Dalawang Eleksyong 2018

0
220

Sa buong mundo, naluluklok sa kapangyarihan ang mga lider na katulad ni Rodrigo Duterte. Ang tawag sa kanila, “maka-Kanang populista.” Maka-Kanan: naglilingkod sa iilang mayaman at makapangyarihan, nakasandig sa militar, at mapanupil sa mga mamamayan. Ibig ding sabihin, umaatake sa mga maka-Kaliwa, o mga aktibista at progresibo.

Populista: nagkukunwaring lumulutas sa mga tunay na problema ng mga mamamayan, pero naghahain ng pekeng solusyon. Halimbawa: para umasenso ang mahihirap, kailangan ng gera kontra-droga. Ang pekeng solusyon, marahas na pumupuntirya sa mga grupo ng tao na itinuturing na parte ng problema. Halimbawa: mga adik at ordinaryong tulak ng droga. Kaya naman madalas, marahas rin ang wika ng naturang mga lider laban sa iba’t ibang grupo: kababaihan, bakla’t lesbyana, pambansang minorya, migrante, dayuhan, bukod pa sa mga kalaban sa pulitika.

Ngayong taon, nagkaroon ng eleksyon sa dalawang bansa. Sa unang bansa, sa Brazil, nanalong presidente ang isang maka-Kanang populista. Sa ikalawang bansa, sa US, umani ng maraming boto ang mga pulitikong itinuturing na kalaban ng nakaupong presidente, na isang maka-Kanang populista.

Sa Brazil, pinakamalaking bansa sa Latin America na may populasyong 200 milyon, nanalong presidente sa eleksyon nitong Oktubre 28 si Jair Bolsonaro. Isa siyang dating opisyal-militar na naging lokal na pulitiko.

Lagi niyang pinupuri ang diktadurang dinanas ng Brazil noong 1964-1988. Nangako siyang bibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang pulisya — kasama na ang pagpaslang at pagtortyur — laban sa talamak na kriminalidad at itatalaga sa gobyerno ang mga opisyal-militar. Pabor din siya sa madaliang pagbili at pag-aari ng mga baril. Umasta siyang kalaban ng korupsyon at sagot sa malawakang kawalang-trabaho.

Marami siyang kontrobersyal na pahayag. May babae siyang sinabihan na napakapangit para gahasain niya. Mas gusto raw niyang mamatay na lang ang anak niya kaysa maging bakla ito. Ang kahinaan lang daw ng diktadura noon ay kulang ang pinatay nito sa mga kalaban. Nangako siyang ipapakalbo ang Amazon, isa sa pinakamalaking kagubatan sa mundo. Hinahangaan niya ang kakayahang militar at mapanupil ng US at Israel. Lilinisin daw niya ang bansa sa dumi ng mga Komunista. Nangako siyang bubuwagin ang Kongreso at nanawagang buwagin ang Korte Suprema.

Nakuha ni Bolsonaro ang 55% ng boto, habang 45% ang nakuha ng pinakamalapit niyang kalabang si Fernando Haddad, kandidato ng PT o Partido ng Manggagawa. Nitong Setyembre lang ipinasa kay Haddad ang pagiging kandidato ng PT ng dapat sana’y kandidatong si Luiz Inacio “Lula” da Silva — na siyang nangunguna sa mga survey sa pagkapangulo bago ang eleksyon.

Maalamat na personalidad sa Brazil si Lula. Aktibistang maka-Kaliwa siya na namuno sa mga protestang tumapos sa diktadura. Naging presidente siya noong 2002-2010 at pinalitan ng kapartido niyang si Dilma Rousseff, dating gerilya na ikinulong ng diktadura, hanggang kinudeta ito noong 2016. Ang gobyernong pumalit kay Dilma, nagpakulong kay Lula. Kinasuhan siya ng korupsyon, at binawalan siyang tumakbo ayon sa batas na likha niya noong presidente siya.

Sumuporta kay Bolsonaro ang oligarkiya ng Brazil, na matagal nang gustong bawiin ang mga serbisyo at proteksyong natatanggap ng mga mamamayan, at magpatupad ng mga patakarang neoliberal. Bumoto sa kanya ang mga mamamayang naakit sa pangako niya laban sa korupsyon at kriminalidad. Sinuportahan din siya ng mga konserbatibong Kristiyanong evangelical, na dumarami sa Brazil.

Tatak ng kampanya niya ang paggamit sa social media para magpalaganap ng “fake news,” gumawa ng mga eskandalo, at manlinlang. Ang social media na WhatsApp ang popular sa Brazil, ginagamit ng 44% ng populasyon. Sinasabing kinatuwang niya si Steve Bannon, tagapayo ni Donald Trump sa pagmanipula sa social media. Tampok na modus operandi ang paglalabas ng mga larawan at video na may maling paliwanag: kunwari’y tiwali ang kalaban, kunwari’y malaki ang mga rali ng tagasuporta niya.

Bagamat natalo sa eleksyon, malaking pwersang pampulitika pa rin sa Brazil ang mga progresibo. Nangunguna rito ang MST, o kilusan ng mga walang lupa, na kilala sa pag-okupa sa mga lupain at pamamalakad sa agrikultura sa mga ito. Nariyan din ang CUT, ang kumpederasyon ng mga unyon ng mga manggagawa. Kinikilala pa rin ng mga mamamayan si Lula, Dilma at Haddad.

Sa pagratsada ni Bolsonaro ng mga patakarang neoliberal at mapanupil, maaasahan ang paglakas ng paglaban ng mga mamamayan. Maaasahan na ang malalaking protestang lansangan at okupasyon na isinulong ni Lula sa panahon ng diktadura. Bilang tugon sa mga banta ni Bolsonaro, may mga nagpapalutang na rin ng pagsuong sa pakikibakang gerilyang isinulong ni Dilma noon.

Sa US naman, ginanap nitong Nobyembre 6 ang eleksyong “mid-term” — ibig sabihin, sa gitna ng termino ni Donald Trump, malaking kapitalista na presidente ng US simula 2016. Bumoto ang mga mamamayang Amerikano ng mga representante sa kanilang House of Representatives at Senado, at naglabas ng pahayag laban kay Trump.

Ang laging mensahe ni Trump: para makabangon ang Amerika sa pagbagsak ng ekonomiya, kailangang palayasin ang mga migrante at ilugar ang mga populasyong hindi puti — Itim, Latino, Asyano, at iba pa — sa US. At ganyan nga ang ginagawa ng gobyerno niya. Kilala si Trump sa mga pahayag na kontra sa mga taong hindi puti, migrante, kababaihan, at mahihirap. Ginatungan niya ang malaganap na seksismo at rasismo sa US. Pagkatapos ng unang Itim na presidente ng US, si Barack Obama, naging presidente ang isang rasista.

Bagamat mas mababa sa 50% ng botante ang bumoto, ito ang eleksyong mid-term na may pinakamaraming bumoto sa loob ng 50 taon sa US. Tumaas ang boto ng mga kabataan, kababaihan, bakla’t lesbyana, at hindi-puti. Pagsisikap ito na talunin ang mga botong maka-Trump na mula sa mga agrikultural na parte ng Amerika. Karamihan sa mga tagasuporta ni Trump: maykaya, puti, lalake, agrikultural at suburban, may-ari ng baril, maka-militar, at Kristiyano.

Sa Kongreso, nakuha ng mga Democrats, partidong kalaban ng Republican ni Trump, ang mayorya ng pwesto. Nakuha nila ang 35 pwesto na dating hawak ng Republicans. Huli silang nanalo nang ganito noong 1974, pangulo si Richard Nixon na kinamuhian ng publiko. Naramdaman ni Trump na tagilid ang mga Republicans, kaya ilang linggo bago ang eleksyon, sumama siyang mangampanya sa mga tagasuporta niya, sa mga puti.

Sa Senado naman, kung pagsasama-samahin, lamang ng 11 milyong boto ang Democrats, pero nanatili pa ring mayorya ang Republicans. Nag-uugat ito sa kakaibang sistema ng eleksyon sa Senado ng US kung saan ang bawat state ay may dalawang senador, gaano man kaliit ang populasyon. Halimbawa, ang Wyoming na may populasyong halos 600 libo, dalawa ang senador, katulad ng California na may populasyong 39 na milyon.

Sa CNN, tinanong ang isa sa nanalong senador sa California kung ano ang dahilan ng panalo ng Democrats at ng mga babae pa nga. Ang sagot niya: “Si Presidente Donald Trump.” Si Trump ang unang presidente ng US na sinalubong agad ng protesta sa pagkapanalo at panunumpa. Ang marami sa mga lumalahok, kababaihan.

Sa kampanya para sa eleksyon ngayong taon, naging tampok ang seksismo ni Trump at mga kakampi niya dahil sa pagdinig sa nominasyon ng isang kandidato sa Korte Suprema. Ganoon din ang pagtutol niya sa pagkontrol sa baril sa kabila ng kaliwa’t kanang kaso ng pamamaril sa matataong lugar sa US.

Hindi pa malinaw kung talagang babanggain ng Democrats, na partido rin ng malalaking kapitalista, si Trump. Pagkapanalo, nangako ng pakikipagkaisa sa mga Republicans si Nancy Pelosi, lider ng Democrats. Pero ang makikita sa resulta ng eleksyon, ang sentimyento ng mga Amerikano laban sa kanilang presidente.

Marami rin ang nagsasabi na marami pang dapat gawin bukod sa pagboto laban kay Trump. Kailangan ang tuluy-tuloy at papalawak na pagpapahayag at pagpoprotesta. Mainam ang kalagayan para sa paglawak at paglakas ng progresibong kilusan maging sa tinatawag na loob ng imperyalismong US, sa “sinapupunan ng halimaw.”

May mga komentarista na nagsasabing sa pagiging presidente ng mga maka-Kanang populista tulad nina Trump, Bolsonaro at Duterte, isang panahon ng kadiliman ang naghahari sa mundo ngayon.

Pero kahit ang mga pangyayari sa kasalukuyan — sa US, sa Brazil at lalo na sa Pilipinas — pinagtitibay ang aral ng kasaysayan: kapag may pang-aapi, may paglaban. May panahong walang makita kundi ang tindi ng pang-aapi, pero lagi’t laging pinapatunayan na pinapalakas pa nito ang paglaban.


Featured image: Jair Bolsonaro, bagong halal na presidente ng Brazil (Wikimedia Commons)