Edel 2

0
261

Abril 23, taon ng pandemyang Covid-19, namatay sa edad na 73 si Edel E. Garcellano — kritikong pampanitikan, pangkultura, at panlipunan; manunulat at makata; naging guro kapwa sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Politektnikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Pumanaw siya sa panahong marami ang humahanga sa kanyang mga akda, lalo na ang mga sanaysay ng kritisismo at nobela, mula sa hanay ng mga kabataang estudyante at guro. Tumatak naman siya sa maraming estudyante niya sa klase dahil sa walang sinasantong kritikal na pagsusuri, napapanahong mga paksa, at mapagkutyang pagpapatawa.

Minsang inilarawan ng Diliman Review na “isa sa pinakamabangis na kritiko ng ating panahon,” isang radikal na intelektwal si Garcellano. Tunay siyang disipulo ng motto ni Karl Marx, “kwestyunin ang lahat,” at madalas niyang ginamit ang lenteng Marxista, progresibo at rebolusyunaryo sa pagkwestyon, at pagtuligsa rin, sa marami at sa lahat.

Marami sa mga sulatin niya ang pumupuna sa mga simplistiko, konserbatibo at kontra-pagbabagong pananaw sa literatura, kultura at lipunan — gamit ang mga personalidad na kumakatawan sa mga ito. Madalas, ginagawa niya ito pabor sa maka-Kaliwang pananaw at kilusan.

Simula ikalawang hati ng dekada 90, naging paborito si Garcellano ng isang seksyon ng mga palabasa sa hanay ng mga aktibista UP Diliman, bilang awtor na babasahin at bilang guro na kukuhanin. May mga estudyante siyang nagsasabing naging aktibista sila dahil sa klase niya. Pero sa kalakhan ay mga aktibista na ang may gusto sa kanya, mga naghahanap ng dagdag na babasahin at talakayang progresibo.

Sa paglipas ng mga taon, dumami pa ang kanyang tagahanga, sa hanay ng mga aktibista at dikit sa aktibista, mula sa iba’t ibang paaralan. Isa na siguro siya sa iilang kritiko at manunulat na may mga marubdob na tagahanga sa larangan ng panitikan, kultura at lipunan.

/1/ May paboritong kwento si Maita Gomez, ang beauty queen (ayaw niya ng ganyang pakilala) na naging kasapi ng New People’s Army o NPA, isa sa mga pasimuno ng kilusang kababaihan sa bansa, at propesor sa UP Manila. Minsan daw, pagkatapos ng klase niya, may estudyanteng babae na nagpaiwan.

Nang tanungin niya ang dahilan, ang sabi raw, “Ma’am, hindi po ba, aktibista rin kayo?” Sabi ni Maita, “Oo. Bakit?” Nagkwento ang estudyante ng buhay niya habang lumalaki. Ang buod ng kwento, sa maraming taon, hindi siya — o sila bang magkakapatid? — nakasama at naalagaan ng mga magulang, dahil sa paglahok sa pakikibaka. Nahirapan siya o sila.

“Bakit po ninyo nagawa iyun? Iyung iwan-iwanan lang kami sa kung saan-saan?” tanong ng estudyante na nagsalita nang pangkalahatan para sa maraming anak ng mga aktibista sa isang panahon. “May dahilan po kasi sila na hindi ko matanggap: para raw po sa bayan.”

Sabi ni Maita, “Totoo iyun, para sa bayan. But, also, we did not know any better.” Iyun ang alam namin, at kulang, nagsalita na rin ng pangkalahatan para sa mga kasabayan. “Ang akala namin, ang mga bata, parang damo lang na lumalaki.” Hindi raw nila alam na may partikular na pangangailangang emosyonal at sikolohikal ang mga bata, halimbawa.

Kinwentuhan niya ang estudyante ng mga karanasan ng panganay niya: karay-karay sa gubat, sa puntong nakabisado na ang mga daanan, ang mga halamang matinik na dapat iwasan, gumagawa ng sariling mga laruang simple, kahit mga tansan, ginagamit.

Naiyak daw ang estudyante. Mas naintindihan na raw niya. Nagpasalamat pagkatapos ay nagpaalam.

Edel Garcellano (1946-2020). Larawan ni <b>Karl Castro</b>

Edel Garcellano (1946-2020). Larawan ni Karl Castro

/2/ Minsan, may nadaluhan siyang parangal para sa isang namatay na kasamang alagad ng sining. Para sa kanya, tawag-pansin sa programa ang pahayag ng anak ng yumao.

Istrikto raw ang tatay nito. Bawal guluhin kapag gumagawa ng likhang-sining. Bawal puntahan, lalo’t guluhin, ang lugar na pinagtatrabahuan. Grabeng nagagalit kapag nalalabag ang ganitong mga patakaran. Ang mahahalagang desisyon sa buhay, depende kung ano ang maka-mahirap kumpara sa maka-mayaman o elitista.

“Hindi ka diyan mag-aaral, mga kleriko-pasista ang andiyan. Hindi rin diyan dahil pangmayaman iyan. Hindi ka diyan mag-aaral kasi mga elitista diyan. Hindi rin diyan dahil maraming anti-Komunista diyan. Dito ka mag-aaral dahil narito ang mahihirap at makamasa.”

Sabi ng anak, nasaktan silang magkakapatid sa ganitong ugali at tindig ng ama. Sa mahabang panahon, masama ang loob nila. Pero naunawaan din naman nila paglaon at napatawad.

Naikwento niya ito kay (Ser) Edel. At bago pa umabot sa parte ng pag-unawa at pagpapatawad, sumabat na agad ito: “Kailangan pa niyang lawakan ang pag-unawa niya. Dapat maintindihan niya ang ama niya.”

Mahabang talakayan, hanggang maikwento niya ang kwento ni Maita, taong inirerespeto si Edel at inirerespeto rin ni Edel. Hindi naman tumututol, pero hindi matinag sa punto si Edel.

Madiin ang guro. “Ang mas mabigat na pasanin sa pag-unawa, laging nasa mga anak, nasa mga kabataan, nasa bagong henerasyon.” Kaiba sa ibang pag-uusap, ginusto ni Edel na sa kanya magmula ang mga huling salita sa pagkakataong ito.

/3/ Sa labas ng Kilusan, maraming kasabayan sina Maita at Edel na lumaki sa pagdidisiplina at pagsasalita sa mga anak na matatawag sigurong abuso sa pamantayan ng kasalukuyan. At nadala nila ito hanggang sa kanilang mga anak. Kakatwa, pero baka kailangang dumaan sa mga maka-kaliwang feministang Amerikano…

Kwento ng Aprikano-Amerikanong si bell hooks, noong bata siya ay palakwestyon, palakomento at rebelde siya sa patriyarkal na awtoridad ng kanyang mga magulang sa kanilang pamilya. Ang tugon daw sa kanya ng mga ito ay ang “supilin, hadlangan, parusahan.”

Sabi pa raw minsan sa kanya ng nanay niya, “Hindi ko alam kung saan kita nakuha pero sana pwede kitang isauli,” bagay na ipinagdamdam niya. Ipinanganak siya noong 1952.

Abante sa dekada 80, kung kailan tila lumakas ang presyur para sa kabaligtaran ng ganitong pagpapalaki ng anak. Ang tunguhin noon, babala ni Barbara Ehrenreich, ay ang gustuhin ng mga magulang na gawing full-time — parang hindi angkop ang salitang “pultaym” — na aktibidad ang pagpapalaki sa mga anak.

Kwento niya, “Ang ipinag-aalala ng kabataang kababaihan ay kung pwedeng magpalaki ng mga bata nang mahusay habang pinapanatili ang pagiging miyembro ng pwersa ng paggawa. Narinig nila ang tungkol sa ‘quality time.’ Nag-aalala sila na may makahulagpos na yugto ng paglaki ng mga bata” [“Stop Ironing the Diapers,” 1989].

Malinaw kung alin sa dalawang tipo ng pagpapalaki ng anak ang naging dominante sa paglaon. Naging bulnerable sa paghusga ang naunang henerasyon. Pero sabi nga ni bell hooks, nakatulong ang “teorya,” ang “pagbibigay-kahulugan sa mga nangyayari,” ang “pagmumuni at pagsusuri” para “ipaliwanag ang sakit at mapaalis ito.”

Sabi niya, “Dumulog ako sa teorya dahil may dinaramdam akong sakit… Dumulog ako sa teorya nang desperado, gustong umunawa… Pinakamahalaga, gusto kong paalisin ang sakit. Nakita ko sa teorya ang lugar para sa paglunas (healing)” [“Theory as Liberatory Practice,” 1991].

/4/ Nasa puso ng mga sulatin ni Garcellano ang tunggalian ng mga uri — lalo na kaugnay ng panitikan, edukasyon at kultura. Pero mayroon din ditong mayamang tema ng henerasyon, kapwa sa konteksto ng mga pamilya at pakikibaka, kung saan ibang lohika ang umiiral.

Sa kanyang koleksyon ng mga sanaysay, laging may mga pagsusuri sa mga akda ng mga nakakabatang manunulat, at laging malay ang awtor sa sariling edad at henerasyon.

Ang First Person, Plural (1987), nagtapos sa sanaysay na liham sa mga susunod na henerasyon; ang Intertext (1990) at Interventions (1998), sa mga seksyon tungkol sa kabataan. Ang huli, nagbukas sa pagsuri sa kabuluhan ng Panulat para sa Kaunlaran ng Samabayanan o PAKSA, progresibong organisasyon ng mga manunulat na itinatag bago ang Batas Militar, sa kasalukuyan.

Nasa tema rin ng henerasyon ang isa sa maraming posibleng paliwanag sa pamoso niyang mahirap na estilo sa mga sanaysay. Maaalala si Pilosopo Tasyo ni Jose Rizal, na nagsusulat sa mga hiroglipiko (hieroglyphs) “Dahil hindi ako nagsusulat para sa henerasyon na ito, kundi para sa ibang panahon…. [A]ng henerasyon na makakaunawa sa mga karakter na ito ay matalinong henerasyon…”

Sa tunggalian ng mga uri, ang tugon ng mga pinagsasamantalahan sa mga nagsasamantala ay pagtuligsa at paglaban. Sa ugnayan ng mga henerasyon — syempre pa, sa loob ng kinabibilangan o pinaglilingkurang uri — ang tugon ng mga nakakabata sa nakakatanda ay pagkatuto, pagpulot sa tama at pagtapon sa mali, at pag-unawa.

Ipinapamalay ni Garcellano ang mga pagkakataon na ang mga wasto at mali ng naunang henerasyon, bukod sa kaugnay ng uri, ay kaugnay rin ng panahon — ng mga posibilidad at limitasyon nito. Kadikit ang kwento ni Maita, kahit ang abanteng destakamento, na laging nagsisikap maging nasa unahan ng panahon, ay nakapaloob pa rin sa panahon.

Sa larangan ng mga henerasyon: “We did not know any better.” May mga magagawang mali kahit yakap ang pinakamainam na mga intensyon at kaisipan. “Laging nasa bagong henerasyon ang pasanin ng pag-unawa.” May pag-unawa na mas malalim sa pagtukoy lang ng tuwid at baluktot, humihingi ng paglulugar sa galit at antagonismo, at nag-uudyok na sumulong lang nang sumulong.

/5/ Tahas ang pagtatapos niya sa tanging panayam na ibinigay niya, sa panahong sariwa pa ang ikalawang pagwawasto sa kilusang Kaliwa: “Ang rigor ng analysis ay nasa generation ninyo… Precisely that everything is not right, you have the possibility of changing it. For the better. But mind you, still within the ambit of capital and labor problematic.”

Dagdag pa niya, “Kung may problema ang generation ninyo, it should go beyond the capabilities and inadequacies of our generation. If you cannot succeed in this everything is lost, in which case malaki ang burden ninyo, just as we were burdened by our forebears.”

Sadyang ibinibigay raw ang pag-asa para sa mga walang pag-asa, at malungkot ang bayang nangangailangan ng bayani. Ang pag-asa ng mga walang pag-asa, ang bayani ng bayang malungkot, ang hahawi sa tradisyon ng lahat ng yumaong salinlahi na nakapasan na parang bangungot sa utak ng mga nabubuhay — uusbong sa bagong henerasyon.

Sang-ayon si Edel sa ganyang hamon.

10 Mayo 2020