[EDITORIAL] Sino ang #1 recruiter ng NPA?

0
245

Jan 25, 2021 Rappler.com

Nakagat ba ng asong ulol ang mga taga-militar? Matapos tapusin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana and UP-DND accord, narito naman si Lt General Antonio Parlade Jr, bumubula ang bibig. 

Sabi ni Parlade, ang spokesman ng task force laban sa insurgency, 18 pamantasan daw ang “recruitment haven” ng New People’s Army. Kung ganoon karami ang recruitment haven ng NPA, matagal nang nagkatotoo ang pangarap (o ilusyon) ng mga rebelde na “surround the cities from the countrysides.” Ginoong Parlade, magpa-rabis shots ka muna, please.

Pero pagdating sa messaging, mas matinik si Lorenzana nang binanatan niya ang mga opisyal ng UP: “Sagutin muna nila kung bakit namatay ang mga taong ito kasama ang mga NPA?”

Madikit ang messaging na ito dahil pinapakaba niya ang lahat ng mga magulang na may anak sa mga pamantasang ito. At mabango ngayon ang pangalan ng militar, lalo na sa Katimugan. Ayon sa survey, tiwala ang mga Pilipino sa kakayanan ng militar na labanan ang security threats.

Ang ‘di alam ng mga respondents, mismong mga anak nila sa kolehiyo ang ipapahamak ng militar. Mukhang nakalimuntan din ng maraming respondents na iniikutan lang ng mga Tsinong barko ang mga barkong Pinoy sa West Philippine Sea, at kung ika’y maliit na mangingisda tulad ng Gem-Ver fishermen, huwag ka nang umasang ipagtatanggol ka ng militar. Dahil ang mga patpating bully, tumitiklop sa mas higanteng bully.

Ang ugat ng armed struggle

Walang dudang may mga dating estudyante ng UP – at emphasis sa dati –  na “naghukbo.” “Naghukbo” ang tawag sa loob ng kilusan sa mga aktibistang hindi na naging sapat ang maging aktibista lamang kung kaya’t nagpasyang mag-armas. 

Mundo ang pinagkaiba ng aktibista sa combatant na NPA. Hindi pa tinatawid ng aktibista ang mapayapang pakikibaka patungo sa armadong paglaban. At sino ang sisisihin natin kapag na-radicalize ang isang aktibista? Ang paaralan ba? O ang lipunan na nagkait sa kanila ng solusyon?

Ginoong Lorenzana, huwag mong ituloy ang baluktot na katwiran mo at mauubusan ka ng pangalan ng umano’y patay na taga-UP. (Kaya ba nag-imbento na lang ang Armed Forces of the Philippines ng mga namatay kuno sa bundok? Nag-apologize si Lorenzana sa maling mga pangalan, pero hindi pa rin niya binawi ang abrogation ng kasunduan.)

Dahil sa bawa’t isang nag-NPA na taga Peyups, may 10 katapat na tibak-tibakang tumahak ng kabaligtad na landas. Andyan si Presidential Spokesman Harry Roque na tumakbong councilor sa College of Arts and Sciences nung estudyante pa siya, naging human rights lawyer na mahilig mag-grandstand, pero ngayon ay shameless apologist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Andyan din si Taguig Representative Alan Peter Cayetano na sumasama sa rally laban sa rehimeng Marcos nung panahon niya sa UP pero ngayon ay master ng makasariling pamumulitika at abala sa pagkakalat ng hidwaan sa Mababang Kapulungan. Andyan din ang dating UP Diliman student council chairman na si Anakalusugan Representative Mike Defensor, na tulad ni Cayetano ay malaki ang papel sa pagpapasara ng ABS-CBN, at sa isang punto ay gusto pang i-takeover ang broadcasting headquarters nito. Andyan din si Ronald Cardema na dating taga-UP Los Baños, isang palyadong aktibista na nagpupumilit na siya’y “youth official” sa matandang edad na 34.

Hindi pa kasama rito ang diktador na si Ferdinand Marcos, ang henchman niya na si Juan Ponce Enrile, at marami pang ibang graduate ng UP na nasa Hall of Horrors ng bansa dahil sa disservice nila sa bayan.

Produkto rin ng UP ang mga tulad ni Ninoy Aquino, Conchita Carpio Morales, Antonio Carpio, Joker Arroyo, Miriam Defensor Santiago, Haydee Yorac, Renato Constantino, Marvic Leonen, Solita Monsod, Jesse Robredo, Bhen Cervantes, at Lino Brocka. Hindi sila namundok sa kabila ng “aktibismo” nila sa kani-kanilang larangan.  

UP naming mahal

Napakaliit na porsyento ang mga namumundok at bahagi lang ito ng gaslighting ni Lorenzana laban sa institusyon ng UP. 

Ang tunay na diwa ng UP ay ito: maaaring sumulpot ang isang Ninoy Aquino at isang Juan Ponce Enrile, tulad din ng pagsulpot ng taga-UP-PGH na nagrebeldeng si Dr Johnny Escandor mula sa perehong panahon. Ito ang tunay na “Let a hundred flowers bloom.

Hindi ang UP ang lumikha sa mga rebelde, sa parehong paraan na hindi UP ang lumikha kay Cardema. Sumulpot ang rebelde sa matabang lupa ng kahirapan, pang-aapi, at pagkitil sa malayang pamamahayag. (BASAHIN: The youth of the Philippines vs Secretary Lorenzana)

Uulitin namin dito ang tanong ni Glenda Gloria sa kanyang opinion piece, The Philippine military and its hypocrisy. “Who is the biggest recruiter for the communist movement? Surely the generals know?

Sino nga ba ang pinakamagaling magrekrut para sa kilusang komunista? Walang iba kundi ang estadong nagpapasikip ng espasyo ng demokrasya. 

Sinong nagtutulak sa mga estudyanteng maging radikal? Kapag nakikita nilang walang middle ground – walang puwang para sa mapayapang reporma dahil nakaamba ang mga baril sa kanilang mga ulo. 

Walang malawakang radikalisasyon

Ang imahe ng laganap na komunismo at mga rebeldeng nag-i-infiltrate sa mga pamantasan ay kathang-isip lamang. 

Nakakausap na ba kayo ng tunay na Kabataang Makabayan, ang youth arm ng National Democratic movement, Ginoong Lorenzana at Parlade? Sila, at hindi NPA ang kumikilos sa pamantasan. Hindi sila armado kahit naniniwala silang rebolusyon ang solusyon sa lahat ng problema ngayon. (For the record, hindi kami sang-ayon diyan.)

Sasabihin nila sa inyong napakahirap mag-recruit sa millennials at Gen Z na makasarili, nakatali sa kanilang gadgets at Wi-Fi, at walang malinaw na konsepto ng nasyonalismo dahil mas globalist sila mag-isip.

Kaya mismong militar ay dina-downplay ang katotohanan: na pagdating ng 2018, ang pangalawang taon ng Duterte administration, 3,700 na lang ang armadong myembro ng NPA sa buong bansa, sa mismong pagtantya ng militar.

Sinturon ba ang sagot sa kabataang nangangatwiran? Maniniwala ba tayo na salat sa human psychology si Lorenzana, at inuulit niya ang pagkakamali ng maraming heneral na nauna sa kanya? Siguro. Anong nangyari sa “winning the hearts and minds approach” ng militar? 

May mas malalim na dahilan bakit binubuhay ng militar ang communist bogeyman o ang panakot ng Kaliwa. Ito’y dahil nakatali sa giyerang counter-insurgency ang pondo nito. Kailangan nitong palabasing buhay na buhay ang naghihingalong kilusang komunista. Kailangan nitong panatiliin ang myth ng halimaw ng rebelyon na naka-ambang wasaking ang paraiso natin sa ilalim ni Duterte. Ugh.

Sa totoo lang, nagiging irrelevant ang sundalo kapag peacetime. Kaya’t nang nagwakas na ang romansa ng self-proclaimed na komunista na si Duterte at mga taga-Kaliwa, pinag-ibayo ng militar ang dati na nitong ginagawa mula ng una at huling student insurrection ng First Quarter Storm 50 taong nakalipas: habulin ang Reds. At kung walang mahabol na pula, aba’y puwede namang mag-imbento ng bagong pula sa pamamagitan ng red-tagging.

Ayaw ng mga sundalong magtanim na lamang ng puno at gulay o magmartilyo ng paaralan. Gusto nilang bumili ng mga armalite, helicopter, granada, at tangke. Gusto nila ng giyera, at kung may war vs drugs ang pulis, kailangang may war vs Reds din ang militar. 

Dahil hindi naman agenda ang sagipin sa umano’y panganib ang mga estudyante. Hindi naman agenda ang matigil ang recruitment ng NPA. Ang tunay na agenda ay ituloy ang giyerang nakaprograma sa DNA ng militar. 

At pasok ito sa agenda ng bosstsip ni Lorenzana na si Duterte na kontrolin ang mga kritiko at lumikha ng mga inimbentong panalo – tulad ng inimbentong panganib ng droga. It’s all about control. 

Tunay na pamana ng UP

Tantanan na ng militar ang UP pati na rin ang 17 pamantasan. Kailangan natin ang mga institusyong ito na maglilinang ng kaisipan at makabayang kamulatan. 

Uulitin namin. Hindi UP ang lumikha ng mga rebeldeng NPA. Tanging pamana ng UP sa kabataan ay ang ideyalismo, critical thinking, at tapang.

Oo, tapang, dahil ang kabataang pinalaki ng kanyang mga guro sa pagtatanong at pagsusuri ay natututong manindigan sa katotohanan. – Rappler.com.