First Person | Si Karletz at ang bundok na di mapapatag

0
189
(Photo grabbed from the author’s Facebook post)

Ni MICHAEL BELTRAN
Bulatlat.com

Kung di ako nagkakamali, kuha ang litratong ito nung naglunsad ng People’s Caravan para suportahan ang Occupy Bulacan noong Marso 2017. Matapos ang programa at habang kumakain ng tanghalian ang mga kasama sa Pandi Residences 3, sumaglit kami ni Karlets sa isang tindahan para bumili ng yosi. Malboro black ang kanya, “lagi ako mamimigay brad, basta meron. Kaso mas madalas ay wala,” madalas niyang sabihin sa akin.

“Iba ka talaga. Pag tumakbo kang Mayor dito, panalo ka na, pwede kitang piktuyran sa may taas diyan” sagot ko. Inulit ko ang isa sa mga paboritong biro ng mga kasama sa kanya, “basta aksyon, Badion!” Natuwa naman siya, at pumosing naman. Buong hapon naglolokohan kami kung magtatayo na nga ba kami ng negosyong patubig sa mga pabahay dahil wala ngang suplay ng maiinom sa lugar.

“Basta aksyon, Bad yon” tawa naming lahat. Siguro nga, kung si Ka Bea, bilang chairperson ang ‘nanay’ ng organisasyon, si Ka Inday iyung tita mong makulit, si Karlets naman ang inabutan kong tito na ‘bad boy’ ng kilusan ng maralitang lungsod. Hindi dahil pasaway siya o mahirap pakisamahan, pero dahil may taglay lang siyang swabeng angas na maganda kasama mapakwentuhan, sa init ng pagtuligsa sa bulok na gobyerno, at syempre sa pagharap sa masa.

Dati sa opisina may house rules na “hindi maaring mag hubad-baro tuwing office hours.” Katwiran ni Karlets, pagpatak ng 5:01, maari nang mag topless dahil sobrang init nga naman. Pauso niya iyun, na ginaya din ng iba, pati ko.

Nung wala na siya sa opisina, doon ako madalas nakapwesto sa lamesa niya. Payapa, may kalayuan sa ibang kaganapan at madaling makakapagpokus sa ginagawa. Minsa’y itataas ko pa ang paa ko, walang pantaas, palarong ginagaya ang kasama.

Sa totoo lang, laking tulong ni Ka Karlets sa lahat ng kasama at laluna sa pamilya niya para maunawaan at mapamahal sa maralitang Pilipino. Para sa akin, nung bago akong sumabak, nagkapagpadulas ng pagsanib iyung kalokohan niya. Minsan, sa gitna ng pulong magbibitiw ng biro na medyo pang kanto. Seryoso ang mukha, ang ibang mga kasama dedman lang dahil hindi nagets. Sabay titingin si Karlets sa akin dahil alam niyang nakuha ko, mabilisan siyang ngingiti at magpipigil naman ako ng tawa.

Pero di hamak na mas nakatulong magbigay kumpyansa si Karlets sa gawain. Mapalad kang makasama siya sa panahon nang walang katiyakan. Tuwing tatapat sa pulis na mahirap tantyahin kung gaano karahas ang magiging tugon sa pagkilos, open-command sa mikropono habang nakikipagtalo at negosasyon sa mga awtoridad.

O kaya nama’y sa tuwing haharap sa masang may sandamakmak na problema’y di mo alam kung paano kikilatisin. Nang may nagtungo sa opisina mga taga Catmon, Malabon upang kumonsulta sa kanilang kampanya hinggil sa demolisyon, hinayaan ko silang magkuwento. Punong puno ng kumplikasyong ligal at mga paikot-ikot na mga kaso, kontrata at polisiya. Nalula ako at sadyang pinakumplika naman talaga ang batas sa paninirahan. Mabuti naroon si Karlets, na tila may encyclopedia sa utak tungkol sa mga bagay na iyan. Mabilis nagbigay payo at nagbalangkas ng susing aksyon. Ako, mula sa dapat ay magpadaloy, naging tagapakinig na lang din at mag-aral sa sinasabi ng lider.

Kapag magsasalita si Karlets, talagang pangwakas sa anumang mobilisasyon. Tanda ko pa ang ibabaw ng labi niya nanginginig lagi sa galit. Ang hintuturo niya, malikot na winawagayway sa pagkukundenda sa lahat ng pagpapahirap na ginagawa sa maralitang lungsod. Danas niya lahat iyun. Kaya matapos ang pagkilos, uuwi kang panatag, imbis na puno ng masamang balita ang isip, maglalakad kang may pag-asa.

Kung maghahanap lang tayo ng patunay ng pagka-matapobre ng marami at kahit ng mga personahe sa ating lipunan, panoorin natin ang interview niya sa Balitanghali. Habang nagpapaliwanag ang kasama, pinuputol siya. Imbis na alamin ang isyu ng homeless, tila interrogation ng mas nakatataas ng uri sa lipunan ang kinalabasan. Kabado ako noon, sabi ko sa sarili ko, ‘naku yari pag nagpaka-badboy tong si Karlets, baka ibang gulo nanaman ito.’ Pero naging kalmado lang siya, hakbang-hakbang na nagpaliwanag ng panawagan para maunawaan ng lahat sa maliit na oras.

Ganyan siguro kapag maralitang lungsod ang nagsalita sa lipunan natin. Laging pasan niya ang bigat ng pagdepensa sa sarili mula sa batikos ng may pribilehiyo. Nasa kanya ang bigat ng inaasahan na manatiling kalmado at mapagkumbaba kahit sa gitna ng pambabalahura at kawalang-hiyaan. Isipin niyo kung talagang sinalubong ni Karlets ang interview sa kaparehong tono, hindi ba’t ang “bastos na lider na Kadamay” ang laman ng balita kinabukasan? Ang mga ganyang turing sa mahihirap, ang pagtrato sa kanila na parang mas mababang klaseng tao, na parang mga kriminal iyung nag-aambag sa kung bakit sila, katulad ni Karlets, ay tinatarget ng estado.

Mahirap magpaalam dahil parang lagi na tayong namamaalam sa ilalim ng rehimeng ito. Sadya atang masyadong maraming goodbye sa pagkilos at pakikibaka, pero mainam din kung dadamihan din ang pangangamusta. Ikinalulungkot ko na unang beses ngayong taon na hindi kami bumati sa isa’t isa ng happy birthday, kahit magkasunod na araw lamang iyon. Nung nakaraang taon, siya pa ang humingi ng kaunting patawad. “brad happy birthday, muntik ko makalimutan magkasunod pala tau ng petsa sa birthday.”

Ilang ulit tayong dapat magpasalamat sa kanya. Hustisya para kay Carlito Badion, bundok na di mapapatag sa kasaysayan ng militanteng maralitang lungsod.(https://www.bulatlat.com)

* The author serves as the media liaison of urban poor group Kadamay. He also contributes stories to online media outfits.

The post First Person | Si Karletz at ang bundok na di mapapatag appeared first on Bulatlat.