Du30 ex B = tragedy

0
304

Hayaan mo sila

Isa sa mga maituturing kong klasik sa Hollywood ang pelikulang They Live na dinirehe ni John Carpenter. Tampok dito ang karakter ni Rody Piper bilang John Nada, isang construction worker sa Los Angeles. Ang “Nada” ay salitang Espanyol na ang ibig sabihi’y “wala”. Sa pelikula, literal na walang anuman si Nada: walang maayos na tahanan at permanenteng trabaho, kung kayat nanirahan sa isang ghetto na kalauna’y binuwag ng mga pulis.

Nang ma-demolish at isa-isang paghahanapin ng mga pulis sina John Nada, naging pansamantalang tinirhan ni Nada ang isang kalapit na simbahan. Doon natuklasan ni Nada ang mga kahon ng sunglasses sa balkonahe na makapagpapabago sa kanyang buhay. Natuklasan ni Nada na nag-iiba ang kanyang paningin sa tuwing isinusuot niya ang salamin. May kung anumang mga nakatagong mensahe sa mga poster, billboard ng mga patalastas, at magasin na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata. Nakikita rin niya ang katangian ng mga tao kung kaaway sa kanyang uri o hindi.

Sa tuwing suot niya ang shades at nakakasalubong ng may maluluhong pamumuhay sa kalsada, o siguro ang mga bilyonaryo sa Forbes Magazine ay naghihitsurang bungo na nakakatakot ang hilatsa ng pagmumukha. Kapansin-pansin din ang tourism ad na may larawan ng babae na nangyayakag sa mambabasa na tumungo sa Caribbean. Mababasa mula sa kanyang shades ang “marry and reproduce”. Manipestasyon ito ng pagtingin sa mga babae sa lipunang kapitalista bilang sex objects o kaya’y palahian.

Eksena mula sa pelikulang They Live.

Eksena mula sa pelikulang They Live.

Sige-sige Maglibang

Kung sa pelikulang They Live, may hibo pa ng pagpapanggap sa ideolohikal na mga aparato, sa kanta ng Ex-Battalion na “Hayaan Mo Sila” ay hayagang inilalarawan ang mga babae bilang mga “manggagamit” o sa Ingles ay gold digger. Mga pahayag ng pagkamuhi o misogyny, at pagturing bilang sex objects. Siyempre, kanino pa ba sila matututo? May Willie Revillame at Joey de Leon. Maraming naglipanang “pasyalan” sa Quezon Avenue. May malayang access sa Pornhub at Spankwire, at babanggitin ko pa ba na may presidente tayong harap-harapang lumalapastangan sa kababaihan?

Walang bago sa kanta ng Ex-B. Nagsimulang maging komoditi ang mga babae nang magsimulang makipagpatayan ang tao sa kapwa niya tao. Panahon pa ng Mesopotamia, ginagamit na ang mga babae bilang parausan. Sa panahon ng mga digmaan, ginagahasa ang mga babaing sibilyan upang idemoralisa ang kanilang kaaway. Sa matandang sibilisasyon ng sistemang caste sa India ay may kaugaliang tinatawag na Sati. Ang Sati’y paraan ng sakripisyo ng mga babaing balo para sa kanilang asawa. Maaaring sinusunog nang buhay o di kaya’y kasamang inililibing. Sa Tsina, naging tradisyon sa mahabang panahon ang lotus feet na nagtatanggal sa mga babae ng kakayahang maglakad habambuhay.

Magpahanggang ngayo’y sakit ng mundo kung paano igagalang ang kababaihan; sa kabila ng pag-unlad ng mga lipunan sa sistemang Kapitalista (na dumating na sa kasukdulang tinitawag na imperyalismo). Lalo pang sumahol ang kalagayan ng kababaihan sa pag-usbong ng mga atakeng neoliberal sa buong daigdig.

Sa Pilipinas, naging talamak ang kontraktuwalisasyon o endo. Ayon sa Gabriela Women’s Party, tatlo sa apat na manggagawang kababaihan ang kontraktuwal. Kalakhan sa kanila ay underpaid o sumasahod ng mas mababa sa P510 na minimum sa National Capital Region. Dahil walang mahanap na trabaho at mababa ang pasahod ay tinatayang nasa 6,000 Pilipino ang umaalis sa bansa araw-araw. Sa 15 milyong overseas Filipino workers (OFW), 55 porsiyento nito ang kababaihan. Dulot ng ganitong mga klase ng atakeng neoliberal, maraming kababaihan ang nasasadlak sa prostitusyon.

Dahil sa mga atakeng neoliberal, nauso na rin ang pribatisasyon sa mga eskuwelahang pampubliko kung kaya’t marami ang di nakatutuntong sa kolehiyo o hayskul man lang. Prebilehiyo ang turing dito ng gobyerno dahil layunin nilang panatilihing mangmang ang nakararami sa tunay na kalagayang panlipunan. Habang sinisupil ang ating karapatan sa edukasyon, kasapakat ng Estado ang makinarya ng kulturang popular ng imperyalismong US para lasingin ang kabataan sa iba’t ibang trends sa social media at telebisyon. Tulad sa pelikulang They Live, pinupurol at pinakakalma ng mga halimaw ang mga tao sa iba’t ibang pamamaraan upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan.

Screengrab mula sa music video ng Ex Battalion at O.C Dawgs na pinamagatang SouthBoys.

Screengrab mula sa music video ng Ex Battalion at O.C Dawgs na pinamagatang SouthBoys.

Huwag nang uulit pa

Sabi ng matatanda, pagkain daw ng kaluluwa ang mga tula at awit. Kung kaya, di kataka-takang malnourished na ang ating kaisipan. Pawang junk foods at fast food ang handog ng kulturang popular lalo sa kabataan. Kasangkapan ito upang maging habambuhay tayong atrasado.

Tinatanggalan ang mga manggagawa ng oras para lumikha sa kanyang sarili. Di biro ang magpambuno ng halos apat na oras na trapiko sa Metro Manila sa buong araw. Ano pa nga bang oras ang matitira sa sarili kung halos araw-araw may overtime? Nagkakaroon lang ng bakasyon ang mga manggagawa kung endo na sila.

Hindi hahayaan ng sistemang kapitalista na maging mapanlikha at kritikal ang mga manggagawa. Dinisenyo sila upang gumawa ng mga bagay na pakikinabangan ng mga kapitalista. Ito ang paraan ng kapitalismo para pagtiisin ang mga manggagawa sa barya-baryang pasahod, kontraktuwalisasyon, at Ex-B. Kung bibigyan lang siguro ng mikropono ang lahat ng mga manggagawa, malamang na trending sa social media ngayon ang bagong wave ng manggagawa blues na tumatalakay sa kanilang kalagayan sa mga pagawaan.

Manipestasyon ang kantang “Hayaan Mo Sila” ng malakas na kawing ng dekadenteng kulturang kolonyal ng US. Di tulad sa naunang mga music video ni Francis M ang makukulay na jeep, nakasakay sa mamahaling kotseng lulan ng mga babaeng inilalarawan bilang mga trophy.

Isang eksena mula sa dokumentaryong pelikulang The Act of Killing.

Isang eksena mula sa dokumentaryong pelikulang The Act of Killing.

Magandang halimbawa ang dokumentaryong The Act of Killing ni Joshua Oppenheimer. Dito ipinapakita ang kahalagahan ng kritikang pangkultura, at kung paano ito tumatagos sa praktikang panlipunan. Tinalakay sa pelikulang ito ang crackdown ng gobyerno ng Indonesia sa PKI (Partai Komunis Indonesia). Ayon kay Anwar Congo, gangster na ahente ng pamahalaan, mahilig sila sa Hollywood films noon at paborito nilang gayahin si James Dean. Ang anumang marahas na gawain ni James Dean ay ginagawa rin nila sa sinumang pinaghihinalaang komunista, tulad ng pagbibigti sa mga biktima gamit ang alambre.

Siguro nga’y di lang talaga nababalitaan ng Ex-B na mayroong pinapatay na magsasaka kada buwan sa Pilipinas. Na mayroong mga tumatanggap ng mga na arawang sahod sa Metro Manila. Di nga ba’t salamin ng mang-aawit ang kanyang inaawit? Magsisilbing hamon ito sa lahat ng mga manunulat at mang-aawit, kung bakit kailangan nilang lumubog sa kalagayan ng uring anakpawis. Naroroon ang totoong inspirasyon na hindi nila makikita sa music video nina Pitbull at Lil Jon. Nawa’y maging boses sila ng mga taong hindi naririnig.