Mayo 13, araw ng halalan, bumoto ang mga Pilipino. Kinagabihan, mababa sa isang porsiyento pa lang daw ng mga boto ang nabilang. Galing daw sa Ilocos Norte, balwarte ng mga Marcos na madikit na alyado ni Pangulong Duterte. Halata sa resulta: angat ang mga manok ni Duterte sa Senado at sa party-list.
Kinaumagahan, mahigit 90 porsiyento na raw ang nabilang. Pero kataka-taka: liban sa ilang pagbabago, ganoon pa rin ang resulta. Ilocos Norte na ba ang buong bansa?
Mabilis ang galit na tugon ng marami sa social media. Para sa kanila, kinukumpirma at inilalarawan nito ang buong bilangan sa kakatapos na halalan: nababalot sa kadiliman, nakatago sa tanaw ng mga mamamayan.
Una, ang mga independiyenteng nagbabantay, hinadlangan: ang National Movement for Free Elections (Namfrel), na matagal nang kilala sa gawaing ito, at ang midya. Ikalawa, ang pinayagang tumanggap ng kopya ng bilangan ay mga partidong malapit kay Duterte: PDP-Laban at Nacionalista Party (para kuno sa oposisyon, kahit kakampi talaga ni Duterte). At ikatlo, kahit ang mismong mekanismo ng Commission on Elections (Comelec) para makapagbantay ang publiko, bumigay: ang transparency server.
Ibig sabihin, ang lahat ng bilang na natatanggap ng publiko, galing sa iisang ahensiya: ang Comelec. Walang nakapagberipika, walang nakapagsabing sakto sa ibinoto ang binilang. Walang kredibilidad ang resulta ng ganyang halalan.
At kung madilim ang paraan, maitim ang resulta. Ang mga progresibong party-list, nakatanggap ng hindi kapani-paniwalang mababang bilang ng boto, ranggo sa bilangan, at puwesto – – napakababa. Si Neri Colmenares at iba pang kritiko ng gobyerno, napakababa ng boto at ranggo kumpara sa dami ng grupo at personalidad na nag-endorso. Sukdulang bumaba pa nga ang boto niya mula 6 milyon noong 2016, naging higit 4 milyon lang ngayon.
Sa senador, maanomalya rin. Paanong nalamangan ni Cynthia Villar, alyado ni Duterte, si Grace Poe, laging numero uno sa karera? Paanong nakapasok ang mga kandidatong maraming tumutuligsa – – Imee Marcos, Bato dela Rosa, Bong Revilla, at Bong Go? At kahit iyung hindi naman kilala tulad ni Francis Tolentino? Nasaan ang mga sumikat sa pagtuligsa sa rehimen?
Matagal nang nagbababala ang mga manunuring pampulitika sa ganitong resulta. Magiging mas madali kay Duterte na ilusot ang maiitim na pakana niya: mas malawak na patayan at panunupil; Charter Change para mas makapasok ang malalaking kapitalistang Amerikano, Chinese at iba pang dayuhan; pederalismo at term extension ng mga pulitiko; Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law at iba pang dagdag-pasanin sa maralita; pambabastos at pang-aatake sa mga kritiko; at iba pa.
At sa 2022, titiyakin nilang galing sa kanilang paksiyon ng naghaharing uri ang magiging presidente: Duterte, Marcos, Macapagal-Arroyo.
Nakatago sa kadiliman ang bilangan at resulta ng halalan. Matagal nang lalong dumidilim ang demokrasya sa bansa. Matagal na ring pinatunayan, ng kasaysayan ng bansa, na sa ganyang kalagayan, gumigising ang maraming Pilipino, at nakakakita lang ng magandang kinabukasan sa sama-samang pagkilos at paglaban.