BPO workers sa bingit ng pandemya

0
243

Isa ang business process outsourcing (BPO) sa mga industriyang nagpatuloy ng operasyon sa Kamaynilaan noong enhanced community quarantine (mula sa community quarantine) dahil sa coronavirus disease-2019 (Covid-19), noong Marso. Inter- Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) pa ang nag-anunsiyo noong Marso 16 na “lahat ng BPO ay mananatili ang operasyon” kahit ECQ.

Sa unang tingin, parang mapalad ang mga manggagawa sa BPO kumpara sa milyun-milyong “no work, no pay” na mga manggagawang nawalan o tumigil ang trabaho dahil sa lockdown.

Pero samu’t saring perwisyo’t pagsasamantala pa rin ang kanilang nararanasan, bukod pa sa panganib na makakuha ng Covid-19.

Buhay o trabaho?

Sa lockdown sa Luzon at sa ibang parte ng bansa, nailagay sa mahirap na sitwasyon ang BPO workers: Isasalang ba nila ang buhay dahil sa panganib ng Covid-19 o mananatili sa bahay pero walang sasahurin o baka masipa pa sa trabaho?

“Nakakagalit na sa gitna ng krisis, ang mga ordinaryong tao kasama ang aming mga kapwa-manggagawa sa industriya ng BPO ay iniiwang desperado sa maaaring mga pagpilian. Sa aktuwal, ito’y isang walang-pagpipiliang sitwasyon dahil kailaman namin mabuhay,” ani Mylene Cabalona, presidente ng BPO Industry Employees Network (BIEN).

Sa unang mga araw ng lockdown, malaking bilang pa rin ng mga manggagawa na inobligang pumasok sa site. Dahil suspendido sa ECQ ang pampublikong transportasyon, pahirapan ang pagpasok. “Ang mga manggagawang hindi makapasok ay napipilitang gamitin ang kanilang limited leave credits para maseguro na magkakaroon sila ng kita dahil sa kalakhan ng mga kumpanya ay nagpapatupad ng no work, no pay scheme,” ani Cabalona.

Work from home

Di rin awtomatiko sa mga kompanya ang work-from-home na iskema noong ECQ. Ani Julie (di-tunay na pangalan), empleyado sa kompanyang Task Us, bago ang lockdown ay nag-email na sa mga empleyado ang kanilang chief executive officer na nagsabing di-posible ang work-from-home dahil umano sa “security purposes”. Pero ilang araw bago ipatupad ang lockdown, laking gulat ni Julie na inaprubahan na ng manedsment na makapagtrabaho sila sa kanilang bahay.

Pero ayon sa BIEN, hindi lahat ng kompanya ay nagpahiram ng kagamitan at internet services para makapag-work-from-home ang kanilang mga empleyado. Ani Cabalona, may ilang kompanya na nagpahiram lang ng computer habang ang iba nama’y nagbibigay lang ng internet allowance at bahala na ang empleyado sa gagamiting computer.

Ilang araw bago ang lockdown, sinubukan umano maghanap ni Julie ng mahihiramang laptop. Aniya pa, Marso 19 na nang makuha niya ang ipinahiram na kagamitan ng kompanya. Pero marami siyang kasamahang matagal bago nadeliber ang kagamitan mula sa opisina. “’Yung iba, inabot na nang isang buwan matapos ang lockdown bago napadalahan ng equipment.”

Isa pa sa problema ni Julie noong panahong iyon ang matutuluyang bahay na may istableng internet. Kinailangan pa niyang makituloy sa bahay ng kasamahan sa Maynila dahil walang internet connection sa kanilang bahay sa Quezon City. At dahil walang electricity at internet allowance mula sa kompanya, nag-aambag si Julie sa bayarin ng tinutuluyang bahay na hinuhugot sa kanyang sahod. Nakatatlong lipat na siya ng tinuluyang bahay mula Marso hanggang nitong Hunyo.

Sa kaso naman ni Itoy (di-tunay na pangalan), nagtatrabaho sa Inspiro, araw-araw siyang pumapasok sa opisina, kahit ECQ. Aniya, mayroong P300 na hazard pay (ipinatupad lang noong ECQ), libreng pananghalian at shuttle service, sa piling pickup point, para sa mga pumapasok sa opisina. “Kaya naman pala nilang ibigay ang mga ito, hinintay pang magkaroon ng pandemya.”

Sabi pa ni Itoy, hirap sila sa pagsalo sa trabaho ng ibahindi nakakapasok. “Inoobliga ang iba na pumasok, pero dahil ‘di na rin kaya sa pangamba sa kalusugan, napilitan na silang (kompanya) magpa-work-from-home at ang iba ay p’wedeng mag stay on-site,” ani Itoy. Sa piniling mga magtrabaho sa bahay, wala umanong internet at electricity allowance nung una. Ibinigay na lang ito noong ipinatupad na ang general community quarantine (GCQ) sa Kamaynilaan.

Higit pa, sinalamin ng kaaba-abang kalagayan ng naka-stay-in na mga manggagawa sa Teleperformance-Cebu. Batay sa nag-viral na mga larawan sa social media noong Abril, makikitang ginawang tulugan ang mga bahagi ng opisina ng naturang kompanya na hindi papasa sa physical distancing at iba pang protocol kontra-Covid-19. Ayon sa BIEN, ito anila’y “subhuman” na kalagayan ng 116 manggagawa ng nasabing kompanya ng BPO ay hindi natatanging kaso. Sa mga ulat sa grupo, may mga manggagawa labas sa Teleperformance Cebu na nakakaranas din ng katulad na kalagayan.

Floating status

Unti-unti nang binuksan ang ekonomiya noong Hunyo. Kasabay ng panunumbalik ng regular na operasyon sa mga BPO ang mga kaso ng mga empleyado na may floating status at mas malala pa’y tinatanggal sa trabaho.

Sa isinagawang online na sarbey ng BIEN noong Mayo 19 hanggang Mayo 26, mayroong apat sa 10 manggagawa sa BPO ang nasa floating status. Kasama sa dahilan ng kanilang “temporaryong” pagkakatanggal sa trabaho ang hindi makapasok sa opisina bunsod ng kawalan ng transportasyon at mahigpit na pagpapatupad ng lockdown, o mga problema sa work-from-home tulad ng kawalan o mahinang internet connection, kakulangan sa kagamitan o dahil hindi talaga pumayag ang kanilang kompanya sa kaayusang work-from-home.

Ayon naman kay Donna, isang superbisor sa isang kilalang kompanya ng BPO sa Quezon City, ilang linggo lang matapos ng lockdown, itinutulak na ng kanilang manedsment ang forced leave sa mga empleyado kahit pa sa mga nag-work-from-home. Kalagitnaan ng Mayo, nag-isyu muli ang manedsment ng kautusan na magtanggal ng empleyado dahil hindi na raw kayang magpasahod ng kompanya sa dating bilang ng manpower nito.

Sa pinagtatrabahuan naman ni Itoy, may kategoryang “stay at home” o ang mga walang suweldo dahil hindi pa nais pumasok sa opisina ngunit nananatiling nakaempleyo sa kompanya.

Ipinanawagan ng BIEN sa mga kompanya ng BPO na itigil ang gawing floating ang status kanilang mga manggagawa habang tumatanggap ng mga bagong ahente. Kaakibat nito iginiit ng grupo ang pagbibigay ng additional paid leave ang mga empleyado at bigyan ng ayuda ang mga manggagawa sa BPO at sa iba pang industriya na nawalan ng trabaho.