ng gobyerno at pagpapanagot sa rehimen.

Hindi kataka-taka, halos kasabay ng pagpaslang kay Badion, iniratsada ng Kongreso ang Anti-Terrorism Bill, na magpapalawak ng kapangyarihan ng rehimen na supilin ang mga kritikal rito, gamit ang palusot na paglaban sa terorismo. Maraming lider-aktibista rin ang nakatanggap ng pagbabanta sa buhay. Sa kamay ng rehimeng Duterte, ang “bagong normal” ay gagawing “Bagong Lipunan” ng diktadurang Marcos.

Umaasa ang rehimeng Duterte na sa pagpatay sa mga tulad ni Badion at sa pag-atake sa mga nangungunang kritiko nito, matatakot at aatras sa pananahimik ang malawak na masa na kritikal kung hindi man galit dito.

Pero napakarami at napakagrabe na ng krimen nito sa bayan, at patuloy pa ang mga ito. Dumami ang mahihirap at napakarami ng pinatay at namatay. Bumaha ng kasinungalingan at pag-insulto sa bayan. Makatwiran ang galit ng marami, at nagbabanta itong maisalin sa pagkilos.

Inspirasyon si Carlito Badion ng bayang naghahanap ng katarungan at pagbabago. Niyakap niya ang hirap at sakripisyo ng buhay-aktibista, tinalikuran ang pagpapaangat sa mahirap na buhay ng sarili at pamilya. Hindi niya inalintana ang panunuhol at pananakot ng militar. Sa dulo, nag-alay siya ng buhay para sa pangarap na malaya at masaganang bayan.

Sa paraan ng pagpatay sa kanya, gusto siyang palabasing basura o walang kwenta — siyang lider ng kilalang organisasyon ng mga maralitang lungsod, na isa sa pinakainiinsulto at minamaliit na sektor sa bansa.

Pero higit sa kung paano siya pinatay, mas maaalala ang mga dakilang prinsipyong tinanganan niya, kung paano siya marangal at matapang na nabuhay, at ang kabulukan ng lipunang nagtulak sa kanyang lumaban.

Maralita siya, karaniwang tao. Pero sa tinanganan niyang prinsipyo at pakikibaka, bayani siya ng sambayanan — hindi pangkaraniwan na nagiging karaniwan.

Pumanaw siya pero nananatiling buhay ang sistemang nagluluwal ng mga aktibistang katulad niya at ang kilusang nagpapanday sa kanila. Sa puso at isip nila, patuloy siyang mabubuhay.

Sumisigaw sila ng “Katarungan!” at ng “Pagpupugay!”

01 Hunyo 2020