Di panatag sa Kapanatagan

0
205

“Gusto kang makausap ni chairman.”

Nagulat si Eufemia “Nanay Mimi” Doringo sa text sa kanya ng sekretarya ng barangay noong Pebrero 16. Wala naman daw siyang maisip na atraso sa barangay sa Camarin, Caloocan City. Wala naman siyang anumang kaso o alitan para ipatawag ng barangay chairman. Tinanong niya ang sekretarya. Pero hindi rin nito alam kung bakit siya pinatatawag.

Pebrero 18 pinapupunta sa barangay si Nanay Mimi. Pero kinabukasan pa siya nakapunta. Kasama ang isang kapwa miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), tumungo si Nanay sa opisina ni Onie Matias, barangay kapitan. Pero wala rin kaalam-alam ang chairman. Sabi nito, pinakiusapan lang daw siya na papuntahin si Nanay Mimi ng “bisita” ng barangay.

Lumalabas na militar ang sinasabing mga bisita. Isa lang ang nagpakilala—isang Major Jeoffrey Braganza. “Mula kami ng JTF-NCR.” Ito ang Joint Task Force-National Capital Region ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang bahagi ng militar na “inatasang labanan ang terorismo-insurhensiya at umakto bilang suportang mga yunit sa Philippine National Police-NCR sa pagmamantine ng peace and order sa Metro Manila,” sabi sa website nito.

Sabi ni Major Braganza, plano daw nilang maglunsad ng isang “peace caravan” sa barangay. “Sa lahat ng tao, bakit ako ang gusto ninyong makausap?” tanong ni Nanay Mimi. Sagot ng militar, dahil alam nilang miyembro siya ng Kadamay.

“Dahil busy ka, baka puwede i-text mo na lang kami tuwing may mga miting kayo para makadalo ako,” sabi umano ng Major. Maliban daw sa peace caravan, nag-aalok ang militar ng mga proyektong pangkabuhayan. Nagpapatulong lang ang militar na makapagpaniktik sa Kadamay, pati sa lokal na homeowners’ association sa barangay.

“CamRes (Camarin Residences) po kayo [nakaritra] ma’am, diba po?” tanong ng opisyal ng militar. Maaari raw niyang bisitahin si Nanay Mimi sa kanilang bahay para gumawa ng mga “proyekto”.

Pagkatapos, nagpalitrato pa ang dalawang sundalo sa kanya. “Kailangan ito para sa report namin,” sabi ng Major.

Banta

Nabahala si Nanay Mimi, pati na ang mismong Kadamay, sa pakikipag-usap sa kanya ng militar—lalo pa’t hindi lang siya ang nakaranas ng ganitong pagkausap sa hanay ng mga miyembro ng Kadamay at iba pang progresibong organisasyon sa mga komunidad ng mga maralita sa Kamaynilaan.

Lumalabas, ganito ang hitsura ngayon ng programang kontra-insurhensiya ng AFP—ang “Joint AFP-PNP Campaign Plan Kapanatagan”, na umeempleyo ng “whole-of-nation approach” sa loob ng 2019 hanggang 2022. Ibig sabihin nito, ayon sa mga sulatin at pahayag ng AFP tungkol dito, ang pagpapakilos ng buong makinarya ng Estado o ng gobyerno para sa giyerang kontra-insurhensiya ng rehimeng Duterte.

Nilagdaan nina AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at PNP Chief Gen. Oscar Albayalde noong Enero ang naturang campaign plan. Nakatuntong ito sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Duterte na magtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Sa naturang plano, inatasan ang AFP at PNP na magbuo ng mga Joint Peace and Security Coordinating Committee sa mga rehiyon. Lalagpas ang kapangyarihan nito sa lokal na mga pamahalaan. Nasa kontrol diumano ng AFP ang pondo ng naturang mga komite.

Halimbawa ng ginawang mga komite ang nagpapatupad ng Oplan Sauron sa isla ng Negros at Implementation Plan Kalasag sa Kamaynilaan. Naging saksi ang mga mamamayan ng Negros sa bangis na dinala ng giyera kontra insurhensiya sa isla. Noong Disyembre 2018, naging saksi sila sa serye ng ilegal na paghuli at pamamaslang sa mga miyembro ng mga organisasyon ng mga magsasaka at grupong progresibo.

Pinakahuling atake sa mga mamamayan ng Negros ang naganap noong Hunyo 25 ng gabi hanggang kinabukasan ng madaling araw. Sa Brgy. Buenavista, Himamaylan, inaresto ng mga elemento ng 62nd Infantry Battalion ng Army ang pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na si Jimmy Teves, kasama ang tagapangulo ng grupong pangmagsasaka na Kauswagan ng Magsasaka na si Jodito Montecino. Inaresto naman kinabukasan sina Eliseo Andres, JP Romano at Rodrigo Medes. Kahapunan din ng ika-26, inaresto naman ang magsasakang si Roger Sabanal.

Samantala, sa panahon ding iyon, sa Hacienda Raymunda, Brgy. Kapitan Ramon sa Silay City, di-bababa sa 10 elemento ng PNP ang puwersahang pumasok sa mga bahay ng magkapatid na Hermin at Jorex Escapalao. Si Jorex ay bise-presidente ng Hacienda Raymunda Farmworkers’ Union na miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW).

Target ng giyera

Bakit sila target ng giyera kontra insurhensiya?

Ayon sa mismong AFP, ipinagpapalagay ng Oplan Kapanatagan na kalaban sa giyerang ito hindi lang ang armadong mga rebolusyonaryo ng New People’s Army (NPA) na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sinasabi nitong dapat ding targetin ang “pampulitika at legal na imprastraktura” ng tinagurian nitong insurhensiya—ang legal na demokratikong mga organisasyong masa katulad ng Kadamay.

Sa mga probinsiyang katulad ng Negros, gayundin siyempre sa Mindanao kung saan mayroon pa ring Martial Law, at, kamakailan sa rehiyon ng Bicol (kung saan pinaslang ang dalawang human rights workers sa Sorsogon, isang dating lider-aktibista sa Naga City at dalawang magsasaka sa Masbate sa loob ng isang linggo noong Hunyo), direktang pagpasok sa mga bahay hanggang tuwirang pagtarget para sa pamamaslang ang naging hitsura ng Kapanatagan.

Sa kalunsuran, lalo na sa National Capital Region, pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga katulad ng lider-manggagawa na si Maojo Maga, mga organisador ng mga kawani ng gobyerno na sina Rowena at Oliver Rosales at Bob Reyes, at pag-aresto sa mga aktibistang miyembro ng Kadamay sa Pandi, Bulacan ang isang mukha ng giyera.

Isa pang hitsura nito ang pagsampa ng mga kasong legal sa mismong mga organisasyong masa at progresibo na tumatayong pinakamalupit na kritiko ngayon ng rehimeng Duterte. Kamakailan, sinampahan sa Commission on Elections (Comelec) ng kasong diskuwalipikasyon ang Gabriela (kahit na hindi naman ito tumatakbo sa eleksiyon) dahil “tumatanggap (diumano) ito ng pondo mula sa mga dayuhan”. Binasura na ito ng Comelec, pero dinirekta lang sa Gabriela Women’s Party-list (na hiwalay sa Gabriela na organisasyong masa) ang kaso.

Samantala, kinasuhan din ng National Task Force ang Gabriela para maipawalang-bisa ang rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission at makasuhan ng pagsuporta diumano sa armadong rebolusyon ng NPA. Tusong sinulatan na rin ni National Security Adviser (at dating AFP chief-of-staff noong panahon ng rehimeng Arroyo) Hermogenes Esperon ang European Union para pigilan daw ang pagpondo sa Gabriela, gayundin sa Karapatan at Rural Missionaries of the Philippines o RMP.

Kinasuhan din ng perjury ni Esperon ang mga organisasyong ito matapos maibasura ang petisyon para sa writ of amparo na isinampa ng Gabriela, Karapatan at RMP laban sa mga opisyal ng rehimeng Duterte kabilang ang nabanggit na retiradong heneral.

Ginagamit na rin ng NTF ang legal na armas nito (i.e. paggawa ng mga pekeng kaso) sa mga institusyong katulad ng mga pribadong (pinatatakbo ng nongovernment organizatuons) eskuwelahang Lumad. Kamakailan, lumabas ang balitang sinuspinde na ng Department of Education ang rehistrasyon para sa operasyon ng 55 eskuwelahang Lumad batay diumano sa rekomendasyon ni Esperon.

Umani ng matinding pagkondena ng iba’t ibang sektor ang naturang hakbang ng DepEd sa ilalim ni (dating itinuturing na progresibong si) Sec. Leonor Briones.

“Ang mga eskuwelahang Lumad na ito ay natatag mula sa inisyatiba ng mga komunidad ng Lumad matapos ang ilang dekadang pag-abandona sa kanila ng Estado. Ngayon, muling pinagkakanulo sila ng DepED at tinatalikuran ang tungkulin nito at ang interes ng mga bata sa pamamagitan ng pagpapasara (sa mga eskuwelahang Lumad) sa kuwestiyonableng batayan,” sabi ni Raymond Basilio, pangkalahatang kalihim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), malawak na organisasyon ng mga guro na tinatarget din ng paninira at redbaiting ng NTF at rehimeng Duterte.

United Nations Human Rights Council (UNHCR): Nakinig lang sa hinaing at protesta ng mga Pilipino.

United Nations Human Rights Council (UNHRC): Nakinig lang sa hinaing at protesta ng mga Pilipino.

Nagpapatuloy

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang pag-oorganisa ng mga organisasyong masa sa iba’t ibang sektor ng mga mamamayan batay sa mga kahilingan at interes ng mga ito.

Nilalabanan din nila ang mga kasong legal, habang patuloy ang pagkondena sa tuwirang mga atakeng pisikal ng mga elemento ng Estado sa Negros, Bicol, Mindanao at iba pang rehiyon at lugar sa bansa.

Samantala, nakakuha ng malakas na suporta ang kilusang progresibo at mga mamamayang Pilipino sa naipasang resolusyon ng United National Human Rights Council (UNHRC) na nagrerekomenda ng masusing imbestigasyon sa mga ulat ng paglabag sa karapatan ng mga Pilipino sa kondukta ng giyera kontra droga at giyera kontra insurhensiya ng rehimeng Duterte.

Pinangunahan ng bansang Iceland ang isinumiteng resolusyon sa UNHRC. Umabot sa 18 bansa ang bumoto pabor sa naturang resolusyon, habang 14 ang bumotong kontra rito (kasama ang gobyerno ng Pilipinas).

Pinasalamatan ng grupong pangkarapatan na Karapatan ang 18 bansa sa pagboto ng mga ito pabor sa resolusyong pinangunahan ng Iceland kaugnay sa malubhang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Sinabi nitong matapos ang pagtanggap ng International Criminal Court sa mga reklamo laban kay Dueterte, ang prosesong ito ng UNHRC ang isa sa pinakamahahalagang mekanismong gumagana sa ngayon.

“Kung babalewalain ng gobyerno ng Pilipinas ang prosesong ito, dapat na itong tumigil sa pagka-ipokrito at mag-resign na sa UNHRC,” ayon sa grupo. Miyembro kasi ng UNHRC ang Pilipinas.

Binatikos ng Karapatan ang gobyerno ng Pilipinas, partikular si Pangulong Duterte, ang kanyang tagapagsalitang si Salvador Panelo, si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., at iba pang opisyal sa pagsasagawa ng mga aksiyon para isabotahe ang naturang resolusyon.

“Winaldas nila ang milyun-milyong buwis ng taumbayan para lamang mangampanya laban sa katarungang matagal nang ninanais makamit ng mga mamamayang Pilipino. Pero noong Hulyo 11, 2019, 18 miyembro ng UNHRC, na sinuportahan ng 23 pang bansa, ang naglantad ng kasinungalingan ng gobyerno ni Duterte,” giit ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sinabi pa ng grupo na hindi kampeon ng karapatang pantao ang gobyerno ng Pilipinas, taliwas sa ipinangangalandakan nito. Marami na umano ang namatay dahil sa gera kontra sa droga at sa kampanya kontra-insurhensiya at patuloy ang kanilang mga pamilya’t mga kamag-anak para manawagan ng katarungan at pananagutan.

Naniniwala si Palabay na bagamat hindi mawawakasan ng resolusyon ng UNHRC ang Oplan Kapanatagan na naghahasik ng kaguluhan sa buhay ng mga Pilipino, maaari naman itong magbunga ng pagbabago sa polisiya at pamunuan na tunay na magbibigay ng prayoridad sa karapatang pantao.

“Ang pakikibaka para sa katarungan at pananagutan, sa gitna ng lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa ay nagpapatuloy. Marami pang dapat gawin, pero mahalagang ito’y nasimulan na,” sabi pa ni Palabay.

Kaya sa kabila ng mga banta sa kanya, ipagpapatuloy umano ni Nanay Mimi at iba pa ang pag-oorganisa para sa karapatan ng mga maralita at iba pang sektor.

May ulat ni Soliman A. Santos