Duguan, lumalaban

0
232

Halos dalawang buwan na silang tinataboy, dinidispers, tinatakot. Noong araw na iyon, alas-tres ng hapon ng Hulyo 30, Lunes, habang nagsasagawa ng ecumenical mass ang mga manggagawa at tagasuporta nila, nagpatugtog nang malakas ang mga bantay ng planta ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan.

“Wala silang patawad. Nagpatugtog pa ng ‘Budots,’” kuwento ni Reynante Godinez, 38, tumatayong tagapagsalita ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia – Marilao Plant (NMN Marilao). Maingay na tugtog pangsayaw ang “Budots.” Nangungutya ba ang manedsment sa kalagayan ng mga manggagawa bilang kontraktuwal at tinanggal sa trabaho? Ang ibig sabihin kasi ng “budots”, tambay, walang trabaho. Pinauso ito ng mga tambay sa Davao City.

“Nakakuha sila (manedsment) ng permanent injunction order sa korte laban sa piketlayn namin. Dahil doon, nagdesisyon kami na ‘yung araw na ‘yun ay huling araw na namin (sa piketlayn). Kaya nagdesisyon kami na magpamisa. Para makita na hindi pa naman namin isinusuko ang laban,” kuwento ni Reynante.

Patapos na ang misa noon, at nagsalita na lang ang mga lider para magbigay ng mensahe sa mga manggagawa.”(May) puwersa na sa amin (ang mga security). Naghanay kami. Dinikdik kami sa gilid. Nung pagsabi natin na ipuwesto sa hanay, dinikdik kami nang dinikdik,” aniya.

Humanay ang mahigit 50 security ng NutriAsia. Armado ito ng malalaking truncheon at yantok. Sa kanilang hanay, mga pulis ng Bulacan. Isa sa mga nagkokomand, ang mismong hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Meycauayan, Bulacan, si Supt. Santos Mera Jr.

“Mga siyam na minuto lang ang ang tinagal ng dispersal,” kuwento pa ni Reynante. Ang isang bahagi ng piketlayn, napaupo habang nagpopormasyon ang mga security at pulis. Pinaghahampas ng mga security ng kanilang truncheon ang nakaupong mga tao.

Nasa nakaupong hanay ng mga tao si Aling Leticia Retiza, 56, taga-Bulacan na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, isa sa maraming tagasuporta ng piketlayn ng mga manggagawa sa NutriAsia. Sa bidyo ng AlterMidya (alternatibong media network na nagkober noon sa piketlayn), nakita si Aling Leti na nakikiusap sa mga security. “Walang sakitan!” paalala niya. Ayon sa mga saksi, nang magkagulo, tinamaan siya ng malaking bato na mula sa hanay ng security.

* * *

Tuluy-tuloy na ang dispersal. Tulak, hampas ng yantok at truncheon ang inabot ng mga taong nasa piketlayn. Nandito ang mga manggagawa, kaanak nila, tagasuporta (nandoon ang ilang miyembro ng Anakbayan tulad nina Mark Quinto at Einstein Recedes, pangkalahatang kalihim ng organisasyon).

Kasabay ng paghahampas ang pagdampot ng mga security at pulis sa mga tao. Kinuha sina Mark at Einstein, at iba pa. Kinaladkad habang sumisigaw si Jon Bonifacio, estudyante ng BS Molecular Biology and Biotechnology at isang campus journalist sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Hinaltak ang mga manggagawa at ilang tagasuporta.

Hinaltak at nakaladkad din si Fr. Rollie de Leon, Katolikong pari na siyang isa sa mga nangasiwa sa misa. “Ang hitsura (noon) ni Fr. Rollie, parang ginahasa,” kuwento ni Fr. Marvin de Leon (walang relasyon), pari ng United Methodist Church na isa rin sa mga nangasiwa ng misa. Luray-luray ang damit ng pari. “Kinaladkad, hinila siya. May sumigaw lang na ‘taong-simbahan iyan’ (kaya natigil).” Ani Fr. Marvin, nagsasalita si Fr. Rollie sa sound system: “Sino po ang ground commander?” Pinagpatayan siya ng sound system. Kinuha ng mga security at pulis ang gamit na ito.

“Pati ‘yung crucifix at altar na ginamit namin (sa misa), di na nirespeto, nawasak ‘yun, Binalibag din ‘yung krus. Hindi namin alam kung nasaan na,” ani Fr. Marvin.

Samantala, nandoon din at nagkokober ang ilang miyembro ng alternatibong midya, ang AlterMidya at Radyo Natin-Guimba. Sina Eric Tandoc at Hiyasmin Saturay, dalawang documentary filmmakers na nagsisibling correspondents ng AlterMidya, gayundin ang isa pang correspondent na si Avon Ang at ang intern nitong si Psalty Caluza, estudyante sa UP College of Mass Communication.

Sa mga video ng dispersal, mula mismo kina Eric, Hiyasmin, at kay Jek Alcaraz ng Radyo Natin-Guimba, at sa mga miyembro ng Anakbayan at mismong mga manggagawa, nakita na tahimik na nagkokober ang mga miyembro ng midya nang hulihin sina Eric at Hiyasmin. Kinumpiska pati ang mga gamit nila, na tinatayang nagkakahalagang P100,000. Si Avon, tinutulungan ang sugatang si Aling Leti nang pati siya’y damputin.

“Umatras lang nang ilang metro ang mga manggagawa para malaman kung sino ang mga nasaktan o nadampot,” ani Reynante. “Inalam namin kung sino ang nagtago sa mga bahay (sa palibot ng piketlayn).”

* * *

Tapos na ang dispersal at nakaatras na ang mga manggagawa. Pero nagbahay-bahay pa ang mga pulis at guwardiya, kuwento pa ni Reynante. “Iyung iba, nasa ibang lugar na, hinabol pa rin nila. Yung mga bahay na inupahan ng mga manggagawa, mga apartment, pinuntahan nila, pinasok. Kinuha ang mga tao na nandoon,” aniya. Di niya tiyak kung ilan, pero may mga nakuha sa mga bahay na nakasama sa 19 na kinulong ng pulis.

“Yung manedsment, pinuntahan ‘yung mga bahay na malalapit dun sa piketlayn. Kinausap ang mga may-ari ng mga bahay para paalisin (ang mga manggagawa),” ani Reynante.

Dinala sa PNP Meycauayan ang 19 katao, kasama sina Eric, Hiyasmin, Avon, Psalty, Jon, Einstein, at Mark. Gabi na nang matunton ng rumespondeng paralegal team at mga tagasuporta.

Madaling araw na rin nang dalhin sila sa Malolos Provincial Hospital para ipasailalim sa medico-legal exam. Umaga na nang dalhin sila sa piskal para sampahan ng “reklamo” ng mga pulis. Nadagdagan din sila. Isang Edwin Barana ang pinakilala ng mga pulis sa midya. Kasama raw ito ng mga nagpiket. Nakuhanan daw siya ng baril at mga sachet ng shabu.

Pero sa pakikipag-usap sa piskal ng Meycauayan, inamin ni Barana na napuwersa lang siyang umamin sa bintang. Taong 2016 pa umano siya nakakulong. Binugbog siya ng mga pulis para puwersahing magsalita sa midya at sabihing bahagi siya ng mga nagpipiket noong araw na iyon.

Dalawang araw pa matapos, Agosto 1, nang mapalaya ang 19 dahil wala namang kasong maisampa ang piskal laban sa kanila. Ibinalik umano ng piskal sa pulisya ang kaso para sa preliminary investigation dahil hindi niya matanggap ang mga “ebidensiya” ng pulis laban sa 19.

* * *

Sa estasyon sa radyo na DZBB noong araw na iyon, Agosto 1, tumawag si Thelma Meneses, tagapagsalita ng NutriAsia. Nanawagan siya sa publiko na sana marinig daw ang panig nila. Kahit pa sa mga coverage ng balita sa telebisyon, tila mas sila na nga at ang mga pulis ang nakakapanayam at nakukuhanan ng bersiyon ng pangyayari.

“Sana marinig din ang hinaing namin. May nanggugulo lang sa kanila. Nagaganap noon ang mediation sa Department of Labor and Employment,” apela ni Meneses. “Marami kaming tiniis sa mga negosasyon.”

Pero kumalat na sa social media ang balita ng marahas na demolisyon. Kumalat ang larawan ng duguang mukha ni Aling Leti. Kumalat ang video ng AlterMidya at Radyo Natin-Guimba, at Anakbayan. Umigting na ang panawagang pagboykot sa mga produkto ng NutriAsia. Hindi mapasusubalian: Mapayapa ang piketlayn nang inatake ito ng mga security at pulis. Sobrang dahas ang ginamit sa mga tao. Ang masama pa, kinulong at tinangkang kasuhan ang 19, pati na ang mga miyembro ng midya na nagkokober sa pangyayari.

“Puwede namang mag-usap nang mapayapa. Kapwa namang Pilipino. Legal naman ang piket ng mga tao. Iyung (misa) naman ay thanksgiving. Humingi sila ng tulong sa taong-simbahan para magdaos ng panalangin,” ani Fr. Marvin.

Itutuloy ng mga manggagawa ang piketlayn, sabi ni Reynante. Regularisasyon sa NutriAsia at hindi sa mga ahensiya ang hiling nila. Kung may nagbago man sa kanila matapos ang pangyayari, mas buo ang loob nila ngayon.

May ulat nina Jennelie Francisco at Ryan Plaza