Di lang labag sa soberanya, mapanira rin sa kalikasan

0
211

Hindi binigyang pansin sa Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP) Environmental Impact Statement (EIS) ang epekto ng climate change dito.

Ayon ito sa Cordillera People’s Alliance (CPA), organisasyong kauna-unahang ginawaran ng Gawad Bayani ng Kalikasan mula sa Center for Environmental Concerns Philippines.

EIS ang pananalaksik na kailangang magawa ng kompanya para mapag-aralan ang magiging epekto ng isang proyekto sa kalikasan at sa maaaring maging tugon dito.

Giit ni Windel Bolinget, tagapangulo ng CPA, lumalabas sa EIS na hindi na inusisa pa ng gobyerno kung papaano makakaapekto ang matinding tagtuyot sa lebel na tubig ng ilog.

“Sa kasalukuyan, dagok para sa mga magsasaka sa Kalinga ang kawalan ng tubig na gagamitin sa irigasyon tuwing taginit dahil sa bumababang lebel ng tubig sa Chico River,” ani Bolinget.

Tinuturing ang Chico River bilang ilog ng buhay ng mga komunidad sa Kalinga at Bontoc. Dahil sa ilog, nagiging posible ang wet at rice farming. Dahil naman sa siyam na aprubadong hydropower projects sa bahagi ng Chico River sa Kalinga, manganganib na ang kabuhayan at kaligtasan ng mga komunidad.

“Maiistorbo ng mga proyekto ang natural na daloy ng Chico River at kapag dumating ang tagtuyot at kalakhan ng tubig ay nakaimbak sa dam reservoirs, lalala ang kakulangan ng tubig sa bahaging downstream, kung saan binabalak mag-operate ng CRPIP,” paliwanag ni Bolinget.

Sinubukan pang tuligsain ni dating National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Kalinga provincial officer Natividad Sugguiyao ang pahayag ni Bolinget at ng CPA na may siyam na proyekto. Sa kaalaman daw ni Sugguiyao, dalawang proyekto lang sa Kalinga ang nagsasagawa ng free, prior and informed consent process (FPIC).

Pero makikita sa website ng Department of Energy na tunay ngang may siyam na awarded projects sa Kalinga. Kung tutuusin, aabot pa ito ng 18 kung isasama ang mga proyekto sa Mountain Province.

“May katotohanan mang dalawang proyekto ang sumasailalim sa FPIC, hindi natin puwedeng talikdan ang katotohanang naaprubahan na ang marami pang proyekto sa ilog at sa mga sanga nito,” sabi pa ni Bolinget.

Konstruksiyon sa Chico River Pump Irrigation Project. Windel Bolinget

Bahagi rin itong FPIC, o ang pahintulot na hinihingi mula sa komunidad na maapektuhan ng mga proyekto, sa mga bahagi ng CRPIP na hindi nakitang nasagawa nang maayos ng mga miyembro ng pambansang minorya.

“Hindi hiningi ang FPIC, o pahintulot, ng mga indigenous people bago nagkapirmahan sa loan,” giit ni Sarah Dekdeken, tagapagsalita ng CPA, “at hindi na rin binigyang halaga ang pahintulot na ito bago simulant ang konstruksyon para sa proyekto.”

Nagsimula na ang “earth-moving” ng National Irrigation Administration (NIA) Region 2 habang sinasagawa pa lamang ang FPIC, pahayag ni Kalinga NCIP Director Catherin Gayagay-Apaling sa Northern Dispatch (Nordis). Sa ulat ng Nordis, pinaliwanag ni Gayagay-Apaling ang ginawa ng NIA na diretsong pakikipagtalakayan sa mga may-ari ng lote.

Ang mga lupang ninuno sa Pinukpuk at Magaogao ang maaktuhan ng proyekto. Ganoon na rin ang mga komunidad ng katutubo at magsasakang umaasa sa tubig mula sa Chico River.