First Person | Ang araw na kami’y nawala sa ere

0
197

Habang pinagninilayan ko ang mga pangyayaring ito, marahil ay bahagyang natalo ang mga Lopez ngunit mas malaki ang pinsala nito sa mga sambayanang Pilipino kasama kaming ilang libong empleyado. Ito ay dahil sa pinagdamutan na sila ng estado na makakuha ng libangan at impormasyon sa panahon na may kinakaharap na krisis ang ating bansa, lalo na sa mga komunidad na tanging ABS-CBN lang ang napapanood nila sa pamamagitan ng analog broadcast.

Ni GABRIEL JOHN VILLEGAS
Bulatlat.com

Lahad ng isang kakapasok pa lamang na empleyado

Naalala ko noong sinalubong ko ang ika-5 ng Mayo, inakala ko na sa mga oras na iyon ay magpapaalam na kami sa ere. Nagtapos ang programa ng paborito kong DJ sa MOR 101.9 na si Chico Martin na pinatugtog niyang background ang orchestral theme ng ABS-CBN at ang kantang “Pag-Ibig ang Hihilom sa Daigdig” na siyang tema ng Pantawid ng Pag-Ibig. Napakinggan ko pa ang replay ng episode ng isa pa sa mga tinututukan kong programa ng MOR, ang Dear MOR.

Sa aking pagtulog, nandoon na yung pangamba na maaari na kaming mawala sa ere dahil walang naibibigay ang National Telecommunications Commission na Provisional Authority para patuloy na makapag-ere ang ABS-CBN habang nakabinbin pa sa Mababang Kapulungan ang prangkisa nito. Nagising ako ng umaga na patuloy pa rin silang umeere, napakinggan ko pa si Ted Failon sa kanyang programang Failon Ngayon sa DZMM sa pamamagitan ng live audio streaming sa Youtube.

Dahil sa sobrang takot ko noon na baka mawala na kami sa ere, tiniNgnan ko muna sa iWant ang livestreaming ng ABS-CBN Channel 2 at ng DZMM kung totoo pa ba ang mga nakikita ko ng bandang tanghali, napanood ko pa ang Kapamilya Blockbusters at ang hook-up ng #LagingHandaPH ng PTV-4 na umeere sa DZMM. Nagawa ko pang mag-tweet at mag-post sa aking social media accounts na nagpapasalamat na patuloy kaming nasa ere.

Hindi ko maalala kung nagawa ko pang mag-siesta nung araw na iyon pero nangyari ang kinatatakutan naming lahat. Malapit nang mag-ikalima ng hapon ng biglang magpop-up sa notification ko ang article na nilabas ng GMA News Online na mayroon nang ibinabang cease and desist order ang NTC laban sa ABS-CBN. Lahat kami ay nagtatanungan kung totoo ba ang mga nababasa namin dahil sa lahat kaming magkakatrabaho ay naka work-from-home. Tinutukan namin ang lahat ng mga social media platforms ng mga oras na iyon, maski ang radyo ko ay binuksan ko na rin upang masigurong hindi pa nawawala sa ere ang MOR.

Habang pinapakinggan ko ang DZMM, ramdam ko sa tinig ni Sir Peter Musngi, na tinataguriang ginintuang tinig ng ABS-CBN ang emosyon habang siya ay nagpoprograma sa radyo, kausap ang ilan sa mga mambabatas sa ere. Maski ang mga nasa Senado at Kamara ay naging dismayado sa naging hakbang ng NTC na maglabas ng CDO kahit pa nakapangako ito sa House Committee on Legislative Franchise at sa Senado na maglalabas sila ng Provisional Permit sa ABS-CBN para makapagpatuloy ito sa pagbrodkast habang dinidinig pa ang panukala na naggagawad ng prangkisa sa ABS-CBN.

Binalikan ko muli ang Memorandum Circular na nilabas ang NTC noong panahong nasa mga unang araw pa lang ang Luzon sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine. Nakasaad sa nasabing kautusan na awtomatikong maggagawad ng renewal sa permit ng mga broadcast companies kung ito ay mapapaso at matapat sa petsang nasa ilalim pa rin ng quarantine period at magbibigay sa mga ito na makapag-apply ng panibagong permit sa loob ng dalawang buwan mula sa araw na matapos ang quarantine period nang walang binabayarang multa.

Habang nasa ere pa si Sir Peter, agad akong pinadalhan ng mensahe ng mga naging kasamahan ko sa The Catalyst, ang opisyal na publikasyong pang mag-aaral ng PUP upang magpatulong na makabuo sila ng statement hinggil sa nangyari. Dahil hindi ko maaaring magsalita bilang isang empleyado ay nagbigay na lang ako ng mga sangguniang pwede nilang magamit upang makabuo ng mga pahayag mula sa mga articles na inilabas ng ABS-CBN News. Sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang pagmamahal at pagsuporta nila hindi lamang bilang isang kolektib, maski bilang isa ring alagad ng midya.

Maski sa TV Patrol habang ako ay nakikinig sa pamamagitan ng MOR 101.9, nararamdaman ko rin ang emosyong dala-dala ni Ted Failon habang iniinterview niya ang mga mambabatas hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN. Ang pahayag ng aming pangulo at CEO na si Ginoong Carlo Katigbak at chairman na si Ginoong Mark Lopez ang siyang naging hudyat upang magpapaalam sa ere ang ABS-CBN. Sa sandaling iyon, nadurog ang puso ko habang pinapakinggan ko silang magsalita para sa mga empleyado ng ABS-CBN at sa ating mga kababayan na palaging tumututok sa ABS-CBN araw-araw.

Napagdesisyunan ng pamunuan ng ABS-CBN na ihinto na ang pagsahimpapawid ng ABS-CBN, DZMM, MOR, at mga himpilan nito sa buong bansa bilang pagtalima sa kautusang ibinaba ng National Telecommunications Commission. At sa ganap na 07:52 ng gabi, tuluyan nang nagpaalam sa ere ang ABS-CBN.

Isa ito sa mga madidilim na araw sa amin bilang mga empleyado, ang bigla na lamang kaming ipasara ng hindi man lang nabibigyan ng pagkakataong madinig ang aming prangkisa sa Kamara. Naulit muli ang kasaysayan na hinarap ng ABS-CBN noong ipinatupad ang Batas Militar sa bansa noong 1972. Sa halip na mga sundalo, isang papel lang ang dumating upang mapatigil kami sa pag-ere. Ang pagkawala ng ABS-CBN sa himpapawid ay hindi lamang usaping pulitikal, kundi ito rin ay usapin rin ng pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag at pagkakamit ng impormasyon, ito rin ay usapin ring pang-ekonomiya dahil sa libo-libong manggagawa ng ABS-CBN ang nanganganib na mawawalan ng trabaho, lalo pa’t humaharap ang bansa sa pakikipaglaban sa COVID-19 at patuloy na pagbagsak ng ekonomiya dulot ng krisis na hinaharap hindi lamang ng bansa, pati na rin ng buong mundo.

Sa sandaling nawala kami sa ere ang siya namang buhos ng pagpapahayag ng suporta mula sa iba’t-ibang mga student publications, sectoral groups, media organizations, mga kolehiyo at pamantasan, at marami pang iba. Naging maingay ang aking Messenger dahil sa aking mga kaibigan na nagpapahatid ng suporta sa laban na hinaharap namin ngayon.

Isang oras din ang nakalipas ng pumutok ang balitang pinatay ang mamamahayag na si Rex Cornelio ng Energy FM Dumaguete habang pauwi na sa kanilang tahanan matapos ang kanyang programa. Siya na ang ika-16 na mamamahayag na napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte at pangatlo sa mga napatay na mga mamamahayag sa Dumaguete.

Nalungkot din ako na yun ang huling pagkakataong maririnig ko ang tinig ni Chico Martin sa radyo noong madaling araw ng ika-5 ng Mayo. Gayunpaman, bilang pampaantok ko ay pinanood ko na lang ang Facebook Live nina Chinapaps at Chico Martin sa Facebook Live ng MOR 101.9 at sinariwa nila ang mga alaala na nasa himpapawid pa ang MOR at ang ABS-CBN. Sa mga sandaling iyon, pansamantalang nawala ang lungkot ko dahil sa katatawanang dulot nilang dalawa.

Ngunit, hindi nawawala ang mga taong nagdiriwang na mawala ang ABS-CBN sa ere. Tulad na lamang ng isa sa mga kaibigan kong isang opisyal ng pamantasan ang natutuwa pa sa pagkawala ng ABS-CBN sa ere dahil sa umano’y dapat mawala ang mga oligarkong tulad ng pamilya Lopez na nagmamay-ari sa ABS-CBN sa dahilang sila umano ang sumisira sa imahe ng pamahalaan at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Sinabi ko na lang bago ako matulog ng gabing iyon, sana makatulog ng mahimbing ang mga nasa likod ng pagpapatigil sa amin na umere. Natulog ako ng may halong lungkot, pangamba, at galit ng dahil sa nangyari.

Isang araw matapos ang shutdown

Kinabukasan, nalaman ng aking ina na wala na sa ere ang ABS-CBN. Agad niya akong tinanong kung paano na ang trabaho ko. Ang sinabi ko lang, pansamantala lang kaming wala sa ere pero tuloy pa rin ang trabaho namin. Ngunit sa loob-loob ko, dun na nagsisimula na ako’y mangamba. Paano na ang mga pangarap ko sa sarili ko at sa pamilya ko? Paano na yung pangarap kong maging bahagi ng ABS-CBN News? Paano na ang lolo at lola ko? Paano ko sila mabibigyan ng maayos na buhay? Paano na ang gastusin nila sa gamot? Ito ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko.

Agad ding tumawag ang aking mga tiyuhin at tiyahin upang kumustahin ang kalagayan ko. Basta ang sinabi ko lang sa kanila, “Maayos lang po ako. Tuloy lang ang trabaho namin.” Naiisip ko na rin yung mga kasamahan namin, paano kaya ang mga pamilya nila sa mga susunod na mga araw, linggo, o buwan? Habang nagbabasa ako ng mga post sa Social Media, nakikita ko ang emosyon ng mga tao buhat ng mawala ang ABS-CBN sa ere. Maraming mga bata at matatanda ang lumuluha ng mawala ang ABS-CBN dahil sa hindi na nila mapapanood ang mga paborito nilang mga teleserye o makakapanood ng balita lalo na tuwing sasahimpapawid ang TV Patrol.

Marami rin sa kanila ang hindi na nagbukas ng telebisyon, o di kaya ay dumating pa sa puntong sinira o ibinenta na nila ang telebisyon dahil wala nang mapanood na ABS-CBN.

Marami rin ang nagtatanong kung paano pa nila magagamit ang nabili nilang Tvplus (isang digital receiver device ng ABS-CBN) kung wala nang eere na ABS-CBN. May mga post pa sa Social Media na ginawang patungan ng sabon ang Tvplus nila dahil wala na silang mapanood na mga channels ng ABS-CBN.

Habang pinagninilayan ko ang mga pangyayaring ito, marahil ay bahagyang natalo ang mga Lopez ngunit mas malaki ang pinsala nito sa mga sambayanang Pilipino kasama kaming ilang libong empleyado. Ito ay dahil sa pinagdamutan na sila ng estado na makakuha ng libangan at impormasyon sa panahon na may kinakaharap na krisis ang ating bansa, lalo na sa mga komunidad na tanging ABS-CBN lang ang napapanood nila sa pamamagitan ng analog broadcast.

Ang pagbabalik ng TV Patrol, Teleradyo, at MOR sa Cable at Internet

Marami ang natuwa sa naging pagbabalik ng TV Patrol sa internet pati sa mga digital platforms nito. Maski kami ay natuwa dahil sa wakas ay makakapanood na rin kami ng balita kahit man lang sa internet. Nagbalik ang TV Patrol noong ika-7 ng Mayo sa Facebook, Youtube, iWant, at ANC nang araw na iyon. Sa unang araw ng pagbabalik nito, tinatayang nasa pitong milyon ang tumutok sa Facebook Live at hindi pa kasama rito ang iba pang mga digital platforms ng ABS-CBN.

Sumunod na araw pagkatapos magbalik ng TV Patrol sa mga nasabing platforms ay nagbalik rin ang Teleradyo sa Tvplus at sa cable, pati na rin ang MOR sa cable at online. Nakakatuwang isipin na hindi pa rin sumusuko ang ABS-CBN na magpasaya ng mga tao sa gitna ng matinding krisis na kinakaharap ng ating bansa ngayon, ang pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, napapanood pa rin ang mga channels ng ABS-CBN tulad ng Cinemo, YeY, TeleRadyo, at KBO (Pay-per-view service ng ABS-CBN) sa Metro Manila, Laguna, Iloilo, Bacolod, at ilang bahagi ng Baguio sa pamamagitan ng blocktime arrangement at hindi sakop ng Cease and Desist Order na inilabas ng NTC.
Ngunit isa pa ring masakit na katotohanan na malaking bahagdan ng populasyon ng Pilipinas ang hindi makapanood ng ABS-CBN sa kanilang mga telebisyon dahil sa patuloy na transition ng mga broadcast companies mula sa analog patungong digital broadcast na inaasahan ang permanent shutdown ng analog broadcast pagdating ng 2023.

Kinabukasan ng mga empleyado ng ABS-CBN

Simula ng mawala ang ABS-CBN sa himpapawid, mas maraming kwento ang aking natutuklasan. Maraming mga kwento mula sa empleyado ng ABS-CBN ang aking naririnig at nababasa habang lumilipas ang mga araw. Marami sa mga kasamahan ko ang may mga binubuhay na pamilya, sa kanilang sinusweldo sila kumukuha ng panggastos upang mapag-aral ang kanilang mga anak sa paaralan, o di kaya ay doon sila kumukuha ng panggastos sa gamot na iniinom nila o kaya ng mga mahal nila sa buhay na mayroong karamdaman.

Lahat kami ay magkakaiba ng mga pinagdaraanan sa buhay, ngunit sa kasalukuyan ay pareho lamang ang aming pangamba. Hindi namin natitiyak kung may mga trabaho pa ba kaming mababalikan pagkatapos ng pandemyang ito. Sa sitwasyon ko ngayon, hindi ko alam kung may maiaabot pa ba akong pera sa aking nanay pandagdag sa gastusin sa aming bahay o kaya ay sa aking lolo at lola pandagdag man lamang sa aming maliit na tindahan sa probinsya, o di kaya ay pandagdag lang din para makabili sila ng kanilang gamot o kaya ay pandagdag sa buwanang bayarin ng kuryente at tubig pati na rin sa kanilang pagkain.

Kada araw, nasa P30-35 milyon ang nawawala sa kita ng ABS-CBN habang wala ito sa ere. Kalakhan sa kinikita ng kumpanya ay nanggagaling sa mga advertisers na bumibili ng ad spots upang maiere ang kanilang mga produkto tulad ng shampoo, sabon, sipilyo, seasoning, at marami pang iba. Sa kinikita rin ng ABS-CBN sa advertisements nagmumula ang mga dagdag benepisyo na tulad ng rice subsidy, health insurance, at marami pang iba. Dyan din nagmumula ang pondo ng ABS-CBN upang makapaghatid ang kumpanya ng mga dekalibreng teleserye at mga dokumentaryo.

Sa totoo lang, hindi na lamang pagiging regular ang inaasam ko ngayon bilang empleyado ng ABS-CBN. Naiisip ko na sana pagdating ng Agosto, wala ni isa sa amin ang mawawalan ng trabaho. Umaasa kami na may mga trabaho pa kaming mababalikan.

Noong nakaraang linggo ay pinangunahan ng ABS-CBN Rank and File Employees Union at ABS-CBN Supervisors Union ang pagkalap ng petisyon sa Kongreso na maibalik na ang ABS-CBN sa himpapawid. Wala pang dalawampu’t apat na oras at sa huling tala ay nakakalap na ito ng 1.2 milyong lagda. Lubos ang naging pagpapasalamat ng mga manggagawa ng ABS-CBN sa mainit nilang pagsuporta sa laban na mapanatili ang kanilang trabaho.

Sa darating na ika-26 ng Mayo ay itinakda na ang pagdinig para sa mga panukalang batas na maggagawad ng dalawampu’t limang taong prangkisa ng ABS-CBN at pag-imbestiga sa umano’y mga paglabag nito sa ilalim ng naunang prangkisa na napaso noong ika-5 ng Mayo.

Patuloy na umaasa ang mga manggagawa ng ABS-CBN na maigawad na ang prangkisa nito upang masiguro ang hanapbuhay ng nasa 11,000 na mga empleyado nito at makabalik ang himpilan sa himpapawid.

Ang pahayag at opinyon sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang. Hindi ito opinyon at pananaw ng mga empleyado, pamunuan ng mga unyon at ng network.

 

The post First Person | Ang araw na kami’y nawala sa ere appeared first on Bulatlat.