Tuition fee increase sa iba’t ibang pribadong unibersidad sa Metro Manila, tinutulan

0
427

Nagtipon-tipon ang mga lider estudyante ng iba’t ibang pribadong unibersidad noong nakaraang Biyernes, Marso 29, sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) upang magprotesta sa nagbabadyang pagtaas muli ng kanilang matrikula.

Panawagan ng mga estudyante na itigil ang pagtaas ng matrikula ngayong taon.

Matapos magdaos ng iba’t ibang porma ng protesta sa kanilang mga paaralan, nagsampa ng petisyon ang mga lider-estudyante laban sa pagtaas ng matrikula sa CHED.

Nagkakaroon din ng panggigipit ang ilang mga paaralan na nagpapatupad ng “no payment, no exam policy” sa mga mag-aaral na hindi pa nakakapagbayad ng matrikula.

Dumalo sa piket sa CHED ang mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU), De La Salle Araneta University (DLSAU), University of the East (UE) Manila at Caloocan at Adamson University.

Mga mag-aaral sa UE Manila at Recto, FEU, Adamson at DLSAU ay nagtungo sa CHED para ipaabot ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng matrikula. Kuha ni Jade Dela Cuadra

Sinabi ni UE Manila University Student Council President-elect Kate Gruenberg na nagiging pormalidad na lamang ang konsultasyon sa tuition increase na idiniraos ng mga administrasyon ng paaralan na bukas din lamang sa iilang estudyante. Ayon sa kanya ay walang konsultasyon o pag-uusap na idinaos sa nagbabadyang 5-8% na pagtaas sa kanilang matrikula. Wala ring tigil ang taunang pagtataas ng matrikula na nagdudulot sa pagtigil sa pag-aaral ng maraming kabataan.

Nagsalita si UE Manila President-elect Kate Gruenberg sa harap ng mga kapwa estudyante bago tumungo sa loob ng CHED para ihain ang kanilang petisyon. Kuha ni Jade Dela Cuadra.

Ayon kay DLSAU University Student Council President Jinn Orlanda, hindi napag-usapan at natalakay kung saan mapupunta ang mga pagtaas ng matrikula. Lalu pa’t wala naman silang nakikitang kinapupuntahan ng kanilang mga ibinabayad at hindi rin daw malinaw kung para saan ang paulit-ulit na pagtaas ng kanilang matrikula.

Ang Adamson University na unibersidad daw na nakapagpasok ng mahihirap na estudyante ay siya ring nagpapahirap sa mga estudyante nito dahil sa pagtaas ng matrikula at panggigipit sa kanila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng no payment, no exam policy, ayon kay Jovy Capulong.

Mga mag-aaral sa UE Manila at Recto, FEU, Adamson at DLSAU ay nagtungo sa CHED para ipaabot ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng matrikula. Kuha ni Jade Dela Cuadra

Nais sana ng mga mag-aaral na ipaabot ito kay CHED Commissioner Prospero De Vera III, ngunit wala ito sa kanyang tanggapan.

Lumahok din sa protesta si Kabataan Partylist second nominee Erika Cruz. Ayon sa kanya, dapat patuloy din ang paglaban ng mga kabataan sa kanilang karapatan sa edukasyon. Aniya, nagiging pribelehiyo ang karapatan sa sistema ng komersyalisasyon sa edukasyon kung saan hindi nabibigyan ng karampatang budget ang edukasyon para mabigyan ng de-kalidad na edukasyon sa pampublikong paaralan ang mga kabataan at ang polisiya ng deregulasyon sa edukasyon kung kaya’t nagiging tagapag-apruba na lamang ang CHED sa mga aplikasyon para sa pagtaas ng matrikula.

The post Tuition fee increase sa iba’t ibang pribadong unibersidad sa Metro Manila, tinutulan appeared first on Manila Today.