Buháy ang karapatang magprotesta

0
254

Hindi isinasawalang-bahala ang karapatang pantao kapalit ng pagpuksa ng sakit at paglaban sa pandemya. Ito ang kabuuang mensahe sa libu-libong protestang nailunsad sa buong mundo sa kabila ng banta ng coronavirus disease (Covid-19).

Hunyo 4 nagtipon ang daan-daang Taiwanese para alalahanin ang masaker sa Tiananmen Square, 31 taon na ang nakalipas. Ang kaiba ng taong ito sa mga nakaraang taon, nakasuot ng face mask ang mga nakilahok. Isa ang Taiwan sa kinikilala ng buong mundo bilang bansang matagumpay sa tugon kontra-pandemya.

Sa kabilang panig naman ng mundo, sa Estados Unidos, Mayo 26 nang magsimula ang malawakang panawagan para mabigyang hustisya si George Floyd, biktima ng brutal na pamamalakad ng pulisya. Tinatayang nasa higit 4,000 ang nagrali para sa #BlackLivesMatter simula noon hanggang ngayon.

“Ang paalala lagi ay ‘manatil sa bahay hangga’t maaari, pwera na lang kung lubhang kailangan ang gawain (essential activity),” giit ni Eleanor Murray, Boston University epidemiologist sa kanyang panayam sa Vox ukol sa mga protesta sa US. Ang epidemiology ay sangay ng pag-aaral na nakatutok sa pagkalat ng sakit at pagkontrol nito.

“Pero ang konsepto ng essential activity ay hindi siyentipiko, ito ay karunungang panlipunan,” paliwanag niya, “At para sa marami, lubhang kinakailangan ang pagprotesta laban sa karahasan ng pulisya.”

Ganito rin ang eksena sa Pilipinas. Nariyan ang protesta para sa Pride March, laban sa pinasang Anti-Terrorism Act, para sa kalayaan sa pamamahayag, para sa suporta sa mga healthcare worker, at pangkalahatang panawagan para kilalanin ang karapatan ng mga mamamayan, hindi “sa kabila ng pandemya” pero “higit lalo ngayong may pandemya”.

#SONAgkaisa protesta sa UP Diliman noong Hulyo 27. Kodao Productions

Protesta para sa ikabubuhay

Sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), “buhay muna bago lahat.”

Kasama kaya rito ang buhay ng mga residente ng Sitio San Roque, na noong Abril ay nagprotesta para makatanggap ng ayuda? Dahil sa naging lockdown at pagkawala ng trabaho, kinailangan ng suporta ng maraming komunidad. Daan-daang litrato ng mga Pilipinong namamalimos ang naglipana sa social media.

Ang nakuhang agarang tugon ng mga residente ay pagkakakulong ng 21 sa kanila. Noong Hunyo naman, nagprotesta ang anim na tsuper sa Caloocan City. Idiniretso sila ng pulisya sa presinto. Matapos ang naging pag-aresto sa binansagang Piston 6, nagpositibo sa Covid-19 ang dalawa sa kanila.

Sa hearing sa Kamara upang pag-usapan ang mga Pilipinong istranded at hindi pa makabalik sa probinsiya, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Debold Sinas na “kung puwede ’wag na talaga sanang magrali. Kasi ’pag nagrarali sa kalsada, mahaharangan ’yung naglalakad at tsaka dagdag trabaho.”

Ang mga nagdaang protesta sa Metro Manila at pati na rin sa ibang bahagi ng Pilipinas, kadalasa’y inilunsad sa mga freedom park tulad ng Commission on Human Rights, mga unibersidad, at tarangkahan ng mahahalagang opisina.

Ganumpaman, may ilang protesta pa rin ang hinadlangan ng pulisya, o di kaya’y inuwi sa pagkakulong, tulad ng lang ng nangyari sa University of the Philippines (UP) Cebu.

Isa sa mga batas na ginagamit laban sa mga nagprotesta ang Batas Pambansa (BP) 880. Kung titignan ang deklarasyon ng polisiya nito, nakalagay dito na mahalaga para sa ikatitibay ng Estado ang konstitusyonal na karapatan ng mga tao na mapayapang magtipon at humingi sa gobyerno ng tugon sa mga isyu at problema.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers, walang batas ang nagbabawal ng protesta sa panahon ng pandemya. “Walang probisyon na nagsasabing pwede mang-aresto sa simpleng pagparatang na may nilabag na ‘mass gathering o quarantine rules’,” anila.

Kasama sa mga naglunsad ng protesta sa bansa ang mismong healthcare frontliners, sila na inaasahang manguna sa pagtugon sa pandemya.

Halimbawa na nito ang naging protesta ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Employees Association na kabilang sa Alliance of Health Workers (AHW).

Protesta ang isa sa mga paraan para maipaabot ng healthcare workers na dumarami na ang nagpopositibong frontliner at marami pang iba ang sumusuko ang katawan dahil sa hindi makataong oras ng pagtatrabaho para matugunan ang kakulangan sa tao.

Protestang Black Lives Matter sa Charlottesville, Virginia, USA. Jake Vanaman/Wikimedia Commons

Pagkilala sa halaga ng protesta

Itong pagprotesta, na tinitignan ng pulisya bilang dagdag-trabaho sa kanila, o kaya’y bahagi raw ng problema, ay isa sa mga mahalaga at libreng daluyan ng daing ng publiko. Maging ang World Health Organization ay kinikilala ito.

Ayon sa kanila at sa ibang eksperto, dahil “open-air” ang protesta, mas mababa ang tiyansa malanghap ang hindi madaling makitang mga patak na naglalaman ng virus. Nakatutulong raw ang sariwang hangin at sikat ng araw kung sasabayan rin ng pagdistanya at pagsuot ng mask.

Sa pagtatasa ni Dr. Monique Tello ng Massachusetts General Hospital at Harvard Medical School, mababa ang infection rate sa mga protesta doon. Aniya, ito’y dahil sa labas ginanap ang mga protesta at kadalasan naman, sumusunod sa physical distancing at pagsuot ng mask ang mga nakikilahok.

May ilang pag-aaral rin siyang nabanggit, tulad ng contact-tracing assessment sa Taiwan noong Mayo 1. Sa pananaliksik na ito, lumabas na karaniwang nangyayari ang hawaan sa mga taong nagkakaroon ng ugyanan ng higit 15 minuto sa loob ng mga gusali.

Wala pang nailalabas na ganitong contact tracing assessment ang DOH para sa Pilipinas para suportahan ang kuro-kuro ng ilang opisyal na protesta ang nagpaparami ng kaso ng Covid-19 sa bansa.

Pero paalala ni Dr. Tello, pati na rin ng iba pang eksperto, mababa man ang tyansa sa panghahawa, kinakailangan pa rin mag-ingat ng mga lalahok sa protesta. Ilan sa mga nilista niyang paraan ay ang pananatili ng distansya sa isa’t isa, paggamit ng alcohol-based sanitizer habang nasa labas, at agarang paghugas ng kamay gamit sabon at tubig pagkauwi.

“Panatilihin ang distansya mga kasama!” ay pangkaraniwang linya na nitong mga nakaraang buwan.

Tuwing maglulunsad ng malawakang protesta ang mga progresibong grupo, bahagi na ng anunsyo ang mga paalala para manatiling ligtas sa protesta. Inaagahan rin ng mga organisador sa lokasyon para makapaglagay ng mga marka sa sahig o kaya naman ay mga tali bilang gabay.

“Kailangan nating tutulan ang taliwas na mga ‘community quarantine’ na hindi nakaangkla sa siyensiya at ginagamit lang para patahimikin ang mga tao,” sama-samang panawagan ni Dr. Gene Nispersos, Dr. Geneve Rivera-Reyes, at iba pang healthcare worker.


Featured image: Protesta sa libig ni George Floyd, Aprikano-Amerikanong biktima ng rasistang pulisya, sa Minneapolis, Minnesota, USA. Wikimedia Commons