First Person | ‘Hamon para sa mga dalubhasa sa komunikasyon’

0
219

Bundoc delivers her valedictory speech during the AIJC graduation on June 7, 2019 (Photo courtesy of author)

By LORIE LYNN BENDIOLA-BUNDOC
Bulatlat.com

Senior Associate Justice Antonio Carpio, Supreme Court of the Philippines, AIJC Board of Trustees chairman Mel Velarde, AIJC President Emeritus, Dr. Florangel Rosario-Braid, members of the AIJC Board of Trustees present today, Dr. Corazon Claudio, Dean Olive Villfuerte, Dr. William Torres, Prof. Ramon Tuazon, current president of AIJC, officials of the NOW Corporation, and Dr. Paz Diaz, vice president for academics and acting dean of Graduate School, sa ating mga guro, mga magulang, mga panauhin, at sa aking mga kamag-aaral na nagsipagtapos sa araw na ito, magandang hapon po sa ating lahat.

Bago pa lamang ako pumasok sa graduate school ay lagi kong tinatanong ang aking sarili kung bakit ko ninais na mag-aral pang muli. Nakuha ko ang aking sagot makalipas ang tatlong taon — na ang pagiging isang dalubhasa sa komunikasyon ay hindi lamang dekorasyong idinudugtong sa iyong pangalan kundi ito ay isang pang-habang buhay na misyon.

Ang aking mga magulang na sina Jose at Maria Bendiola ang una kong mga guro, ang nagmulat sa akin sa kahalagahan ng edukasyon, at ito ay isang personal value na ibinahagi ko sa aking mga kapatid, si Leslie, Paul, at Cha. Ang aking asawa na si Jan-Michael Bundoc ang naging inspirasyon ko upang magpatuloy. Iniaalay ko sa aking pamilya ang entabladong ito.

Ang mga paksang aming tinalakay sa bawat taon ko sa AIJC ay nagpatibay sa aking pagnanais na maabot ang araw na ito upang maisabuhay ang mga aral na aking natutunan. Ngunit hindi ko ito nagawa nang mag-isa lamang. Kasama ko ang aking mga guro at kamag-aaral na nagbigay ng bagong perspektibo sa sining na pinili kong yakapin.

Si Dr. Paz Diaz, ang aking thesis adviser, ang nagturo sa akin ng tunay na diwa ng pagiging isang communication scholar — ang gamitin ang komunikasyon upang makatulong sa mga higit na nangangailangan.

Ngunit ano nga ba ang ating misyon bilang mga dalubhasa sa komunikasyon? Para sa akin, ito ay binubuo ng tatlong tungkulin: palawigin ang diskurso, panatilihin ang kultura, at iangat ang antas ng kamalayan lalo na ng mga mahihirap.

Palawigin ang diskurso. Isang malaking kabawasan kung tayo ay sasabay lamang sa agos ng diskusyon para masabing tayo ay nakikiisa o naiiba. Bilang mga dalubhasa sa komunikasyon, nakaatang sa atin ang misyon na mag-ambag ng ating kaalaman upang maiangat ang kalidad ng diskurso lalo na sa mga online platforms. Balikan natin ang mga communication theories na ating natutunan at gamitin silang inspirasyon upang maitama ang direksyon ng diskurso. Ito ang magsisilbing ambag natin upang muling buhayin ang isang lipunan na may sensibilidad. Hindi pa huli ang lahat.

Panatilihin ang kultura. Bilang mga mananalastas, misyon natin na ipakilala at ipaalala ang ganda ng ating wika sa pamamagitan ng laging paggamit nito. Ang wika ay salamin ng kasaysayan ng isang bansa. At bilang mga mananalastas, tayo ay mga instrumento upang mapalawig ang paggamit nito. Panatilihin natin itong buhay. Gaya ng sinabi ng manunulat na si Jun Reyes, “ang wika ay hindi lang salita. Kamalayan din ito at sensibilidad. Nasa panitikan at kasaysayan ang dangal ng bawat bayan.”

Iangat ang antas ng kamalayan lalo na ng mga mahihirap. Nakalulungkot isipin na ang ating masang Pilipino, gaya ng tinuran ng isa kong propesor, ay over-entertained but under-informed. Bilang mga dalubhasa sa komunikasyon, misyon nating ipaabot ang tamang impormasyon lalo na sa mga maralita upang magkaroon sila ng kamulatan sa mga issue na maaring makaapekto sa kanilang pamumuhay. Tamang impormasyon din ang susi upang sila ay mabigyan ng pagkakataon na makatulong sa kanilang pamayanan.

Diskurso, kultura, at kamalayan, ito po ang misyon na aking iniaatang sa aking mga kamag-aaral at sa mga susunod pang henerasyon ng communication scholars ng AIJC. Sa pinagsama-sama nating pagnanais na mapabuti ang daloy ng pakikipagtalastasan, alam kong darating ang panahon na tayo ay magiging isang lipunan na may alam, hindi takot na manindigan para sa katotohanan, at may mas malakas na boses na ipagmalaki ang ating pinagmulan.

Nais kong iwan sa inyo ang mga salita ni Nelson Mandela “kung ikaw ay makikipag-usap sa isang tao gamit ang wikang kanyang nauunawaan, ito ay tumatatak lamang sa kanyang isipan. Subalit kung ikaw ay makikipag-usap sa wikang kanyang alam, ito ay tumitimo sa kanyang puso.”

Maraming salamat po!(http://bulatlat.com)

Above is the author’s valedictory speech during the graduation and recognition ceremonies of the Asian Institute of Journalism and Communication last June 7, 2019 at Club Filipino

The post First Person | ‘Hamon para sa mga dalubhasa sa komunikasyon’ appeared first on Bulatlat.