Ilang buwan nang usap-usapan ang diumano’y nakapasok sa bansang P11 bilyong halaga ng shabu. Ayon sa Malakanyang: ispekulasyon lamang ang naturang bolyum ng shabu at ang tinayang halaga nito.
Pero para kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino, may laman na isang toneladang shabu ang apat na natagpuang magnetic lifters sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite. Bagaman negatibo sa swab test ng PDEA ang mga lifter, tinitindigan ni Aquino na may lamang droga ang mga ito. Para kay Aquino, sapat na ang kumpirmasyon ng K-9 na aso na sumuri sa mga lifter at ang nakalap na circumstantial evidence ng PDEA sa warehouse sa Cavite.
Ayon sa ebidensiya ng PDEA Calabarzon, pareho ang materyales na ginamit sa apat na lifter sa Cavite at sa naunang nasabat na dalawa pa sa Manila International Container Terminal na may lamang 355 kilo ng shabu.
Ipinatibay pa ito ng mga pahayag ni dating Bureau of Customs X-Ray Chief at Deputy Collector for Passenger Service sa NAIA na si Atty. Lourdes Mangaoang . Ayon kay Mangaoang, may mga maiitim na bahagi sa mga imaheng nagmula sa x-ray machines na sumuri sa mga lifter noong Hulyo. Indikasyon aniya ito na mayroong laman ang mga lifter.
Maging si dating BOC Chief at ngayo’y Technical Skills Development (Tesda) Director General Isidro Lapena, isa sa matigas na naninindigan na walang lamang droga ang lifters, ay nagsabi na ring posibleng nakapasok sa bansa ang malaking halaga ng droga matapos niyang kunin ang ekspertong opinyon ng mga taga-Department of Public Works and Highways hinggil sa mga lifter. Ganito rin ang pagtingin ni Sen. Richard Gordon, tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa naturang lifters.
Pero sa kabila ng mga indikasyong ito, matigas pa rin ang posisyon ni Pangulong Duterte. Ayon sa kanya, wala pa ring katotohanang ang P11-Bilyon na drogang nakapasok sa bansa. Pero hindi lang ito simpleng matigas na paninindigan ng administrasyon at mga kaalyado nito, kundi isang coverup o mulat na pagtatakip.
Nang masabat ang mga lifter noong Agosto, pilit tinago ng administrasyon sa publiko na nakalusot sa BOC at PNP ang malaking kargamento ng ilegal na droga. Ayon mismo kay Lapena, may “kasunduan” diumano sa pagitan ng opisyales na sangkot sa imbestigasyon sa warehouse sa Cavite na isisikreto ang naturang usapin. Pero hindi nila inasahan na ibubunyag ito ni Aquino.
Naging sistematiko naman ang atake kay Mangaoang nang magsimula siyang magsalita hinggil sa usapin. Ilang araw bago boluntaryong tumestigo sa Senado, tinanggal siya ni dating BOC Chief Lapena bilang deputy collector sa NAIA dahil “underperformed” daw ito. Sa kabila ito ng ilang araw pa lang niyang panunungkulan sa nasabing pusisyon.
Nakasentro lamang ang imbestigasyon sa mga kawani ng BOC, PNP at PDEA sa halip na turulin ang mga sindikato at protektor ng mga opisyal ng gobyerno. Ligtas si Lapena, kilalang kaibigan ni Duterte at tubong Davao, mula sa kanyang mga pananagutan. Imbes na parusahan, inilagay kamakailan ni Pangulong Duterte si Lapena sa Tesda bilang director general na naggawad sa kanya bilang miyembro ng gabinete.
Ang tila sistematikong pagpapatahimik ng administrasyon tungkol sa usapin ang nagpapahiwatig sa tunay na laman ng mga lifter. Nang aminin ni Lapena ang posibleng laman ng mga lifter, agad ipinag-utos ni Pangulong Duterte na tanggalin siya bilang hepe ng Customs.
Kung tutuusin, hindi na ito maitatanggi ng gobyerno. Kung pagbabatayan ang galawan ng mga kasangkot na opisyales, mistulang pinoprotektahan ng administrasyon ang mga sindikato ng droga. Akusasyon ni Prop. Jose Maria Sison ng National Democratic Front (NDF), si Pangulong Duterte ang pinakamalaking drug overlord.
Ayon kay Joma, mayroong estilong mafia na pagrereorganisa ng mga sindikato sa bansa—pagpupwesto ng mga malalapit na tao kay Pangulong Duterte at mga kroni nito tulad ng kanyang anak na si Paolo Duterte, manugang na si Mans Carpio at ang kanyang kumpadre at kilalang drug lord na si Peter Lim: pagpawi sa karibal sa negosyo tulad ng pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa at kay Ozamiz City Mayor at drug lord Reynaldo Parojinog Sr.; pagpatay at paghuli sa mga small time pusher at drug pusher na kalakhan ay mula sa mahihirap na komunidad sa ilalim ng Oplan Tokhang at ang pag-aabsuwelto ng mga drug lord sa kanilang mga asunto tulad ni Peter Lim, Kerwin Espinosa, Peter Co at Diana Yu Uy, anak ng akusadong “drug queen” na si Yu Yuk Lai at marami pang iba.
Malayong-malayo ito sa pangako ni Duterte na susugpuin niya ang droga sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan sa kanyang panunungkulan. Sa kabila ng pagmamayabang na nagtatagumpay ito, kabikabila ang mga insidente ng mga nakapuslit na malaking kargamento ng droga ng mga sindikato.
Sa ganitong bagay, mangmang na lang ang naniniwala na ang gera kontradroga ng administrasyong Duterte ay para sugpuin ang droga sa bansa. Malinaw na ito’y para protektahan ang mga sindikato at payabungin pa ang industriya ng ilegal na droga sa bansa. Kaya higit nitong pinatitibay ang pagsusuri ng mga kritiko ng administrasyong Duterte: ang gera kontra-droga ay kontra-maralita at kontramamamayan. Kung titingnan nang mas malalim, isang klasikong halimbawa ng burukrata kapitalismo ang ginagawa ni Pangulong Duterte.
Ginagamit ni Duterte ang mga rekurso ng gobyerno, kasama ang mga batas at iba pang aparato ng pagsasamantala, para siguruhin ang interes at negosyo ng tulad niyang naghaharing uri habang sinisikil at pinahihirapan ang mga mamamayan.
Walang ibang tunguhin ang mga mamamayan ngayon. Ayon nga sa isang kasabihan, kung naging batas na ang inhustisya, ang paglaban ay isang tungkulin.