¡Fidel, presenté!*

0
276

Kilala ng marami sa kasalukuyang henerasyon si Fidel Agcaoili bilang punong negosyador ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Pero bukod dito, marami pa siyang mga naging ambag sa pagsusulong ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan, demokrasya at kapayapaan.

Para kay Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at punong konsultant pampulitika ng NDFP, naging rebolusyonaryo si Fidel nang hindi nagyayabang o nanghihinayang sa dami ng kanyang mga isinakripsyo para sa bayan at sa rebolusyon.

Larawan mula sa FB account ni Fidel Agcaoili

Kabataang Makabayan

Ayon pa kay Sison, madali sana para kay Fidel na makakuha ng mataas na posisyon sa naghaharing sistema. Sa halip, pinili niyang pumanig sa masang manggagawa at magsasaka.

Lumaki si Fidel sa maalwang buhay. Nag-aral sa University of the Philippines at naging kasapi ng Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP). Para ilayo sa aktibismo, ipinadala si Fidel ng kanyang ama sa Amerika. Nag-aral siya sa sa California habang nagtatrabaho bilang bodegero gaya ni Andres Bonifacio.

Pero bumalik siya sa Pilipinas para sa paghahanda ng pagtatag ng Kabataang Makabayan noong 1964.

Kahit may mataas na posisyon sa insurance company ng kanilang pamilya, gumampan si Fidel ng mahahalagang misyon para sa paghahanda sa pagtatatag ng CPP.

Ani Sison, “Nakibahagi siya sa kanyang mga kasama sa lahat ng kahirapan at panganib ng paglalakbay at pagtira sa mga kubo at kampo sa kagubatan.”

Isa si Fidel sa mga naging target nang ideklara ng rehimeng Marcos ang batas militar noong Setyembre 1971. Inaresto siya noong 1974 kasama ang kanyang asawa at dalawang anak, at isinadlak sa pisikal at mental na tortiyur.

Bilanggong pulitikal

Si Fidel Agcaoili bilang bilanggong pulitikal na pinakamatagal na nakulong noong panahon ng batas militar ni Marcos. Larawan ni Hermie Garcia.

Sa loob ng kulungan, nag-organisa at namuno si Fidel para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal.

“Kinakantiyawan nga kami, andami na daw naming napapalaya pero kami ang naiiwan,” ani Satur Ocampo, dating kinatawan ng Bayan Muna na nakasama niya sa bilangguan.

Para kay Sison, ni minsan ay hindi natukso si Fidel na samantalahin ang pagiging kaibigan at kaklase ng kanyang ama kay Marcos sa UP College of Law.

Makalipas ang mahigit 11 taon, nakalaya rin si Fidel. Siya ang pinakamatagal na ipiniit na bilanggong politikal sa panahon ni Marcos.

Tuloy ang laban

Pagkalaya, pinangunahan niya ang pagbubuo ng Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) at Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND).

Siya rin ang nanguna sa pagsasampa ng kaso sa Hawaii ng mga bilanggong politikal at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ni Marcos. Nanalo ang kaso at noon lang 2013, nakatanggap ng kumpensasyon ang mga biktima.

“Ang inisyatiba ni Fidel sa pagsulong ng kaso sa Hawaii ay nakatanim sa puso ng political prisoners at kanilang pamilya,” ani Ocampo.

Nang mapatalsik si Marcos, naging abala na sina Fidel at Sison sa paghahanda ng mga batayan para sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at kauupo pa lamang na administrasyon ni Corazon Aquino.

Kasama rin si Fidel sa mga nagtatag ng Partido ng Bayan (PnB) noong Agosto 1986 at humalili bilang tagapangulo nito nang kidnapin at patayin ng Armed Forces of the Philippines si Rolando Olalia noong Nobyembre 1986.

Gayunman, muling naging delikado para sa kanya ang manatili sa bansa matapos patayin ang noo’y secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan na si Lean Alejandro.

Nagpunta siya sa Europa para magtrabaho sa non-government organization na Instituto de Estudios Políticos para América Latina y Africa noong 1988. Mula noon ay tumulong siya sa pag-oorganisa sa mga migranteng manggagawang Pilipino sa iba’t ibang dako ng daigdig.

Kuwento ni Dolores Balladares, pangkalahatang kalihim ng Migrante International, isang overseas Filipino worker o OFW sa Hong Kong: “Para sa akin at marahil sa iba pang OFWs na nakakakilala kay tatay Fidel, isa siyang tunay na tagapagtanggol ng mga Overseas Filipinos. Una ko siyang nakilala noong may peace talks with NDFP at gobyernong Estrada. Hinanap niya talaga kami noon dahil gusto niyang makonsulta ang mga OFW.”

Tumulong din si Fidel sa pagbubuo ng International League of People’s Struggle o ILPS. Ayon kay Len Cooper, tagapangulo ng ILPS: “Fidel is an inspiration to all of us. He untiringly contributed to the work and success of the formation of the ILPS in 2001.”

“He was instrumental in working to have the ILPS reach out even further to other progressive organizations and networks in the world to build a broader and more powerful anti-fascist anti-imperialist united front,” dagdag ni Cooper.

Si Fidel Agcaoili bilang punong negosyador pangkapayapaan, noong 2017. Kaharap niya si Silvestre Bello III, punong negosyador ng gobyernong Duterte. Jon Bustamante

Negosyador

Naging pangalawang tagapangulo siya ng NDFP negotiating panel nang tanggapin ng administrasyong Aquino at NDFP ang The Hague Joint Declaration bilang balangkas ng usapang pangkapayapaan noong 1989.

Si Fidel din ang nagsilbing emisaryo ng NDFP sa pakikipag-konsultahan sa mga naging pangulo ng Pilipinas mula kay Estrada hanggang kay Duterte. Sa katunayan, anim na beses nakipagpulong si Fidel kay Duterte mula 2016 hanggang 2017 para ihapag ang mga mungkahi ng NDFP sa pagsulnagiging gusot sa usapang pangkapayapaan.

Taong 2017, itinalaga si Fidel na humalili kay Luis Jalandoni bilang tagapangulo ng NDFP negotiating panel. Pumanaw si Fidel noong Hulyo 23, 2020 dahil sa mga komplikasyon ng kanyang karamdaman.

Noong Agosto 8, sa ika-76 niyang kaarawan, nagtipon-tipon sa pamamagitan ng Zoom at Facebook ang kanyang mga kapamilya, kasama at kaibigan para bigyang pugay ang buhay niyang inilaan para sa sambayanan at para sa rebolusyonaryo nilang pakikibaka para sa kalayaan, demokrasyasa at kapayapaan.

“Ang rebolusyonaryong diwa, kaisipan at gawi ni Ka Fidel ay nananalaytay ngayon sa lumalakas na katawan at dugo ng pakikibaka ng sambayanan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya at para sa sosyalistang hinaharap. Lahat ng pagsisikap at sakripisyo ay habambuhay na mananatili sa puso at isip aat kolektibong kapasyahan at pagkilos ng mga mamamayan sa demokratikong rebolusyong bayan at sa kasunod na sosyalistang rebolusyon,” pagwawakas ni Sison.

Kuha ni Jon Bustamante


*Literal na kahulugan ay ‘Si Fidel, nandirito!’ O ‘Kasama natin si Fidel!’ Islogan ito ng mga progresibong Latino na sinisigaw nila sa mga kilos-protesta para ipahiwatig na buhay pa rin ang alaala ng mga kasamahang pumanaw na.