Ni ALLAN POPA
Mula noong araw na hindi ka
umuwi, hindi na pinatay
ang ilaw sa labas ng inyong bahay.
Nanatili itong nakasindi,
tanglaw sa napipintong pagbalik.
Maging sa mga gabing kinailangang
isara ang bintana, nagkasya sila
sa pagsilip sa makitid na bitak
ng liwanag, patuloy kang tinanaw
sa kurba kung saan ka lumilitaw
sukbit ang lumang bag
na punong-puno ng mga aklat.
Hindi kailanman kumitid
ang kanilang abot-tanaw, lumalagpas
ang pag-aasam gaano man kahaba
ang magdamag. Ilang taon na ba
ang nalagas sa mga punong
pinaglahuan ng iyong mga hakbang?
At ang kuwadro ng pag-aantabay
hindi kailanman bumigay
sa bukbok, sa hangin, sa ulan,
sa mga putakting namugad.
Nananatili sila sa durungawan
ipinid man ng panahon
ang mga mata. Hindi nagwawakas
sa kamatayan ang paghihintay.
Awtor si Allan Popa ng sampung aklat ng mga tula kabilang na ang Damagan (UST Publishing House, 2018) at Narkotiko at Panganorin (Ateneo de Manila University Press, 2018). Nagtuturo siya ng Panitikan at Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Ililimbag ng DLSU Publishing House ngayong taon ang bago niyang aklat na Autopsiya ng Aking Kamatayan.