China, umuusbong na imperyalista

0
406

“Pinakarespetadong kaibigan ni Xi Jinping.”

Sa ganitong paraan inilarawan ni Wang Yi, Foreign Minister ng People’s Republic of China si Pangulong Duterte, nang bumisita siya sa bansa noong Oktubre. Sa kanyang bisita, dumalo si Wang sa pagpapasinaya sa bagong konsulado ng China sa Davao City. Nakipagpulong siya sa bagong Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at economic managers ng rehimeng Duterte. Dumalo pa nga siya sa birthday party ni dating Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano.

Hindi ito kataka-taka. Mula nang maupo sa puwesto si Duterte, maingay na niyang idineklara na magiging malapit ang gobyerno ng Pilipinas sa China. Noong una, sinabi ni Duterte na paiinitin niya ang relasyong Pilipinas-China habang tatalikuran na ang relasyon ng bansa sa Estados Unidos (US). Hindi man nangyari ang sinasabing pagtalikod sa US, tila ang dinedebelop na relasyon ng rehimeng Duterte sa China ay katulad ng mahigit-isang-siglo nang relasyon ng Pilipinas sa US.

At ang relasyong ito, malinaw na di-pantay. Malinaw na relasyon ito sa pagitan ng imperyalista at pinaghaharian.

Pagdating ng imperyo

Inaasahan ng rehimeng Duterte na iigting lang ang relasyong ito sa pagdating ngayong linggo sa bansa ni Xi Jinping, pangulo ng China.

Ang dahilan ng pagpunta ni Xi: ang pagpirma ng Official Development Aid (ODA) na utang ng gobyerno ng Pilipinas (na babayaran ng mga Pilipino) para sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam at iba pang proyektong Build Build Build.

Protesta ang gustong isalubong ng maraming mamamayan sa pagbisita ni Xi. Kabilang sa mga kumokondena sa pagbisita ang mga apektado ng panghihimasok ng China sa West Philippine Sea at mga proyektong Build Build Build na pinopondohan (at pagkakakitaan) ng mga naghaharing uri ng bansang ito.

Tinatayang aabot sa 100,000 katao ang maaaring mailagay sa panganib ng pagtatayo ng Kaliwa Dam, na ipupuwesto sa lugar ng dalawang fault linesPhilippine Fault Zone at Valley Fault System. Ibig sabihin, nasa lugar ang naturang planong dam kung saan posibleng apektado ng malaking lindol. Sa kabila nito, itinutuloy pa rin ng rehimeng Duterte ang plano. Kinakatawan din ng naturang proyekto ang lumalaking pamumuhunan ng China sa Pilipinas – ang pagpasok ng rehimeng Duterte sa mga kuwestiyonable o di-pantay na mga kasunduan sa China.

Binalewalang desisyon

Samantala, patuloy na pinalalampas nito ang pagtindi ng militarisasyon ng umuusbong na imperyalistang bansa sa West Philippine Sea.

Matatandaang noong Hulyo 2016, nagwagi ang gobyerno ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands na nagdesisyong walang karapatan ang China sa malaking bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea, lalo na iyung sakop ng tinatawag nitong “nine-dash line” na nagdedeklarang halos ang buong karagatang ito ay bahagi ng China.

Pero hindi kinilala ng China ang naturang desisyon ng arbitral court. Ang masama pa, sa pagpasok ng rehimeng Duterte, tila binalewala nito ang tagumpay na nakamit ng Pilipinas sa korte (kasi Pilipinas ang nagsampa ng kaso laban sa China, bago pa man umupo sa puwesto si Pangulong Duterte). Sa pag-upo ni Duterte sa puwesto, hindi ito gumawa ng mapagpasyang hakbang para igiit ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Noong nakaraang buwan, pumayag ang rehimeng Duterte sa joint exploration o sabay na eksplorasyon ng dalawang bansa sa West Philippine Sea. Ayon sa mga eksperto sa isyu, mistulang pagpapalakas ang naturang hakbang sa  posisyon ng China na angkinin ang naturang bahagi ng dagat.

“Sa pagpayag sa China na magsasagawa ng eksplorasyon sa karagatang ilegal na sinasakupan nito, bukas na kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas ang absurdong historical claim (ng China),” sabi ni Fernando Hicap, tapagangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya). “Nilamon na ng China ang mga rekursong marino (doon) lalo na sa Scarborough Shoal kung saan regular na nangingisda ang mga mandarambong na Tsino.”

Ngayon, ayon kay Hicap, plano nang dambungin ng China ang mga reserba ng natural gas sa West Philippine Sea. Aniya, “katrayduran” ito sa bahagi ng rehimeng Duterte.

Pamumuhunan ng China

Ano ang katangian ng pamumuhunan ng China sa Pilipinas at bakit masasabing di ito pabor sa interes ng mga Pilipino?

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, papalaki nga ang lagak ng pamumuhunan (foreign direct investments o FDI) ng China sa Pilipinas. Umabot ito ng US$1.043-Bilyon sa ilalim ng dalawang taon lang (Hulyo 2016-Hulyo 2018) ng administrasyong Duterte kumpara sa US$1.231-B sa kabuuan ng termino ni Aquino at US$825-Milyon ni Arroyo. Sa unang semestre ng 2018, nilampasan ng US$175-M FDI ng China ang US$154-M FDI ng Japan at US$84-M FDI ng US.

Samantala, lumobo ang ODA ng China mula US$1.5-M lang noong 2016 tungong US$63.5-M noong 2017. Ayon sa Ibon, dahil pag-aari ng gobyerno ang pinakamalalaking kompanya (state-owned enterprises o SOEs) mistulang pribadong pamumuhunan pa rin ang ODA na inaasahang pagkakakitaan ng malalaking monopolyo-kapitalista na nasa loob ng gobyerno o namumuhunan sa mga kompanya ng gobyernong Tsino.

Wala umanong datos kung saang sektor ilalagak ng China ang FDI nito, ayon sa Ibon. Gayunman, maihahati ang naturang pamumuhunan ng China sa malalaking proyekto, tulad ng imprastraktura sa ilalim ng Build Build Build, at maliliit na mga empresa, tulad ng mga negosyo sa loob ng special economic zones sa Pilipinas. Di hamak umanong mas maraming maliliit na empresa ng China sa Pilipinas. Pero may estatehikong halaga ang mga imprastakturang ipinapatayo na pinopondohan mula sa utang sa China.

Kabilang sa mga proyektong popondohan ng China: sa transportasyon, PNR South Long Haul, Subic-Clark Railway, at Mindanao Railway; sa tubig at irigasyon, Chico River Pump Irrigation Project, New Centennial Water Source-Kaliwa Dam, at Ilocos Norte Irrigation; mga tulay at kalsada, ang Pasig-Marikina, Davao-Samal, Davao River, Davao City Expressway, Panay-Guimaras-Negros, at Camarines Sur Expressway; sa enerhiya katulad ng Agus-Pulangui Hydroelectric Power; at sa flood control katulad ng Ambay-Simuai Rio Grande de Mindanao.

Sa pag-aaral pa ng Ibon, malaking dahilan ng pagbubukas ng rehimeng Duterte sa China ang suporta ng huli sa madugong giyera kontra droga ng naturang rehimen. Kabilang sa mga proyektong ODA ng China ang pasilidad at kagamitan ng kapulisan upang diumano’y maipatupad ang giyera kontra droga. “Nakakuha rin ng mga baril at amunisyon ang rehimeng Duterte mula sa China para rito. Magpapatayo rin diumano ang China ng rehabilitation center,” sabi pa ng Ibon.

Hindi rin maipapatupad ng rehimeng Duterte ang sobrang ambisyosong Build Build Build na nagkakahalagang P8.4- Trilyon kung wala ang China.

Naunang sinuri ng Ibon ang katangian ng naturang proyektong Build Build Build. Napag-alamang hindi tinutugunan ng ambisyoso at magastos na proyektong ito ang pagpapaunlad sa sariling industriya ng bansa at sa pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo – ang dalawang sangkap para sa kaunlarang matatamasa ng mayorya ng mga mamamayang Pilipino.

Kaya katulad ng pagtutol ng mga mamamayan sa imperyalismong US, inaasahan din ang pag-igting ng paglaban ng mga mamamayan sa umuusbong na imperyalistang Tsino.